Chapter 1

15.7K 192 1
                                    


Malamig pa rin ang simoy ng hangin ngayong umaga dahil sa malakas na ulan kagabi. Mabuti na lamang at naisilong ni itay ang panggatong sa labas kagabi. Marahan akong nag-inat dahil kailangan ko pang magluto ng agahan para sa mga kapatid ko. Alas sais pa lang naman ng umaga kaya paniguradong tulog pa ang makukulit na batang yun.

Sinindihan ko ang pamarikit upang apuyan ang de-gatong naming kalan. Naihanda ko na rin naman ang sinaing para sa umagang ito. Ipinatong ko na ang kaldero habang nagpapaypay para lumakas ang liyab ng apoy sa kakalanan.

"Mabuti't gising ka na Alex. Hayaan mo at tutulungan kitang magluto. Maghuhugas lang ako ng kamay." Arnel Heraldo. Sya nga pala ang tatay ko. Napansin kong maputik ang mga kamay at binti nito. Malamang ay kagagaling lamang nito sa likod bahay upang pakainin ang mga alaga naming manok at baboy. May bahid din ng putik ang suot nitong damit pangsaka. Sa edad na 33 kita sa kayumanggi nitong balat, ang hirap sa pagsasaka ng iniwang palayan ng namayapa kong lolo. Hindi naman kumupas ang angkin nitong kakisigan kahit na madalas sya sa bukid. Matikas pa rin sya ika nga ng mga tsimosa naming kapitbahay.

"Naku! Hindi na po itay. Hayaan nyo na ako dito. Maghugas na lang po kayo ng kamay nyo at ipagtitimpla ko kayo ng kape." Agad naman akong kumuha ng baso at inabot ang thermos upang maipagtimpla ko sya ng kape. Si tatay talaga wala naman sa'kin yun.

"Mabuti na lamang at nandito ka anak dahil hindi ko alam kung paano aalagaan ang mga kapatid mo lalo pa at wala ang nanay mo. Salamat!" sagot nito. Minsanan lang kasi umuwi si nanay mula ng mag-umpisa itong magtrabaho sa Maynila. Halos tatlong taon na rin naman ng pumasok itong maging kasambahay sa isang mayamang pamilya roon. Tatlong araw ang pinakamatagal na pamamalagi ni nanay kung sya ay umuwi bawat buwan. Pero ayos lang yun ang mahalaga nakakauwi at nakakasama pa rin namin sya.

Hinubad nito ang marumi nitong mga damit at nilagay sa isang timba. Natira na lang ay ang kulay puti nitong panloob na inihulma ang siksik nyang pang-upo. Bakas din ang magandang hubog ng malapad nyang balikat. Nasanay na lamang ako sa ganitong gawi ni itay sa umaga. Normal lamang sa amin ang ganitong tagpo lalo na't hindi kalakihan ang aming tahanan.

Matapos maihanda ang aming almusal nagtungo ako sa tulugan ng dalawa ko pang nakababatang kapatid. Si Ayen at Axel, isang babae at isang lalaki na parehong pitong taong gulang. Kambal kasi ang dalawang bubwit na 'to.

Kaiba sila sa'kin na namana ang morenong balat ng aking ama, ako nama'y biniyayaan ng maputing kutis na bahagyang namumula kung tatamaan ng sikat ng araw. Mapapansin mo rin ang bilugan nilang mata na para bang laging nangungusap.

Tinapik ko ang balikat nila upang ayain na sila sa hapag kainan. Bahagya akong natawa ng mapansin ang bakas ng panis na laway sa gilid ng kanilang labi.

"Magandang umaga mga bunso. Gising na. Sige kayo! Uubusan ko kayo ng itlog." Pananakot ko pa sa mga ito. Paborito kasi nilang dalawa ito, na madalas pa nilang pag-awayan. Unang nagmulat ng mata si Ayen. Habang si Axel ay nakukunot pa ang noo na parang ayaw maabala ang pagtulog.

"Good morning kuya Alex!" mabagal na bati nito pagkaupo. Humikab pa ito habang kinukusot ang maliliit at cute nitong mga mata. Ang cute-cute talaga ng mga kapaptid ko. "Axel gising na. Kakainin daw ni kuya lahat ng itlog 'pag hindi pa tayo bumangon!"

Iniwan ko na muna ang mga ito dahil alam kong kakaripas din sila ng takbo sa takot na maubusan ng agahan. Nakaupo na rin si Itay sa maliit naming lamesa na gawa sa purong kawayan. Nagsimula akong ipagsandok ng kanin ang mga kapatid ko. Ilang saglit pa ay umupo na ang kambal na silang namuno sa pagdarasal.

Maganang kumain ang kambal habang panay ang pagkukwento ng mga gagawin nila maghapon. Malamang tatambay na naman ang mga ito malapit sa patubig kasama ang mga kalaro nito.

Baby AlexTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon