"Cean sa tingin ko, kailangan na muna nating magpahinga."
Nahuli ko na lamang ang sarili ko na humihingi ng kalayaan kay Cean. Kalayaang hindi ko matamasa dahil sa nasasakal na ako sa kanya.
Mahal ko siya at wala akong dudang nararamdaman sa sarili ko. Subalit hindi ko na rin talaga kasi siya maunawaan. Parang hindi na siya ang Cean na siyang minahal ko at nagtiis sa ugali ko noong mga nagdaang taon ng aming relasyon.
Simula nang piliin ko kasing magtrabaho na siyang tinututulan niya ay tila nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Sinabayan pa ng madalas naming pag-aaway. Dahil mahal ko siya, kahit pagkakamali niya ay ako ang sumusuyo sa kanya.
I am so thankful dahil nariyan siya para sa akin pero sa tuwing nag-aaway kami ay tila nagbabago ang ihip ng hangin. Nariyan pa ang malaeksena sa pelikulang habulan namin na kung saan ako ang humahabol at sumusuyo sa kanya kahit na wala naman akong kasalanang ginawa.
Lumaban ako at pilit na inunawa ang sitwasyon naming dalawa at kahit na nararamdaman ko na ang pagbabago sa takbo ng relasyon namin kaya pilit kong pinupunan kung saan mayroon akong pagkukulang. Subalit hindi ko na kinaya dahil hindi niya ako tinutulungan para maayos namin ang relasyon namin. Ang bisekleta nga naman ay kung isa lamang ang gulong ay mahirap balansehin.
"Cean tapatin mo nga ako, mahal mo pa rin ba ako?" tanong ko sa kanya sa pamamagitan ng isang phone call.
Hindi siya umiimik at tila hinihintay lamang niya akong magpatuloy sa aking pagsasalita.
"Ano Cean sagutin mo ako nang hindi ako malinawan naman ako.
Alam ko na mayroon akong pagkukulang bilang kasintahan sa'yo pero bumabawi naman ako hindi ba? Bakit ba sa tuwing nag-aaway tayo eh ako ang gusto mong maghabol sa iyo kahit na hindi ko naman kasalanan?"
You know what Cean, tao rin ako kagaya mo. Kung nahihirapan ka, mas lalo ako. Mabuti nga at kasama mo ang pamilya mo at sa akin ka lang nangingulila. Eh ako? Ni minsan ba naisip mo kung anong sitwasyon ang kinasusuotan ko?"
Nang sandaling iyon ay nais ko nang bigkasin ang lahat ng sama ng loob ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit hindi niya maunawaan ang sitwasyon ko. Itutuloy ko pa sana ang mga nais kong sabihin nang agawin niya sa akin ang pagkakataon para magsalita.
"Ayan ang mahirap sa iyo Lucy eh! Ang akala mo kasi ikaw na ang may-ari ng lahat ng sama ng loob. Na dahil malakas ka at kinaya mo ay dapat ganoon din ako.
Isa pa Lucy, hindi naman iyan ang kaso dito. Ang pinagtatalunan natin ay ang mga lalaking laman ng mga kwento mo. Nag-iisip ka ba? Sa tingin mo ba natutuwa ako na sa tuwing magkasama o magkausap tayo sa telepono ay ibang lalaki ang pinag-uusapan natin?
Lucy kung totoong mahal mo ako, pagbibigyan mo ako sa gusto ko. Hindi naman mali ang gusto kong mangyari eh. Gusto ko lang iiwas ang relasyon natin sa pagkasira," tuloy-tuloy na sambit ni Cean mula sa kabilang linya.
Doon ko na ibinaba ang telepono dahil sa hindi ko nagustuhan ang tabas ng pananalita niya. Akala ko ay nagkakaunawaan kami. Akala ko ay gusto niyang maging bukas ako sa kanya.
Ang sakit lang dahil hindi man niya diretsahang sabihin ay alam kong pinararatangan niya ako. Hindi ko alam kung paanong naiisip niya iyon. Hindi ko alam kung saan nagmumula.
Mga kasamahan ko sa trabaho ang binabanggit ko sa kanya. Mga kasamahan kong mabubuting tao na agad niyang hinusgahan kasabay ko.
Pagkatapos kong ibaba ang telepono ay hindi na rin muli pang tumawag si Cean sa akin. Sanay naman na ako at hindi na rin ako nagulat dahil palagi namang ganoon ang eksena namin. Kahit anong usapin naming hindi namin napagkakasunduan ay palagi nalang ako ang nagri-reachout sa kanya.
BINABASA MO ANG
An Ode To My Family [COMPLETED]
Non-Fiction[TEASER] "Ako ang narito subalit sila ang bukambibig at hinahanap-hanap ni mama. Ako ang narito subalit sila ang palaging ibinibida at pinagmamalaki ni papa. Ako ang kasama ng pamilya ko sa araw-araw subalit tila hangin lamang sa kanilang mata ang...