UMAGA pa lamang ay magulo na sa bahay nina Maricel. Maya't maya ay datingan ang mga kamag-anakan nilang nais tumulong sa pagluluto ng ihahanda para sa araw na iyon at para rin makitang muli si Irish.
Tuwang-tuwa si Irish nang makita ang mga pininsan na dati niyang kabarkada. Parang nabalik sila sa araw na masaya pa sila kaya natiyak ni Irish, wala naman talagang sumama ang loob sa kanya sa mga pinsan. Naapektuhan lamang ng nangyari sa kanila ni Maricel kaya nalagay din sa alanganin ang mga kalooban. Pero ngayong okey na uli sila ni Maricel, balik ang amor ng mga ito sa kanya.
"Ano kaya kung magsayawan tayo mamayang gabi?" masayang suhestiyon ni Maricel.
Isang malakas na "sige" ang isinagot ng mga nasa paligid. Isang pinsang lalaki pa nga nila ang sumigaw ng "Disco! Disco!"
"Sige," nakangiting sabi ni Maricel. "Magpapaalam lamang ako mamaya pagdating ng Itay ko."
Alam ni Irish, wala ang Tiyo Miling niya.
Ang sabi kanina ni Babes, maaga iyong umalis kasama si Jake patungo sa isang project site. Natutuwa siyang sa pagkakatuwa nila ngayong magpipinsan ay wala ang lalaki. Kung narito, maasiwa siguro siyang kumilos. Aywan ba niya, parang naiilang siya at naasiwa kapag lagi na'y natatagpuang nakatingin sa kanya si Jake. Pero may isang bahagi naman sa puso niya na nalulungkot na hindi nakikita ang lalaki.
Ano ba ito? Tanong niya sa sarili. Bakit ganito ang nararamdaman ko?
Natatakot siya sa nararamdaman at hindi niya maintindihan kung bakit.
HANDA na ang masaganang tanghalian nang dumating sina Mang Miling at Jake. Talagang ang dalawa na lamang ang hinihintay ng lahat. Ang mga kamag-anakang ini-expect ni Irish ay halos naroon nang lahat. Ang sabi nga ng Tiya Ligaya niya, nadaig pa ang attendance ngayon ng silver anniversary nilang mag-asawa.
Sa harap ng hapag-kainan, nag-deliver ng kaunting 'speech' si Mang Miling. Ang mensahe lamang naman ay ang pasasalamat sa pagbabalik ni Irish at sa muling pagkabuo ng mga nalamatang relasyon.
Sa pagkakatingin sa tiyuhin, naramdaman ni Irish na waring may nakamasid sa kanya. Hindi pa man niya hinahanap kung sino iyon ay may ibinubulong nang pangalan ang isip niya.
Si Jake.
Alam niyang kung titingin siya sa
direksyon ng binata, matatagpuan niyang nakatingin ito sa kanya. At ayaw niyang mahuli ni Maricel na tinitingnan niya ang lalaki. Hindi ba't ipinangako niya sa sarili na hindi papansinin si Jake, ituring na wala ito? Gayunman ay naiisip pa rin niya, hindi kaya nagtataka si Jake kung ano ang ibig sabihin ng Tiyo Miling niya? Kung ano ang dahilan at matagal siyang nawala at ngayon lamang bumabalik? O ikinuwento na rito ni Maricel ang lahat?
Hindi dapat pero hindi niya maiwasang mag-alala. Gaano kalapit sa totoo ang ikinuwento ni Maricel kay Jake? Sa tanggapin man niya sa isip o hindi, ayaw niyang masira ang image niya sa paningin ng lalaki.
Habang nanananghalian ay binanggit ni Maricel sa ama ang tungkol sa plano nilang magpipinsan na magsasayawan sa gabi. "Walang problema," nakangiting sabi ni Mang Miling. "Party kung party. Maluwang naman ang bahay."
Halos sabay-sabay na nag-yehey ang magpipinsan.
