Sakay ng mga kalesa, ang pamilya Echavez ay nagtungo muna sa tirahan ng pamilya Ocampo dahil inimbitahan sila ng mga ito para sa isang pagsasalo-salo na ipinahanda ni Don Miguel bago pa sila dumating.
"Kamusta naman ang pamumuhay rito?" tanong ni Don Amarillio kay Don Miguel habang sila'y kumakain.
"Ayos naman dito. Minsan ay nagkakaproblema ngunit ito nama'y nareresolba din kaagad." Napatango-tango naman si Don Amarillio dito.
"Solomon iho" tawag naman ni Don Miguel kay Solomon.
"Ikaw ba ay may balak manatili rito?" Tumikhim muna si Sol bago ito sagutin.
"Pinag-iisipan ko pa ho. May kailangan din po kasi akong lakarin dito patungkol sa negosyo kaya kung hindi ho kakayanin ng ilang araw ay mananatili ako."
"Kung sakaling ikaw ay mananatili rito maari ka bang tumulong sa klinika ko?"
"Ikinagagalak ko ho" nakangiting sagot nito. Napangiti din si Don Miguel sa isinagot niya.
Nagtuloy sila sa pagkain at sa pagkwekwentuhan. Nang matapos na sila ay ipinahatid sila nina Don Miguel pauwi sa kanilang tirahan. Pagkauwi nila ay inayos lamang nila saglit ang kanilang mga gamit at nagpahinga na din.
Kinabukasan ay maagang nagising at naghanda si Sol. Nais niyang puntahan ngayon ang kanyang mga kaibigan. Nagsuot lamang siya ng puting kamisa at itim na pantalon.
Una niyang pupuntahan ngayon si Marcus. Ang tirahan nina Marcus ay na sa may likod ng simbahan malapit sa tirahan nina Gregoryo at Angelita ngunit mas bungad ang kay Marcus kaya ito muna ang kanyang pupuntahan.
Mula sa kanila ay nilakad niya patungong pamilihan. Ngayon ay na sa pamilihan na siya. Naglalakad lamang siya ng mabagal habang pinagmamasdan ang paligid. May mga kaunting pinagbago pero halos ganoon pa din. Sobra siyang nagagalak na makabalik muli rito.
Mga tao na nagtitinda, naglalaro, nag-aayos, at nagkwekwentuhan, mga makukulay na banderitas at madaming tindahan ang nakikita niya ngayon. Sa kanyang paglalakad-lakad ay madami siyang nakikita ngunit ang pinaka nakapukaw ng atensiyon niya ay ang isang tindahan ng mga alahas. Nilapitan niya ito at tinignan ang mga alahas na nandoon. Pinagmamasdan siya ng tindera. Nagtingin-tingin pa doon si Solomon. Magaganda ang kanilang itinitinda pero isang bagay lang ang talagang nagustuhan niya. Kinuha niya ito habang kumikinang pa ang mga mata. Titig na titig siya dito habang nakangiti. Ang kinuha niyang alahas ay isang kuwintas na araw at buwan.
'Magkasama ang araw at buwan. Napakaganda.'
"Kay ganda ano?" Nagulat siyang ng biglang magsalita ang matandang tindera.
"Buwan at araw. Araw at buwan. Bihirang magsama pero pag nagsama ay napakaganda." Napangiti naman dito si Sol at napatango.
"Bibilhin mo ba yan iho?" biglang tanong nito na nagpawala sa ngiti ni Sol.
"M-Magkano ho ba ito?"
"Iyan ay anim na piso lamang." Kinapa niya ang kanyang bulsa at napatikhim ng wala siyang makapa dito. Hindi siya nagdala ng salapi dahil wala naman talaga siyang planong bumili. Hindi niya inasahan na may makikita siyang ganito.
"P-Pasensiya na ho. Babalik na lamang h-ho ako bukas. W-Wala po kasi akong dalang sa-salapi ngayon." Natawa naman sa kanya ang tindera.
"Alam mo iho may kapareha ka. Noong nakaraan din ay may babaeng tumingin sa mismong alahas na iyan. Manghang-mangha din siya katulad mo ngunit katulad mo din ay wala rin siyang dalang salapi" sabi pa nito habang natatawa. Napakamot na lamang si Sol sa kanyang batok at binalik na lamang ang alahas at humingi muli ng pasensiya sa matanda. Nilisan niya na ang tindahan at nagtuloy na muli sa paglalakad.
BINABASA MO ANG
Sol at Luna
عاطفيةAng kwento ng isang araw at ng isang buwan na patuloy pinaghihiwalay ng kalawakan. Makakayanan ba nilang ipaglaban ang kanilang pagmamahalan? Mapapatunayan ba nila na ang kanilang pag-iibigan ay parang isang eklipse ng araw na kahit maraming hadlan...