Chapter 10

23 2 0
                                    


[ KENJIRO ]

Hinatid ko si Yesha sa bahay nila. Inalok ko syang matulog muna sa bahay ko pero mas pinili nya na umuwi sa kanila, baka daw kasi magalala sila ng magulang nya.

Ang maganda sa ugali ni Yesha ay kahit hindi sila ayos ng pamilya nya, may respeto at mahal nya pa rin ang magulang nya.

Hindi ko na naikwento pa kay Yesha ang pagpunta ko sa bagong pamilya ni Papa, mukha kasing wala sya sa mood at gusto ko rin na magpahinga na agad sya. Humingi din ako ulit ng pasensya sa nagawa kong pag-text kay tita para mapuntahan sya at kunin.

Ayos lang naman daw sa kanya 'yun. Para makabawi, sinabi ko nalang sa kanya na i-text o tawagan ako kung may mangyari man na hindi maganda sa bahay nila.

Mayamaya pa, hindi pa ako nakakalayo mula sa bahay nila nang makarinig ako ng sigawan. Gusto ko sanang makialam at pumasok sa bahay nila para siguraduhin na ayos ang kalagayan ni Yesha pero sinabi nya sa akin kanina na hwag ko na daw syang alalahanin, gusto nya daw kasing subukang kausapin ang magulang nya at ipaglaban ang sarili... Bagay na ngayon ko lang narinig sa kanya.

Palagi nalang kasing naglalayas si Yesha at nakikituloy sa akin. Palagi nya lang iniiwasan ang mga magulang nya at hindi kinakausap, sana sa pagkakataong ito ay masabi nya lahat ng gusto nyang ipaglaban sa mga magulang nya. Sana magtagumpay si Yesha sa plano nya.

--

Kinabukasan, nagising ako dahil sa tunog ng cellphone ko. Tumatawag si Yesha kaya kinuha ko 'yun agad para sagutin.

Hindi pa ako nakakapagsalita nang magsalita agad sya, "Kenji! Magkita tayo sa park ngayon na mismo, may kwento ako!" Excited na sabi ni Yesha.

Agad nyang binaba ang tawag na hindi ko naman maintindihin kung bakit. Mukhang masaya naman sya kaya mas lalo akong nagtaka kaya hindi na ako naligo at nagsuot agad ng simpleng damit, nagpabango nalang ako para kahit paano ay maayos pa rin akong tingnan.

Nilakad ko lang ang sinasabing park ni Yesha, maganda naman kasi ang panahon ngayon at pakiramdam ko ay nahawa din ako sa pagiging good mood ni Yesha. Excercise na din itong paglalakad ko ngayon dahil alas otso palang naman ng umaga.

"Kenji, dito!" Nakangiti kong natanaw si Yesha na kinakaway ang kamay nya at nakatayo sa libingan ng aso ko, dito din kami nagkita kahapon-- 'yun nga lang, ang kaibahan ay masaya na sya ngayon.

Tumakbo agad ako at nagpunta sa kinaroroonan ni Yesha, ngumiti din sya sa akin at inobserbahan ako.

"Hindi ka pa nakain, 'no?" Lumungkot ang mukha nito nang tumango ako, "Sorry ah. Big news kasi 'to."

"Ayos lang, mukha namang good news," tumawa ako matapos kong sabihin 'yun.

At hindi ako nagkakamali. Natupad nga ang hiling ko na naging ayos na sila ng magulang nya. Nakwento ni Yesha na nagkaroon ng mahaba-habang sigawan at iyakan sa bahay nila, nagmakaawa sya na manatili lang sila dito at hwag na syang ilayo. Nagmakaawa din daw sya na maghiwalay nalang ang mga magulang nya kung hindi na naman sila masaya sa isa't isa, mas okay daw 'yun kay Yesha kaysa nakikita silang nagaaway lang.

"Magpapa-devorce na sila," nakangiti pa ring kwento ni Yesha. Hindi ko alam kung malulungkot ba ako sa sinabi nya o ngingiti din tulad nya.

Seryoso ko syang tiningnan, "Sigurado ka bang magiging okay ka kapag naghiwalay sila?" Tanong ko sa kanya. Gusto kong malaman kung ano ang tunay nyang nararamdaman.

"Oo." Maikling sagot ni Yesha, "Mas magiging okay at panatag ang loob ko kung hindi na sila magpapanggap na masaya sa harapan ko kahit alam ko naman na lagi lang silang nagaaway at nagsasakitan. Nakakasawang makita silang ganun, gusto ko ding palayain nila ang isa't isa."

Tumango-tango ako at sa pagkakataong ito, nakita ko ang saya sa mata ni Yesha. Kung gaano sya kasaya na ayos na sila ng pamilya nya at hindi na kailangang magpanggap pa.

Ang saya sa pakiramdam kapag malapit ka sa pamilya mo at maayos ang pakikitungo nya sa isa't isa.

"Ayos na din kami ni Papa," pagkwekwento ko kay Yesha. Nagtaka naman sya kaya sinabi kong pumunta ako sa bagong bahay at pamilya nya para makausap si Papa at patawarin siya.

Pinalo nya ako sa braso na ikinagulat ko naman, "Ang daya mo! Sabi ko ipakilala mo ako e," pagrereklamo ni Yesha kaya natawa nalang ako.

Mayamaya, may nakita kaming batang lalaki na hawak ang tali na nakakonekta sa leeg ng aso. Napangiti kami parehas ni Yesha, para kasing nakikita namin ang batang ako kung saan palagi kong ginagala ang aso ko para maarawan.

"Kamukha ng aso mo dati," Nakangiting sabi ni Yesha, hindi nya nakita ito ng buhay pero nakita nya na ang mukha ng aso ko sa mga litrato na pinakita ko sa kanya dati. Hindi ako makapaniwalang naalala nya pa rin ang itsura nun kahit matagal na.

Tumango lang ako at tumingin ulit sa aso nang marinig ko si Yesha na nagsalita, "Happy birthday, Kenjiro."

Muntik na akong maluha nang marinig ko 'yun galing sa kanya, sa lahat ng tao na gusto kong marinig 'yun, kay Yesha ang pinakapaborito ko. Akala ko din kasi ay makakalimutan nya ang kaarawan ko.

Maging si Papa kasi ay hindi alam na birthday ko kahapon, hindi ko nalang sinabi para hindi na sya humingi ng tawad sa paglimot dito. Baka rin pilitin nya pa akong maghanda.

Hindi ko inaasahan ang sumunod na ginawa ni Yesha, lumapit ito sa akin at tiningnan ako ng seryoso sa mata. Mukhang alam ko na ang gagawin nya kaya hindi na ako pumalag at hindi na rin ako gumalaw.

Naglapat ang labi naming dalawa.

Ito na siguro ang pinakamasayang araw sa buhay ko na kasama si Yesha. Ang bagay na hindi ko inaasahan nyang gawin ay nangyari na ngayon mismo. Mukhang ayos na ang lahat, kami ni Yesha, magulang nya at kami ng Papa ko. Ayos na siguro ang lahat.

Ngumiti si Yesha nang makita ang reaksyon ko na nagulat dahil sa ginawa nya, "Peck lang. Hindi pa kita sinasagot e," tumawa ako dahil sa sinabi nya.

Ang tagal pa bago sya maging eighteen, hintay pa. Kaya ko 'to!

Napalingon kaming dalawa nang may narinig kaming naglalako ng ice cream, may dala naman akong pera dahil handa ako sa lahat ng bagay kaya nagpaalam muna ako kay Yesha na bibili.

Agad akong tumakbo papunta sa tindero para hindi na ito lumapit pa sa akin, halatang may katandaan na kasi sya. Pumili ako ng dalawang flavors at hinintay sya na ilagay 'yun sa cone.

"Coco!" Napalingon ako nang may sumigaw mula sa likuran ko, galing 'yun sa batang lalaki.

Nakita ko na nakawala ang aso nito na tinawag nyang Coco, tumatakbo ito papunta sa kung saan nang namalayan ko nalang na malapit ito kay Yesha kaya nakita nya rin ang pagtakbo ng aso.

Nanlaki ang mata ko nang tumakbo si Yesha para habulin ang aso kahit walang kasiguraduhan kung saan ito papunta. Nang mapansin ko nalang ang isang kulay pula na kotse na patungo sa direksyon ni Yesha at ng aso.

In Another LifeWhere stories live. Discover now