Unit 29-D

42 2 0
                                    


Hi! Ka-spookify! Noon pa ako follower ng page nyo. Tamang basa lang ako palagi sa mga stories nyo. Noon ko pa sana gustong mag-share kaya lang hindi kasi ako magaling maglahad ng kwento. But, I'll give it a try.

Based on my personal experiences talaga ang ise-share ko sa inyo, wala naman akong third eye pero nakakaramdam ako ng mga spirits sa palagid, usually din sa panaginip ko sila nakikita. Call me V nalang hehe (please hide my identity po), medyo mahaba po ang kwento ko na ito. Pag nabasa ng kaibigan ko or ng mga pinsan ko ang kwento na ito please wag nyo akong i-mention hehe for privacy purposes lang po.

This story happened to us year 2014-2016 sa condo namin sa Eastwood City, Libis. Naghahanap kami ng condo noon na malaki dahil buntis ako at gusto ko yung spacious na condo dahil nga magkakaroon na kami ng anak at napili namin sa Eastwood dahil malapit yon sa working place ng husband ko. Mura lang namin nakuha ang condo, mura na siya dahil mahal ang mga units sa lugar na yon, dahil siguro sa luma na ang condo building kaya mura nalang ang offer nila. Nagustuhan agad namin siya dahil spacious ito, may 3 bedrooms, 3 bathrooms at 4 units lang ang meron kada floor. Nasa pinaka-top kami, 29th floor.

Nung mga ilang araw pa lamang kami nakatira doon ay may kakaiba na kaming nararamdaman sa unit, ang unang nakaramdam ay ang yaya namin, natutulog daw siya sa maid's room nang bigla siyang magising dahil may tumatawag sa pangalan niya sa may bintana ng kwarto niya, hindi daw niya pinansin pero naulit na naman kinabukasan at sumisitsit daw sa kanya. May time din na hindi na kinaya ni Jean at kinatok niya kami sa aming kwarto na kung puwede daw ay sa lapag nalang namin siya matutulog, umiiyak siya non.

Yaya Jean: Mam!!!! Ser!!!!! Please buksan nyo po ang pinto parang awa nyo na pp huhuhu.
Me: (binuksan ang pinto) Bakit? Bakit? Anong nangyari?
Yaya: Mam may multo po, may babae po sa loob ng banyo ng kwarto ko, nakita ko po siya tinatawag niya ako at nakatitig siya sakin ng sobrang talim.
Me: Baka guni-guni mo lang yon, namamahay ka lang siguro sa bagong unit natin.
Yaya: Mam, hindi po ako namamahay, totoo po ang nakita ko, parang awa nyo na po please.

Pinapasok ko na si Jean sa kwarto dahil ayaw niyang tumigil sa pag-iyak, at baka magising din ang asawa ko, ayaw ko siyang maistorbo sa pagtulog dahil maaga siyang aalis ng unit para pumasok sa work. Ilang araw ang lumipas ng maiwan si Jean mag-isa sa unit dahil nag-date kaming mag-asawa. Pag-uwi namin ay nag-iiyak si Jean at may kausap sa kanyang cellphone. Nagpapaalam na aalis na dahil hindi na daw niya talaga kaya ang nangyayari. Tinanong namin siya kung anong nangyari at kinuwento niya sa amin.

Yaya Jean: Naliligo po ako sa banyo nang biglang napihit ng kusa ang tubig at naging sobrang init ang bumubugang tubig sa shower, may parang sumuntok din po sa legs ko Mam, kaya agad-agad akong lumabas ng banyo, paglabas ko may parang malaking pasa na po ako sa hita na wala naman kanina. Tapos habang naglilinis po ako sa kusina, may parang pabalik-balik na naglalakad po sa may hallway, naririnig ko po ang yapak ng paa wala namang tao. Ilang beses din pong nagbukas at sara ng kusa ang pinto sa kwarto nyo, paano po mangyayari yon eh wala namang nakabukas na bintana.

Hindi na talaga namin napigilan si Jean na umalis, sobrang takot na takot siya. Nakita din namin ang sinasabi niyang pasa sa hita at nagulat talaga kami dahil totoo ngang meron. Napilitan kaming maghanap ng ibang yaya, di puwedeng wala akong yaya dahil maselan akong magbuntis, bedrest lang at laging wala ang asawa ko dahil sa klase ng trabaho na meron siya.