Bahagya namang sumimangot si Aling
Ligaya pero pabiro lamang sinabing, "Patay na naman kaming mga kusinera. Kami naman ang mahihirapang magluto."
"Kahit naman ano lang ang handa, 'Nay," nakatawang sabi ni Maricel. "Kahit hotdog- hotdog lang e okey na."
"Kahit nga butong-pakwan lang," biro ng isang pinsan nilang lalaki.
Malakas ang naging kasunod niyon na tawanan.
MABUTI na lamang at may nabili siyang bagong bestida, naisip ni Irish habang inilalabas sa closet ang ternong Soen na nabili niya sa Landmark.
Mag-aalas-siyete na at nagyayaya na si Babes na magbihis na sila. Kanina pa ito excited na excited. Six-thirty pa lamang ay nakaayos na ang mukha nito. Tinudyo pa nga niya na mas makapal pang mag-makeup kaysa kanya gayong mas bata pa ito.
"Sa atin-atin lang, Ate Irish," bulong ni Babes na napapabungisngis, "pupunta rin mamaya ang dating crush ko rito."
"Dati? You mean, hindi na 'yon ngayon
ang crush mo?"
"Hindi na. Me bago na."
"Sino?"
"Si Jake." Ang lakas ng tawa ni Babes pagkatapos.
"Sige," tudyo niya. "Nang kayo naman ni Maricel ang magkagalit."
"Ay, oo nga, 'no? Huwag na lang. Baka magaya pa ako sa nangyari sa inyo noon. Magbihis ka na nga. Lalabas na ako. Ang dami nang tao sa salas. Nag-uumpisa na nga yata'ng yugyugan, e."
"Sige na. Susunod na lang ako."
Paglabas ni Babes ay tiniyak ni Irish na nakasusi ang pinto bago siya nagbihis. Bagay na bagay sa kanya ang binili niyang bestida ngunit waring alangan lamang na gamitin pa niya ang blazer. Presko at mas kaswal kung ang simpleng bestida lamang na panloob ang gagamitin niya. Gayunman ay humahakab sa katawan niya ang Soen dress at nakikita ang mahubog niyang katawan kaya kahit simple ang damit ay nakakatawag agad ng pansin. Para tuloy nako-conscious siya nang lumabas ng silid. Patingin-tingin pa siya sa paligid nang makalabas ng pinto. Hindi kaya siya overdressed sa isang simpleng lugar na paris niro? Baka ang mga pininsan niya ay naka-rugged lamang?
"Irish..."
Napatingin siya sa tumawag. Si Maricel, galing sa kusina at may dalang baso ng orange juice. Tingin niya, kay-ganda rin ng pinsan sa suot nitong pulang mahabang poloshirt na tinernuhan ng itim na leggings na may lace sa dulo.
"Ang seksi mo naman," kaswal na sabi ni Maricel habang masusing nakatingin sa katawan niya.
Papuri ba iyon o may pagpaparunggit sa tono ni Maricel? Baka naiisip nitong pinaseseksihan niya si Jake.
"I-ikaw din naman," nakangiting tugon
niya. "Bagay na bagay pala sa 'yo ang red." "Binili namin ito ng Inay sa bayan noong isang araw."
Tumingin siya sa direksyon ng salas. "Marami na yata tayong pinsan sa loob," sabi niya.
"Marami na nga."
Pagtingin niya kay Maricel ay titig na
titig ito sa mukha niya, waring may pinag- aaralan doon.
"Bakit?" nakatingin pa rin ngunit
bahagya nang naasiwang tanong niya.
"Wala. Wala ka pa ring ipinagbago
noong araw. Maganda ka pa rin." "Magaganda naman talaga tayong magpipinsan, a," pabirong sabi niya. "Ano'ng tingin mo kay Jake?"
Nabigla siya sa kadirektahan ng tanong
kaya hindi agad siya nakasagot. "A-anong tingin?" nasabi niya pagkuwan.
"I mean, how do you assess him?"
Naisip niya, parang ang tanong sa kanya
ni Babes iyon. "He's nice. He's okay." May naisip siyang idugtong: "Bagay kayo." Bahagyang natigilan si Maricel pero umaliwalas ang anyo na tila mangingiti. "Anong bagay kami? Bakit mo nasabi 'yan?" "Tingin ko kasi...me gusto siya sa 'yo." Nagpakita ng pagkagulat si Maricel pero nakangiti na ito ngayon. "Paano mong nasabi 'yan?"
"Wala. Hula ko lang." Siyang-siya si Irish sa nakikitang ekspresyon ng pinsan. "Well," nag-iisip nang sabi ni Maricel. "Magdilang-anghel ka sana. Dahil kung magkakatotoo, maganda."
"Ibig sabihin, may gusto ka rin sa
kanya?"
"Halata ba?" Humagikgik si Maricel.
Nais magdiwang ng puso niya sa kaligayahan na nagagawa na siyang biruin ng pinsan. "Halatang-halata," natatawa ring sagot niya.
"Halika na nga sa loob," yaya ni Maricel. Hinawakan pa siya nito sa braso.
Parang lutang sa alapaap na sumabay
siya sa paglakad ng pinsan. "Maricel..." aniya habang natatanaw na nila ang mga nasa salas. "Yes?"
"May gusto akong sabihin tungkol kay Fort."
Natigilan si Maricel. Una'y tila lungkot ang bumakas sa anyo pagkuwa'y kaunting galit.
May epekto pa rin si Fort sa pinsan,
naisip niya. Kung hindi'y di ganoon ang magiging reaksiyon. Mali yatang binanggit pa niya ang pangalan ng lalaki sa pagkakataong ito. Nabahiran tuloy ng ibang kulay ang maganda na sana nilang atmosphere ngayon.
"Ayoko na sanang makarinig ng ano man tungkol sa kanya pero kung gusto mong magkuwento, sige lang," sabi ni Maricel. "Wala na talagang ano man sa pagitan namin. Tinigilan na niya ang panliligaw dahil natanggap na niya ang desisyon ko." Napatitig sa mukha niya si Maricel pagkuwa'y malungkot na ngumiti. "Serves him right. Alam ko naman, you won't let me down."
Ngumiti rin siya. "Sana, alisin na natin sa pagitan ang ano mang tungkol doon. Wala akong kasalanan sa nangyari, Maricel." Tumango si Maricel. "Sorry rin sa nangyari. Mature na naman ako ngayon kaya nakikita ko na ang tama at mali ng mga bagay- bagay."
Parang tuluyang naalis ang bigat sa dibdib niya. Siya naman ang humawak sa braso ng pinsan. "Tena na sa loob. Nasa kainitan na'ng kasayahan, o."
"Oo nga."
Masaya silang humalo sa mga pininsan, nakipagkilala sa mga bagong mukha na kasama ng mga ito. Karamihan sa mga pinatugtog na music ay sweet kasysa disco sound dahil sakop na rin ang araw na iyon sa simula ng pangingilin.
Hindi halos nauupo si Irish dahil sa kasasayaw ng kung sinu-sino. Tingin niya ay parang lalong dumarami ang tao habang lumalalim ang gabi. Hindi naman niya dati nakikita roon ang mga nasa paligid. Hula niya ay mga tagakaratig o kapitbahay na nakabalitang may kasayahan kina Maricel at nagsidalo kahit hindi iniimbita dahil kakilala naman ng mga iyon ang nagpa-party.
Kahit naman abala sa kasasayaw, hindi nakaligtas sa pansin ni Irish na wala si Jake. Hindi niya maintindihan kung bakit parang hinahanap niya ang binata.
Kaya nang dakong mag-aalas-diyes at makita niyang patungo ito sa salas na kasama ang kanyang Tiyo Miling ay lihim siyang natuwa. Naisip niyang kausap marahil ng tiyuhin si Jake sa isang bahagi ng bahay kaya hindi nagawang makihalubilo sa kanila. Nakita niya, masayang sinalubong ni Maricel si Jake, hinila sa isang kamay na waring niyayayang sumayaw. Natigilan si Jake, natatawang bumaling kay Mang Miling. Tumawa si Mang Miling at may sinabi sa dalawa. Napilitang sumama sa gitna ng salas si Jake. Pero saglit na sinuyod ng tingin ang mga nagsasayaw sa gitna niyon. Nagtama ang kanilang tingin at binawi agad ni Irish ang pagkakatingin sa lalaki, nginitian ang kasayaw na kaibigan ng isang pinsan niyang lalaki at kanina lamang ipinakilala sa kanya.
Ilang ulit niyang nakitang nagsayaw sina Maricel at Jake. Minsan pa nga ay nagkatabi sila sa gitna ng salas at nang mapaharap sa kanya si Jake ay waring ngumiti sa kanya ang mga mata.
Hindi niya maintindihan kung bakit may kabang idinulot iyon sa kanyang dibdib. May kakaibang uri ng pananabik na pumuno sa kanyang puso.
Waring nanunuyo ang lalamunan niya nang matapos ang huling pakikipagsayaw. Pagkahatid sa kanya sa upuan ng kapareha ay dali-dali siyang tumayo pagtalikod nito sa takot na maisayaw siyang muli ng iba. Nagtungo siya sa kusina para kumuha ng malamig na maiinom. Nasa kusina ang ilang may edad na babae at nagkukuwentuhan habang iniaayos sa mesa ang mga inihandang kakainin ng mga nagkakasayahan. Nasa isang panig din ng kusina ang Tiya Ligaya at Tiya Elvie niya, bahagya nang tumango sa kanya dahil halatang may magandang pinagkukuwentuhan.
Halos napangalahati niya ang laman ng baso bago niya iyon dinala patungo sa salas. Nasa kalagitnaan siya ng corridor na pabalik doon nang waring binayo ang dibdib niya pagkakita kung sino ang makakasalubong. Si Jake na sa lapad ng katawan ay waring malaking bultong nakaharang sa kanyang daraanan. Alam niya, hindi makararaan ang sino man sa kanila kung walang lilihis o magbibigay.
"So, here you are," pormal na sabi nito habang titig na titig sa mukha niya. Parang mainit na dapyo ng hangin ang dating ng hininga nito sa kanyang leeg sa pagkakatingala rito. "B-bakit?" "Iniiwasan mo ba talaga 'ko?"
"Bakit kita...iiwasan?"
"Kanina ko pa gustong isayaw ka pero parang sinasadya mong hindi ako mabigyan ng pagkakataon."
"H-hindi ko alam na—"
"Now you know it. I want to dance with you. May I have this dance?" Umakto si Jake na hahawakan ang kamay niya.
"Jake..." Tawag buhat sa likuran ng
binata.
Halos sabay silang tumingin sa tumawag.
Si Maricel, kunot-noong palapit.
"E-excuse me," nagmamadaling sabi niya. Bahagya pa nga niyang natabig si Jake para makaraan siya.
Hindi niya bibigyan ng pagkakataon si Maricel na makapag-isip ng ano man tungkol sa kanila ni Jake.
Sa halip magbalik sa kasayahan, nagkulong na lamang siya sa silid. Nagpalit ng damit at nahiga.
Pinilit niyang isara ang isip sa naririnig na pagkakasaya sa salas.
BINABASA MO ANG
Kung Nalalaman Mo Lamang
RomanceAnim na taon na ang nakararaan, nagkaraoon ng gap ang dati'y magandang pagtitinginan ng magpinsang Irish at Maricel. Inakusahan ni Maricel si Irish na mang-aagaw ng nobyo. Nagkasundo lamang silang muili nang mabaling ang pansin ni Maricel kay Jake...