Chapter 10

119 4 0
                                    

KATATAPUS-TAPOS nga lamang nilang maghapunan, dakong alas-siyete, nang manapatan ang grupo nina Jun. Ang mga kasama nito ay mula kabataan hanggang sa nagkakaedad na tantiya ni Irish ay hanggang kuwarenta. Masaya sa pagkakantahan sa harap ng bahay ang grupo nang dungawin nila.
"'Gandang gabi ho, Mang Miling, Aling Ligaya," bati ng isa na medyo may edad na. "'Gandang gabi sa inyong lahat." Ngumiti ang lalaki sa kanilang mga nakadungaw sa bintana. Bukod kay Irish, naroon din si Aling Elvie, Babes at Maricel.
"Ano ba'ng atin, ha, Ilyong?" tanong ni Mang Miling.
"Kuu, itong mga binata natin e bumubulong. Nagpasama para raw makipagkilala sa dalaga riyan sa inyo." Halos sabay-sabay na nagmagandang- gabi ang mga kabinataan.
"Aba'y walang problema," sabi ni Mang Miling. "Hale, panhik kayo rito. 'Yong magkakasya lang, ha? 'Yong hindi'y diyan na lamang sa ibaba."
Tawanan ang mga nasa ibaba pero nangag-uunahan din namang pumanhik. Hinarap ni Irish sa maluwang na salas ang mga lalaki. Isa-isang ipinakilala ng lalaking nagngangalang Ilyong ang mga kasamahan.
"Ba't ako lang ang nakaupo rito?" napapahiyang tanong ni Irish. "Halika, Babes."
Nakiupo naman si Babes sa tabi niya. "Si Maricel?" naalalang itanong ni Aling Elvie.
"Lumabas sa kusina," ani Aling Ligaya.
"Magkausap yata sila ro'n ni Jake. Ku, huwag 'nyo anng isali 'yon. 'Tong dalawang bago lang naman ang pakay nitong mga binatang ito."
"O, e, maiwan na muna namin kayo riyan, ha?" pagpapaalam ni Mang Miling sa grupo. "Parang sumasakit ang katawan ko, e. Pamamasahe lang ako nang konti rito ke Kumander." Nakangiting inakbayan nito si Aling Ligaya.
"Ako nama'y me susulsihan lamang sa kuwarto," ani Aling Elvie.
"'Yang mga dalaga ko, Ilyong," biro ni Mang Miling habang patalikod. "Ikaw ang bahala riyan. Sagot mo 'yan."
"Areglado," masiglang sabi ng may edad
na lalaki.
Mayamaya lamang, masaya nang nagkakantahan ang mga kabinataang humarana kay Irish. Nahilingan din sila ni Babes na kumanta ngunit humingi siya ng dispensa at sinabing hindi siya kumakanta. Si Babes ang bale umako sa kanya. Lumakad ang mga oras nang hindi nila halos namamalayan. Mayamaya, nakita ni Irish na papasok na si Maricel sa silid nito.
"Halika, Ate Maricel," yaya ni Babes.
"Hindi na. Kayo na lang. Sanay na 'ko sa mga 'yan." Nginitian ni Maricel ang mga lalaki sa salas. "Goodnight."
"Goodnight," sagot ng ilan.
Palihim na gumala ang mga mata ni Irish ngunit hindi niya makita si Jake. Naiwan kaya ito sa salas? O nagtuloy na sa silid nito. Maaring nakapasok si Jake sa silid nito nang hindi nila nakikita dahil nasa malapit sa kusina ang kuwarto ng lalaki.
"Alam mo, Irish, 'yong When You Tell
Me That You Love Me?"
"H-ha?" Gulat siyang bumaling sa
nagtanong.
Isang lalaking may kaitiman ngunit may hitsura. Nakangiti ito sa kanya. "Ang sabi ko, kung alam mo 'yong When You Tell Me That You Love Me?" ulit nito.
"Alam ko. Naririnig ko. Pero hindi nga
ako kumakanta. Gusto ko lang 'yong pakinggan."
"Itong si Oca, alam 'yon. Gusto mong i- request?"
"Sige," pagbibigay niya.
Konting pilit at kinanta nga iyon ng lalaking tinutukoy ng kausap niya.
Parang nagbibigay na lamang si Irish
nang ngitian at pakinggan ang lalaki. HALOS mag-aals-diyes na nang mag-alisan ang mga nagsipangharana. At sa ganoong lugar, ang ganoong oras ay gabing-gabi na. Masigla ang mga binata na siyang-siya sa pagkakakilala kay Irish.
"Inaantok na 'ko," ani Babes na nag-inat na.
"Hindi ka rin nakatulog sa inyo," ani Irish.
"Bukas na lang. Tena na."
"Sige na. Isasara ko na lang ang mga bintana at pinto."
Nagpatiuna na si Babes sa kuwarto.
Inuna niyang isara ang mga bintana.
Pagtungo niya sa pinto ay nakita pa niya ang palayong grupo ng mga nagharana, dinig pa niya ang mahinang kantahan ng mga iyon habang naglalakad. Isasara na sana niya talaga ang pinto nang may mabanaagan siyang palapit.
Akala niya ay may nagbalik sa grupo
kaya inaninaw niya sa liwanag ng buwan kung sino iyon. Parang may bumundol sa dibdib niya nang makilala kung sino ang palapit. "Ako na'ng magtatrangka ng pinto," ani
Jake na kahit patalikod sa liwanag ng buwan at hindi niya gaanong nababanaagan ang mukha ay alam naman niyang nakatitig sa mukha niya.
"S-sige," aniya. Umakto siyang tatalikod
na.
"Irish..."
Lumingon siya. Takang tumingin kay Jake.
"What do I have to do para pakitaan mo rin ako nang maganda na paris ng ipinakita mo sa mga dumalaw sa iyo ngayong gabi? Kailangan ko rin bang mangharana?" Napamaang siya.
"Wala naman akong alam na kasalanan sa 'yo pero ba't parang galit ka sa akin? Iniiwasan mo ako."
"H-hindi. Ayoko lang na—"
"Ayaw mong may masabi si Maricel, ganoon ba?"
"Sinabi naman sa 'yo ni Babes, di ba?" "Yeah. And I don't understand kug bakit mapaparis tayo sa nangyari sa inyo noon gayong wala naman kaming initindihan ng pinsan mo."
"Kahit na. Takot na akong maulit ang
hindi namin pagkakaunawaan."
"Paano kung gusto kong
makipagkaibigan sa iyo?"
Napatitig siya sa mukha ni Jake. Humakbang palapit ang lalaki. "I really want us to get to know each other better, Irish."
Awtomatikong napaurong siya. Gulat siyang napalingon nang makarinig ng mga yabag sa isa sa mga silid, tila palabas.
Si Maricel agad ang naisip niya.
Kung matatagpuan sila nito ngayon ni Jake na magkausap sa dilim... "G-goodnight," aniya saka nagmamadaling tumalikod.
"Irish...!"
Hindi na niya pinansin ang pagtawag ni Jake.

Kung Nalalaman Mo LamangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon