"HUWAG kang gumawi riyan, Ate Irish!"
Tinawanan niya ang nakitang takot sa
anyo at tinig ni Babes.
"Expert swimmer 'to," biro niya sa pinsan
kahit alam nilang pareho na hindi totoo iyon.
Kahit lumaki siya malapit sa ilog, hindi siya
kailanman natutong lumangoy noong bata pa
siya. Kuntento na siya noon sa paliligo sa gilid ng ilog, nakikipanood sa mga kapawa batang magagaling lumangoy.
Kailan na lamang siya natutong
lumangoy. Noong college days niya. Naturuan siya ng ilang kakilala. Gayon man ay hindi siya naging eksperto na paris ng kini- claim niya kay Babes. Kakunti lamang din ang alam niya sa paglalangoy.
Pero ano ba naman ang ikatatakot niya sa isang ilog na paris ng kinaroroonan nila. Oo nga't malakas ang agos ngunit mababaw naman at maari pa nga siyang maglakad. Madala man siya ng agos ay madali siyang makakatayo o makalalangoy patabi.
"Halika rito," yaya niya kay Babes. "Mas maganda rito dahil hanggang dibdib, o." Tumayo siya para ipakita sa pinsan ang lalim ng kinaroroonan. Bahagya siyang gumiray nang matangay ng agos ngunit madali rin niyang nabawi ang sarili hanggang mapatatag niyang muli ang pagkakatayo.
"Ang sabi ng Inay, may bahagi riyang malalalim na." Ayaw talaga ni Babes na umalis sa malapit sa batuhan kung saan hanggang beywang ang lalim ng tubig. "Takot ka lang," kantiyaw niya sa pinsan. Para lalong takutin ito, lumakad siyang palusong sa gitna ng ilog, nagtatawa. "Ate Irish...!" Talagang nababahala na ang tono ni Babes.
Nagtatawa pa ring nilingon niya ang pinsan, ikinaway pa nga niya ang isang kamay. Hindi niya inaasahang paghakbang muli ay wala nang natapakan ang kanyang paa. Na-out balance siya nang tumagilid ang katawan. Ang sigaw na naporma sa kanyang mga labi ay nilunod ng pagpasok ng tubig sa kanyang bibig.
Naramdaman niya ang pagsaklot sa
kanya ng agos, tingay siya sa mas malalim
pang bahagi ng ilog. Hindi niya maintindihan kung ano ang biglang sumalakay sa kanyang dibdib.
Takot?
Matinding takot?
Wala nang matapakan ang mga paa niya. Nagkakawag na siya. Gusto niyang sumigaw
o umubo na hindi niya maintindihan. Alam
niya, kinakapos na ng hangin ang baga niya.
Pero parang daluyong na dinadala siya ng
malakas na agos.
Babes, sigaw ng isip niya. Tulungan mo ako, Babes! Nakita niya, ang direksyong tinutungo ng
tubig ay sa isang malaking batong nakalubog. Tiyak niya, tatama siya roon. Kung maiiilag niya ang kanyang ulo ay hindi sasala ang balikat niya. Kumawag siya, tinangkang lumangoy at unahan ang impact ng pagtama sa bato.
Pero naramdaman niya ang pagtama ng
noo niya sa isang matigas na bagay.
I'm going to die, tahimik na pagsuko ng isip niya.
NAULINIGAN niya, may nagkakaingay sa paligid niya. Hindi niya mawawaan kung ano. Gusto niyang alamin kung ano yaong tila komosyon sa paligid ngunit waring lutang ang isip niya.
May umiiyak.
May tumatawag sa pangalan niya.
Gusto niyang idilat ang mga mata niya pero hindi niya magawa. Ramdam niya ang pagsisikip ng dibdib niya. Hindi niya magawang huminga nang malaya. "Kailangang alisin natin ang shorts niya," narinig niya.
Baritono ang timbre ng boses ngunit naroon ang tigas ng pagkakautos. May kakaibang urgency.
"Bakit?" isang pang boses.
Si Babes ba iyon?" tanong ng isip niya. "Nakapipigil iyan sa kanyang paghinga. Kailangang maluwagan ang suot niya." Gusto niyang itaas ang ulo at magprotesta nang maramdaman ang ilang kamay na nagsimulang humubad sa shorts niya pero hinang-hina ang pakiramdam niya. Hinayaan niyang lagumin na lamang
muli ng kadiliman ang isip niya.
"ATE Irish?"
Si Babes agad ang namulatan niya sa gilid ng kama. Mugto na ang mga mata mito sa kaiiyak gayunman ay nagliwanag ang anyo nito nang makitang natauhan na siya. "A-ano'ng nangyari?" tanong niya. "M-muntik ka nang malunod."
Tinangka niyang tumayo pero napangiwi siya nang maramdaman ang pagkirot ng dakong noo. Maagap na itinaas niya ang isang kamay para salatin ang bahaging iyon. Nagulat siya nang may isang matipunong kamay na pumigil sa kamay niya.
"It wouldn't be wise to touch it," anang
tinig na narinig niya.
Ang baritonong boses.
Hinanap ng tingin niya ang nagmamay-
ari niyon. Nakatagpo ng paningin niya ang mga matang iyon na matiim kung tumingin, At hindi niya maintindihan kung bakit parang may bumundol sa kanyang dibdib nang matagpuang titig na titig sa mukha niya ang lalaki. Walang kangiti-ngiti sa anyo nito na waring pinag-aaralan lamang ang kabuuan ng kanyang mukha.
Nasa dakong ulunan niya ang lalaki na sa pagkakatayo ay waring lalong tumaas sa tingin niya dahil sa posisyon nila. Hindi nakaligtas sa kanyang pansin ang basang damit nito. Nakahakab sa katawan ng lalaki ang manipis na puting polong suot na nahulaan agad niyang long sleeved at itinupi lamang hanggang siko.
Waring napapasong bahagya niyang
hinila ang kamay.
Binitawan iyon ng lalaki ngunit hindi
inalis ang pagkakatingin sa mukha niya. "Nagkaroon ka ng kaunting galos sa noo. Sa bahaging tumama sa bato."
"Ginamot ko na, Ate Irish. Pero
siyempre'y kikirot pa rin 'yan. Sabi ko naman kasi sa 'yo—" Napasinghot si Babes. "K-kasalanan ko nga," aniya para
paluwagin ang dibdib ng pinsan.
"Mabuti na lamang at nasa gawing iyon
pala sina Jake. Narinig nila ang pagsigaw ko. Siya'ng sumagip sa 'yo."
"J-Jake?"
"Oo. 'Yung sinasabi ko sa 'yong nakatira ngayon kina Ate Maricel.
Ang lalaking sumagip sa kanya hindi lamang sa pagkakataong ito kundi pati na sa galit sa kanya ni Maricel. Ang lalaking gumamot sa sugat sa puso ng pinsan niya, naisip niya.
"Mabuti na lamang at marunong siya ng mouth-to-mouth resuscitation," sabi uli ni Babes. "'Yon ang nakapagligtas sa 'yo." "G-ginamitan niya ako ng—"
"It had to be done," ani Jake na waring nahulaan ang ikinatigagal niya.
"Ang akala namin kanina, hindi ka na humihinga," pakli ni Aling Loreta na nasa bahaging paanan ng kama.
Pagtingin niya ay nakita niyang katabi
nito ang Tiyo Mario niya. Saka dalawang lalaking bahagyang may edad na hindi niya kilala.
Kagalang-galang ang ayos at pananamit ng dalawa. Halos kaparis ng kay Jake. Hindi nga lamang basa ang dalawang lalaki na kaparis nito. Nahulaan niyang kasama marahil ni Jake ang dalawang lalaki.
"Mabuti na lamang at sa gawing iyon
kami naroon kanina," ani Jake. "Pinag-aaralan naming ang posibleng structure ng itatayo naming irrigation system na ang magiging main source ay ang tubig sa ilog."
Tumingin siya kay Jake, akto sanang magpapasalamat ngunit natigilan siya nang makita kung sino ang hangos na dumating sa may pinto.
"Irish, nabalitaan naming na—" Natigilan
si Maricel sa tangkang paglapit, mula sa kanyang mukha ay napako ang atensiyon sa kabuuan niya.
Parang natigilan din ang Tiya Ligaya niya na kasunod nito.
Takang napatingin si Irish sa katawan niya.
Sa kanyang panlulumo, noon lamang
niya natuklasan na halos hubad siya sa suot na humahakab na bathing suit!
BINABASA MO ANG
Kung Nalalaman Mo Lamang
RomanceAnim na taon na ang nakararaan, nagkaraoon ng gap ang dati'y magandang pagtitinginan ng magpinsang Irish at Maricel. Inakusahan ni Maricel si Irish na mang-aagaw ng nobyo. Nagkasundo lamang silang muili nang mabaling ang pansin ni Maricel kay Jake...