Chapter 10

2.6K 152 0
                                    

INAKALA ni Syra na magiging maayos din ang pagsasama nila ng kanyang Tita Rosa sa mansiyon. Nagkakamali pala siya.

"Hindi ka ba talaga tinuturuan ng mga magulang mo na gumawa ng gawaing bahay?" sita nito sa kanya ng sila lang dalawa ang nasa may garden.

"May maid naman po kami kaya–"

"Kaya lumalaki kang tamad. Hindi sa akin puwede ang ganyan. Tumulong ka sa mga katulong sa paglilinis sa loob ng bahay ninyo."

"H-Ho? Eh, sabi ni mama kahit hindi na ako gumawa sa loob ay ayos lang po."

Ikinumpas nito ang kamay para patigilin siya sa pagsasalita. "Syra Marie, 'wag ka ng marami pang dahilan. Aba, nakakahiya ka kapag nag-asawa ka na. Hindi ka man lamang marunong ng gawaing bahay. Baka kahit maghugas ng plato ay ni hindi mo rin kayang gawin? Ano lang ba ang alam mong gawin? Magpaganda, mag-shopping, maglustay ng yaman ninyo at magpa-cute?"

Sa isip ay inismiran na niya ang tiyahin at iniwan habang nagsasalita pa. Napaka-monster talaga nito kahit na kailan. Kung bakit kasi ito pa ang naging kapatid ng kanyang ama? Mabait lang kapag kaharap ang mga magulang niya.

"Linisin mo ang dapat linisin sa loob ng bahay. Hindi lahat inaasa sa mga katulong ninyo."

"Eh, si Lanie po ba tutulong din?" Naisip niyang itanong.

"Hija, bisita mo kami rito. Mahiya ka naman kung pati kami ay pagagawain mo ng gawain sa bahay ninyo. Pumasok ka na sa loob at gawin ang dapat gawin."

Wala ng imik pa na tinalikuran na ito at lihim na naiinis na nag-martsa siya papasok sa loob ng mansiyon. Nakita pa niya si Ising na naglalampaso ng hagdanan.

"Ate Ising, ako na riyan."

"Señorita, hindi na po. Trabaho po namin ito."

Mabuti pa ito. "Gusto ko pong mag-exercise," katwiran niya. "Gumawa ka na lang po ng iba pang gawain. Magtatampo ako kapag hindi mo ako pinagbigyan."

"Eh, kasi po Señorita," anito na napakamot pa sa ulo. "Sige na nga po. 'Wag po kayong ka-puwersa sa paglalampaso at baka mapagod kayo niyan."

Tumango siya. "Salamat po. Don't worry kaya ko po."

Nang mag-umpisa siyang maglampaso ay nag-enjoy pa siya. Ngunit kalaunan ay nakaramdam din ng pagod.

"Yosh! Hindi pala madali ang trabaho nila," aniya habang patuloy pa rin sa paglalampaso. Ang sahig sa second floor ay nilampaso rin niya. Gusto na niyang sumuko.

"Aba, Ate Syra, anong nakain mo?"

Para siyang nakakita ng kakampi ng dumating na ang kapatid niya mula sa pinuntahan nito. "Reynald." Tumayo siya mula sa pagkakaluhod sa sahig para lang muling bumagsak. "Aray," daing niya. Bigla ang panlalambot ng mga tuhod niya.

"Ate!" Agad siyang nilapitan ni Reynald at inalalayan. "Bakit kasi ikaw ang gumagawa niyan? Nasaan ang ibang maid?" Hindi siya sumagot kaya nagpatuloy ito. "Kaya mo bang tumayo?"

"Parang hindi ko kaya." Matagal din siyang naglampaso ng sahig na nakaluhod. At dahil hindi sanay kaya hinang-hina ang pakiramdam niya. She felt weaker even more.

Pinangko siya nito at dinala sa silid niya. Maingat siya nitong ibinaba sa kanyang malambot na kama.

"Bakit mo ba kasi 'yon ginagawa? Tingnan mo ang kamay mo at ang pula. 'Wag kang magbabasa ng kamay mo at baka mapasma ka," patuloy pa ring sita ni Reynald sa kanya.

"Nag-try lang naman ako," pagsisinungaling niya. "Ang hirap pala. Kaya ikaw kung kaya mo namang gawin ang isang bagay ay 'wag mo ng iaasa sa iba. Lalo na sa mga katulong natin. Gets mo?"

Marahan itong tumango. "Pero ate 'wag kang magpagod ng ganoon. Bilin nina Mama at Papa na 'wag kitang pababayaan at hayaang mapagod. Tapos kanina hindi ka pa makatayo."

Nginitian niya ang kapatid. Natutuwa siya sa concern na pinapakita nito sa kanya. Minsan lang iyon kaya sobrang na-appreciate niya.

"Saan ka ba kasi galing?"

"Nag-enroll sa isang summer class sa may malapit sa Naras Park. Tae kwon do."

"Sana isinama mo ako." Para ng sa ganoon ay hindi siya nautusan ng kanyang butihing si Tita Rosa.

"Paano kasi tanghali ka ng gumising. Ano bang lunch natin ngayon? Nagugutom na ako."

"Hindi ko alam. Bumaba ka na lang para malaman mo. Baka magpahatid na lang ako ng pagkain ko dito. Nanghihina pa ako."

"Sige at pahahatiran na lang kita rito."

"Salamat."

Nang mapag-isa ay napabuntong-hininga siya. Inilapat na rin niya ang likod sa kama. Nakaramdam siya ng kaginhawaan. Mayamaya nga rin ay iginupo na siya ng antok.

Ikaw Pa Rin | Published under Precious Hearts RomancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon