Ikaw, ikaw ang paborito kong musika.
Ikaw ang musika na hindi umalis sa puso’t isipan ko. Mula nung gabi na nanuod tayong dalawa ng konsyerto.
Na kahit maingay at naghihiyawan ang mga tao. Mas nanaig pa rin ang ingay ng pagkabog ng dibdib ko.
O anong saya na makita kang maligaya. Habang sinasabayan nating dalawa ang pag-awit ng banda.
At kahit hindi mo napansin, nakita ko ang ningning sa iyong mga mata. Na ang linyang “I’m truly, madly, crazy in love with you” ay aking palihim na harana.
At sana, nagbabakasakali na magkatotoo ang titulo ng kanta. Dahil ang aking mga panalangin ng gabing yun ay manatili ka.
Dito sa akin…
Sana’y ika’y maging akin…
Salamat sa Diyos dahil sinagot Niya ang aking panalangin. Gusto kitang manatili na para bang nahipan ng masamang hangin.
Mula nung gabi na yun, ikaw ang paborito kong musika. Ibang tugtugin na ang uso makalipas ang sampung taon, peru ikaw pa rin ang paborito kong musika.
Dahil ang bawat salita mula sa iyong bibig ay tila musika sa aking pandinig. Na kahit minsan nawawala sa tyempo o tono ay gusto pa rin kita marinig.
At nung minsang ako’y pumili ng maling kanta. Pinatugtog mo pa rin ang himig ng pag-ibig na siyang pinakamalakas na musika.
Kahit milya milya ang pagitan natin, naririnig ko pa rin ang iyong pag himig. Mga musika na ang liriko ay nagsasabing ang distansya ay hindi kailanman hadlang sa pag-ibig.
Ngayon, hindi na ko makapaghintay na ang boses mo ang una kong maririnig na tinig. Na parang ang “Magandang umaga, mahal” ay sapat nang liriko sa isang kanta ng pag-ibig.
Ikaw ang paborito kong musika.
Ikaw ang paborito kong harana.
At ikaw din ang paborito kong tula. Mula nung gabi na puso nating dalawa ay nagtugma. Para bang paksa at pandiwa. Na kahit minsan hindi magkasundo ay nagagawan pa rin ng paraan para maitama.
Peru ikaw, ikaw pa rin ang paborito kong musika. Mabilis, mabagal, malungkot, masaya o kahit ano pa ang tema.
Ngayon, ang dalawa ay magiging isa. Sa harap ng kompositor ng musika nating dalawa. Sa harap ng altar, ipinapangako ko sa iyo at sa Diyos, na ikaw ang musika na hindi ko pagsasawaang kantahin kahit dumating sa punto na ako ay mamaos.
Dahil mula nung gabi na nanuod tayong dalawa ng konsyerto. Ikaw at tanging ikaw lang ang musika na hindi mawawala sa puso’t isipan ko.
Ikaw, ikaw ang paborito kong musika.
BINABASA MO ANG
KATIPUNAN NG MGA SALITA
PoetryInaalay ko ang Spoken Words Poetry na ito para sa mga taong pinagpalit sa iba. Yung tipong minahal mo na nga ng sobra nagawa ka pa ring palitan, at dahil sabi nga nila kapag nakikita mong masaya ang taong mahal mo, masaya ka na rin, kahit nandun an...