PINALIPAS muna ni Dianne ang isang buong araw bago nagdesisyong bumalik sa bahay nila ni Arnold at harapin ito. Kahit mahirap at masakit, kailangan niyang makausap ang asawa, itanong dito ang mga tanong sa isipan.
Napatigil siya sa paghakbang nang makita si Arnold na nakaupo sa couch. Nakasuot lamang ito ng puting long-sleeved shirt at itim na trousers, nakasubsob ang mukha sa dalawang kamay, magulo ang buhok.
Nag-angat ng tingin ang asawa, maitim ang ilalim ng mga mata nito tanda na hindi pa natutulog. Tumayo si Arnold, nag-aalangang lumapit sa kanya. “D-Dianne... k-kahapon pa kita hinihintay... n-nag-aalala ako na—”
“Stop, Arnold,” pagpapatigil ni Dianne dito, bahagya pang pumiyok. “P-please lang, huwag ka nang magpanggap na parang isang mabuting asawa.”
Yumuko si Arnold, makikita sa mukha ang matinding kalungkutan.
Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa paligid. Sandaling pinagmasdan ni Dianne ang asawang nasa harap. Mahal niya ito, oo. Pero napakahirap na para sa kanya ngayon ang tingnan ito at hindi maalala ang nakitang pagtataksil kasama ang kapwa lalaki.
“H-h-he’s your... secretary, right?” panimulang tanong ni Dianne, pinipigilan ang mga luhang nagbabanta na namang pumatak. Tinutukoy niya ang lalaking kahalikan nito sa loob ng kuwarto nila kagabi.
Naaalala niya ang mukha ng lalaking iyon. Sa Pilipinas pa lang ay secretary na ito ni Arnold. Ni minsan, hindi pumasok sa isipan ni Dianne na karelasyon din pala ito ng asawa.
Hindi tumugon si Arnold, nanatili lamang na nakayuko.
“Ang tanga-tanga ko,” usal ni Dianne, tumulo na ang mga luha sa mukha. Her heart kept on breaking. Her husband cheated on her. Her husband was a gay. Ano pa? Ano pa ang dadagdag sa paghihirap na kanyang nararamdaman ngayon?
Ini-angat ni Arnold ang mukha, may mga luha na rin sa mga mata nito. “D-Dianne...”
“Bakit mo ako pinakasalan, Arnold?” lakas-loob na tanong ni Dianne, napakasakit na bitawan ang mga salitang iyon. “Bakit ka nakipag-relasyon sa akin kung hindi naman pala babae ang gusto mo? Para ano? Para pagtakpan na bakla ka?!”
“Dianne... h-hindi ko—”
“Alam ba ng pamilya mo ang tungkol sa... sa pagkatao mo?” muling putol ni Dianne sa asawa. “Alam ba 'yan ng daddy mo?”
May bumahid na takot sa mukha ni Arnold. Sapat na ang reaksiyong iyon para malaman niya ang sagot.
Sinugod ni Dianne ang asawa, galit na galit na pinagpupukpok ang dibdib nito. “How dare you! Ginamit mo lang ako! Wala kang puso!” Napahagulhol na siya ng iyak. “Napakasama mo!”
Napatigil siya sa pagpukpok nang biglang lumuhod sa sahig si Arnold. “Dianne... p-patawarin mo ako... P-please... h-hindi ko gustong saktan ka.”
Umismid si Dianne. “Hindi ko na gustong marinig ang mga salitang 'yan, Arnold,” mapait na wika niya. “Palagi mong sinasabi na hindi mo gustong makitang nasasaktan ako, umiiyak. Pero ano'ng ginagawa mo ngayon? Hindi ba dapat pumikit ka para hindi mo makita ang sakit na ibinibigay mo sa akin?!”
Napahagulhol na rin ng iyak si Arnold. “D-Dianne... I’m so sorry... I’m sorry...”
Ikinuyom niya ang mga kamay para pigilang saktan uli ang asawa. Hindi niya matatanggap ang paghingi nito ng tawad. Ginamit siya nito. Pinakasalan para maitago ang tunay na kasarian. Siguradong nag-migrate din sila sa bansang ito para malayang maipagpatuloy ang relasyon nito sa kalaguyong lalaki.
Ilang beses na humugot ng malalim na hininga si Dianne bago lumakad palayo. Nagtungo siya sa kuwarto nila. Muli na namang nanumbalik ang sakit nang mapatingin sa kama.
Ginawa ni Dianne ang lahat para alisin sa isipan ang alaala ng nasaksihan kagabi. Kinuha niya sa closet ang mga damit para ilipat iyon sa guest room. Doon na siya matutulog simula ngayon. Hindi niya gustong makasama sa isang kuwarto ang asawa.
Hindi na rin alam ni Dianne kung gusto pa bang makasama sa isang bubong si Arnold. Hinawakan niya ang sariling ulo. She didn’t know what to do anymore. Gusto niyang alisin ang sakit at paghihirap sa puso pero hindi naman alam kung papaano.
INAYOS ni Dianne ang mahabang buhok bago lumabas ng train na sinasakyan. Sumulyap siya sa wristwatch na suot. Halos isang oras na siyang late sa usapan nila ni Nico. Iginala niya ang paningin sa station para hanapin ang lalaki.
Nitong nakaraang mga linggo, hindi na napapansin ni Dianne ang pagdaan ng oras. Madalas ay nakatulala lang siya sa kawalan. Simula nang huling mag-usap sila ng asawang si Arnold, hindi niya pa rin ito kinakausap. Hindi niya alam kung patuloy pa rin ang pakikipagrelasyon nito sa kalaguyong lalaki. Wala na siyang pakialam.
Pero kung aaminin ni Dianne sa sarili, hindi pa rin nababawasan ang sakit na kanyang nararamdaman, ang galit. Laking pasasalamat niya nang makatanggap ng tawag mula kay Nico kagabi. Kinumusta siya nito. Tinanong kung gustong mamasyal sa Times Square nang araw na iyon.
Tinanggap niya iyon. She wanted to unwind, to be comforted. At sigurado si Dianne na ang makagagawa lang niyon ngayon ay si Nico. Wala dito ang pamilya niya.
Napatigil si Dianne sa paglalakad nang matanaw si Nico sa isang parte ng train station. Nakasandal ito sa isang poste, nakasuot ng itim na jacket, puting pantalon. Naka-shades din at may hawak na dalawang cups ng kape.
Mabilis niyang nilapitan ang binata. “Nico, kanina ka pa bang naghihintay?” tanong niya. “Pasensiya ka na, h-hindi ko kasi namalayan ang oras.”
Iniabot sa kanya ni Nico ang isang cup ng kape. “It’s okay. Pero hindi na nga lang mainit ang kape na 'to.”
Ngumiti si Dianne. “Okay lang. Umiinom din naman ako ng malamig na kape.”
Ginantihan ni Nico ang ngiti niya. “I’m glad to see you again.”
“Masaya rin akong makita ka uli. Hindi ko alam na nandito ka pa pala sa New York.” Sumunod lang siya sa binata sa paglalakad. “It’s been more than six months. Ang tagal ng bakasyon mo, ah?”
“Nagtatrabaho pa rin ako kahit nandito ako,” natatawang sagot ni Nico.
Tumango-tango si Dianne. Alam niya naman iyon. Habang namamasyal sila, nakikinig lamang siya sa mga kuwento ni Nico tungkol sa mga adventures nito sa iba’t ibang lugar dito sa America.
Bahagyang nabawasan ang lungkot na kanyang nadarama ngayong kasama na ang binata. Subalit hindi pa rin masabi ni Dianne ang pinoproblema dito. Hindi niya alam kung papaano.
Nakamasid lamang si Dianne kay Nico habang nasa loob ng sasakyan nito. Gabi na at pauwi na sila. Gusto niyang itanong sa lalaki kung alam nito ang inililihim ni Arnold? Mas matagal ang mga itong naging magkaibigan.
Ini-iling niya ang ulo. Hindi siguro alam ni Nico. Kung alam ng binata, hindi nito papayagang makasal silang dalawa. Sinabi ni Nico na hindi nito hahayaang masaktan siya ni Arnold.
Ibinaba ni Dianne ang tingin sa mga palad na nasa kandungan. Hindi na lang dapat siya nagdesisyong pakasalan si Arnold. Ito na siguro ang parusa sa desisyon niya ng basta-basta.
“Nandoon na ba si Arnold sa bahay n'yo ngayon?” narinig niyang tanong ni Nico. “May makakasama ka na?”
Ikinuyom niya ang mga kamay, pinigilan ang magpakita ng galit. “Hindi ko pa gustong umuwi, Nico,” ani Dianne, pinilit na ngumiti. “May... may business meeting ngayon si... Arnold,” pagsisinungaling niya.
“Ganoon ba? May gusto ka pa bang puntahan?”
“Gusto ko nang magpahinga,” bulong niya. “Puwede bang sa apartment mo na muna ako matulog ngayong gabi, Nico?”
“S-sigurado ka?” tanong pa ng binata. “Baka umuwi mamaya si Arnold at hanapin ka.”
“Sigurado ako.”
Tumango-tango na lang naman si Nico. Habang nasa biyahe, nagkuwento na lang si Dianne ng tungkol sa kanyang restaurant. Iniwasan niya ang banggitin ang pangalan ni Arnold, maging ang sumagot sa mga tanong ni Nico patungkol sa asawa.
Hindi naman nagtagal, nakarating na sila sa apartment ng binata. Sinabi ni Nico na siya na ang matulog sa kama, ito na lang sa couch.
“Dito ka na rin matulog,” ani Dianne nang akmang lalabas na ng kuwarto ang kaibigan.
Napatingin sa kanya si Nico, may pagkagulat sa mga mata. Mayamaya ay ngumiti rin ito. “You know we can’t, Dianne. May asawa ka na at—”
“Magkatabi naman tayong natulog dito noong may sakit ka, 'di ba?” putol niya, nagmamakaawa na ang mga mata. “Sige na. Magkaibigan naman tayo at alam nating walang malisya ang lahat ng 'to.”
Humugot ng malalim na hininga si Nico. Ilang saglit itong nag-alangan bago pumayag. Sumampa na rin ito sa kama.
“May problema ka ba, Dianne?” tanong ng binata. “Kayo ni Arnold?”
“Wala,” mabilis na sagot ni Dianne. “Busy lang uli talaga siya. Naiintindihan ko naman na 'yon.”
Tumango si Nico.
Tuluyan ng humiga si Dianne sa kama habang nakasandal pa rin ang binata sa headboard. “May girlfriend ka ba ngayon, Nico?” naisipan niyang itanong.
Ngumiti si Nico. “Bakit mo naman natanong?”
“You seem very happy sa mga adventures mo sa lugar na 'to. Hindi naman ako maniniwala na mag-isa ka lang na nagbabakasyon.”
“Masayang mag-travel mag-isa, marami kang nakikilala at wala kang dapat intindihin.” Tumawa pa si Nico.
“Mabuti ka pa,” bulong ni Dianne, hinihiling na naitago ang lungkot sa tinig. “Masaya kahit mag-isa.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Nico. “Mas maayos na ang maging masaya sa kahit na ano'ng paraan kaysa ang makitang nalulungkot ako dahil sa taong hindi ko na makukuha.”
Napatingin si Dianne sa binata. Gusto niya sanang itanong kung ano'ng ibig sabihin nito pero nakakaramdam na ng antok. Umisod na lang siya palapit kay Nico para maramdaman ang init ng katawan nito.
Ipinikit niya ang mga mata nang maramdaman ang marahang paghaplos ng binata sa kanyang buhok. She wanted to stay here until all the pains in her heart vanished.
MAHABANG sandaling nakatitig lamang si Nico sa natutulog na mukha ni Dianne. Nanatili siyang nakaupo sa kama, nakasandal sa headboard. Hindi niya maigalaw ang katawan dahil nakayakap ang isang kamay ng babae sa parteng hita.
Napabuntong-hininga si Nico. Hindi niya na dapat hinahayaang magpalipas ng gabi dito si Dianne. Paano na lang kung malaman ito ni Arnold? Hindi niya gustong magalit si Arnold sa asawa. At mas lalong hindi niya gustong sumama ang tingin ng ibang tao kay Dianne.
Hinaplos-haplos ni Nico ang buhok ng babae. Dianne had long dark hair, a little bit curly at the end. Her sleeping face was like an angel’s. She had long, curly lashes, making her so feminine. And that tiny mole at the lower side of her left eye was what makes her stare seductive all the time. Ibinaba niya pa ang tingin sa pinkish na mga labi nitong bahagyang nakaawang.
God, she was so beautiful. He wished this woman was his. Pero alam ni Nico na hindi mangyayari iyon. Hindi na puwede.
Humugot ng malalim na hininga si Nico bago marahang inalis ang braso ni Dianne sa pagkakayakap sa kanya. Inayos niya ang kumot sa katawan nito at sandali pang pinagmasdan.
Pagkatapos ay lumakad na palabas ng kuwarto si Nico. Nagtungo siya sa kusina, kumuha ng isang beer can sa refrigerator.
Sumandal siya sa kitchen counter habang umiinom ng beer. May asawa na si Dianne kaya dapat nang tigilan ang kabaliwang ito. Kailangan niya nang bumalik sa Pilipinas. Masyado nang napatagal ang pananatili niya dito.
Umismid si Nico. He should stop clinging to hope. There was nothing more left. Nothing to start with.
Habang maaga pa, dapat na siyang lumayo, tumigil. Hindi niya gustong sirain ang kasiyahan ng mga kaibigan. He should accept that what was not meant to be should be left alone.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 5: Nico Santiago
Romance*This is an unedited version.* Dianne was a widow - a virgin widow to be exact. Simula ng mamatay sa isang aksidente ang asawa niyang si Arnold ay ipinangako niya sa sariling hindi na uli siya magpapatali sa isang relasyon kung saan walang napapala...