Ganoon din ang naranasan ng mga sumunod na naging kasambahay namin hindi nagtatagal minsan 3 days lang iisa lang ang sinasabi nila, may sumisitsit, may sumisipol na para bang kumakanta, may naririnig na yapak sa hallway ng aming unit kahit walang tao, may mga bagay na bigla nalang mahuhulog, faucet na biglang mag-o-open mag-isa, pinto na bubukas ng kusa at magsasara.

Hanggang sa pumasok samin si Yaya Sally, na-rescue namin siya sa kanyang malupit na among Chinese sa Parañaque sa tulong na rin ng aking Auntie. All in one sila, pag kinuha ko siya, kasama na pati ang Driver na si Willy dahil iisa sila ng probinsyang pinanggalingan sa Samar at dahil kailangan ko na rin ng personal Driver noon dahil nga buntis ako kinuha na rin namin pati si willy at may driver's lounge naman sa condo namin, na puwedeng magbayad ng renta ang amo para doon mag-stay ang driver, umaakyat lang siya para maligo at kumain. Mabait si Yaya Sally, maalaga, malinis sa bahay, at masarap kakwentuhan, never ako na-bored kasama siya dahil masayahin siyang tao.

Mas lumala ang nangyayari sa unit habang tumatagal at lumalaki ang aking tiyan. May mga time na pati sa aking panaginip ay nagpapakita na ang nakatira doon. Ginagaya na rin niya ang boses ko, may mga time na nagtatakbo si Yaya Sally dahil nakailang tawag na daw ako sa kanya ng pagalit, nag-apologize pa siya sakin dahil di daw siya nakapunta agad dahil siya ang naglalaba, nagtataka ako dahil hindi ko naman siya tinatawag. May time din na, nag-prepare si Yaya Sally ng agahan ng 5am nang biglang may parang malakas na hangin daw ang dumaan sa kanyang likuran, at ng hindi niya ito pinansin, may mahinang boses siyang naririnig nagsasalita sa kanyang likuran na para bagang siya ay dinadasalan. Hindi nagpatinag si Yaya Sally sa mga yon nag-stay pa rin siya sa amin. Nang nasa anim na buwan na ang aking tiyan doon ako nagsimulang ASWANGIN, Tama ang nabasa nyo, Aswang. Maski ako rin ay nagtataka kung paanong magkakaroon ng aswang sa ganoong lugar. Ang likod po ng building ng condo namin ay ilog po, matatanaw nyo ang SM Marikina din sa bintana ng aming kwarto.

Isang gabi habang ako ay nagpapahinga sobrang humihilab ang aking tiyan, sumigaw ako ng malakas at agad namang dumating si Yaya Sally. Sinabi ko sa kanya ang problema laking gulat niya ng mapatingin siya sa may bintana dahil may malaking ibon siyang nakita na nakadungaw, agad-agad niya akong niyaya palabas ng kwarto ko at may kinuha siya na parang langis sa kanyang gamit, kakaiba ang langis na yun, iba ang amoy at never pa akong nakakita ng ganoon klaseng langis. Sabi niya sakin ay pag kumulo daw yon ibig sabihin ay may aswang sa paligid, nang tingnan ko ang bote sobrang kumukulo ang langis na nasa loob ng bote at nang kanyang buksan ay ultimo parang lava na sumabog ang langis, agad-agad na pinagpalit ako ni Yaya Sally ng kulay itim na damit, panty, short. Lahat itim at binigyan niya ako ng itim na tela pangtabon sa aking tiyan. Nawala din ang ibon na gumagambala sakin pagkatapos non.

Hangang dito na lang muna ang aking kwento, napapagod na ako sa pag-type dahil napakahaba at napakadami ng aming experiences sa unit namin noon, abangang nyo nalang po ang sunod na part ng kwentong ito, kung sakali ma-published ang kwento ko. Salamat sa pagbabasa. Lahat ng nakalagay at nakasaad dito ay pawang katotohanan lamang. Marami pa ang mas matitinding nangyari sa unit na yan sa 2 years namin na pag-stay doon.

~ Ms. V

Haunted Houses 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon