ANTONIO
Inayos ko ang mga gamit na galing sa maletang ginamit ko upang magimpake papunta rito sa Batangas. Habang pinapatas ko ang mga damit ko sa aparador ay napangiti ako habang inaalala ang nangyari kanina.
***
Bumaba ako mula sa kotse at natanaw ang dalawang lalaking nag aantay sa tabi ng kalsada. Maaga pa man ay may mumunting sikat na ng araw. Marami din akong nakikitang mga taong abala sa paghahanda para sa pagdiriwang na gaganapin ngayong araw.
Natanaw ko naman mula rito ang dalawang lalaking lumilinga linga na tila may inaantay. Sila siguro si Francisco at Narcisco, ang kambal na tinutukoy ni Ama.
Pagkasarado ko ng pinto ay ibinigay sa akin ng tagapagsilbi ni ama ang mga maletang naglalaman ng gamit at damit kong gagamitin sa aking pagtigil dito. Nagpasalamat naman ako rito at nagsimulang maglakad papunta sa dalawang lalaking nasa kabilang dulo ng kalsada.
"Kayo ba si Francisco at Narcisco Cortez?" magalang na tanong ko sa kanila habang bitbit sa magkabilang kamay ang mga gamit ko. "Kami nga iyon. Ikaw ba ang anak ni Kapitan Villaraigosa?" tanong ng lalaking nakapulang polo. Tumango ako at nakipagkamay sa kanya. "Nagagalak akong makilala kayo. Ang ngalan ko'y Antonio Roger Villaraigosa. Tonyo na lamang ang itawag nyo sa akin." saad ko at nakipagkamay din sa lalaking nakakahel.
"Francisco Felipe Cortez, Felipe ang karaniwang tawag sa akin, ngunit maari mo akong tawaging Pipeng." pagpapakilala ng lalaking nakakahel na Felipe pala ang ngalan.
"Narcisco Felipe Cortez, kilala naman ako bilang Narcisco, ngunit Isko na lamang ang itawag mo sa akin." wika ng lalaking nakapula sabay ngiti. Kambal sila ngunit kaunting hawig lamang ang meron sila, at magkaiba ang kanilang mukha, bagay na kahit na sino'y mapapansin.
"Tulungan ka na naming magdala ng iyong mga bagahe!", alok ni Felipe at binitbit nya ang isa sa mga bag ko, at si Isko naman ay nagsimula nang hilahin ang isa sa mga maleta ko. Ngumiti ako bilang tugon sa kanilang kabaitang ipinapakita sa akin.
"Matanong ko lamang, nasan nga pala ang aking pinsang si Alejandra? Ang sabi ni Ama ay matalik nyo raw kaibigan ang aking pinsang iyon. Alam nyo ba kung nasaan siya?", tanong ko habang sumasabay sa lakad nilang dalawa.
"Ahh, si Aleng?", wika ni Isko sabay tingin sa akin. "Nako, ang sabi niya sa amin ay mauna na raw kami dahil may dadaanan pa siya. Sa wari ko ay magtutungo muna siya sa kabilang sitio upang sunduin si Juana, isa pa naming matalik na kaibigan.", pagpatuloy niya.
"Ahh, ganun ba? Kung ayos lang naman sana sa inyo, ay iwan muna natin ang mga bagahe ko sa malapit na lugar na alam nyong mapapagkatiwalaan. Gusto ko sanang salubungin ang pinsan ko dahil matagal tagal na rin nang huli kaming nagkita.", pagkausap ko sa kanila. Sana nama'y ayos lamang sa kanila.
"Sige ba! Malapit lang rito ang bahay ng anak ni Mang Kulas, pakikiusapan ko na lang siya na dalhin ang bagahe mo sa bahay ninyo.", sagot naman ni Felipe na nakapagpangiti sa akin.
"Ayos!! Maraming salamat!", masiglang pagpapasalamat ko sa kanya. "Mag antay ka roon sa tindahan ng bulaklak, katabi ng tindahan ni Aling Pabeng.", saad ni Isko sabay turo sa tindahan ng bulaklak na nakatayo sa kabilang dulo ng kalsada.
"Sigurado akong diyan titigil si Juana at Aleng, ngunit sa aking hula ay mamaya pa ang dating ng dalawang kulugong iyon dahil sa tagal gumayak ni Juana.", tawa ni Isko at napailing iling.
"Ayos lang. Salamat nga pala sa inyong dalawa. Mauna na 'ko ha?", wika ko bago kumaway at tumawid ng kalsada.
"Magandang umaga ho.", bati ko sa matandang nagdidilig ng mga bulaklak sa loob ng tindahan. "Kayo po siguro si Mang Kulas. Sana ho ay ayos lang sa inyo kung pansamantala akong tumigil dito. Inaantay ko lamang po ang pinsan kong si Aleng. Ang sabi po kasi ng dalawa kong napagtanungan ay dito ko raw po sya antayin." pagpapatuloy ko.
YOU ARE READING
Take Me Back
Historical FictionI don't know why I'm in this place. All I know is that I don't belong here.. Nagising na lang ako na nasa ibang lugar na ako at hindi ko alam ang gagawin.. I don't have a single idea on what happened.. But this place, which I never knew I could tra...