GULAT na gulat ako noon at hindi ko talaga inasahang magagawi si mama sa pinagtatrabahuhan ko.
"Oh mama nagawi kayo rito?" ako sa magkahalong tuwa at gulat kong tono.
Agad-agad naman din akong lumabas ng shop upang lapitan sina mama at ang isa pa niyang kasama. Kakaibang tuwa ang talaga namang yumakap sa aking sistema nang hagkan ko si mama.
"Oo Lucy. Minabuti na naming dumaan dahil may sinadya rin kami. Malapit lang naman itong pinagtatrabahuhan mo kaya minabuti na naming dumaan," paliwanag pa niya.
Buong giliw ko namang ipinaghanda ng makakain si mama at ang kasama niyang si nanay Dehlia.
Habang kumakain silang dalawa at pinanonood ko sila ay tyempo namang nagtext sa akin si James. Nabanggit ko kasi sa kanyang dumalaw si mama kaya hindi ko muna maitutuloy ang pakikipag-usap sa kanya.
"Lucy, kumusta nandyan pa ba si mama.
Biro lang.
I mean nandyan pa ba ang mama mo? Gusto ko kasi personal na magpakilala sa kanya."
Ewan ko pero sobrang saya ko that time. Dala na siguro ng unexpected na pagbisita ni mama sa akin at dagdagan pa ng pagnanais ni James na makilala ang nanay ko – indication na determunado siyang i-legal ako at pormal na hingin ang kamay ko sa mga magulang ko.
"Lucy, ano't parang napakalalim naman ng ngiti mo diyan?" usisa ni mama sa akin na naging dahilan para mabaling ang atensyon ko sa kanila ng kasama niya.
"Ah ma, may gusto kasing makipagkilala sa inyo," utas ko naman.
Kitang-kita ang pagkagulat sa mukha ni mama matapos marinig ang mga isinalaysay ko.
"Sino na naman iyon aber?" si mama sa noo'y nakataas niyang kilay.
"Ah ma, siya po si James. Boyfriend ko po at magpupunta raw po siya rito," sagot ko sa kanya habang pinipilit kong panatilihin ang komposisyon ko.
Pagkatapos niyon ay tila gumuhit ang gulat niyang ekspresyon sa mukha, na sa pakiwari ko ay hindi niya inaasahang mayroon akong boyfriend. Hindi ko alam kung alam ba niyang wala na kami Cean pero base sa kanyang reaksyon ay tila nga nagulat siya dahil sa mga sinabi ko. Ilang sandali rin ng katahimikan at muling nagsalita si mama matapos niyang makainom ng inumin.
"Sige Lucy at gusto kong makilala ang lalaking iyan,"
Matapos ang mga sampung minuto ay nagawang makapunta ni James at buong galang niyang binati si mama. Doon rin naman pasimpleng tiningnan ni mama si James mula ulo hanggang paa. Nakangiti noon si mama subalit batid ko na hindi siya natutuwa sa mga nangyayari.
"Magandang araw po!" bati ni James kay mama at kay aling Dehlia sabay mabilis na nagmano sa dalawa.
Alam ko noon na pilit lamang ang ngiting ibinibigay ni mama sa boyfriend ko dahil kilala ko siya at alam ko kung kailan siya namemeke ng ngiti niya. Hindi na rin nag-usisa pa si mama at sa pakiwari ko ay nagmamadali na rin silang umuwi. Talagang nag-extend lamang sila ng oras upang hintayin at makita si James.
"O siya at mauuna na kami. Kayong dalawa Lucy, kailangan niyong makausap ang tatay mo at siya ang magdedesisyon diyan.
Sa ngayon maghanda na rin kayong magpaalam muna sa mga boss niyo para hindi rin maapektuhan ang trabaho niyo para sa panandaliang pagliban niyo. Dito at mauuna na kami," bilin pang muli ni mama habang gumagayak sa kanyang pag-alis.
"Ingat po kayo 'nay," buong pusong pamamaalam ni James kay mama at sa kasama nito.
...
Nakakatawang isipin na pagkatapos niyon ay magkabaliktad ang pananaw namin ni James. Kinakabahan ako para sa pagpunta namin sa bahay lalo pa't batid ko ang paunang reaksyon ni mama kanina, samantalang si James naman ay tuwang-tuwa at excited na excited pang makapunta sa bahay namin na talaga namang ikinatutuwa ko dahil willing talaga siyang makilala ang mga magulang ko at personal na makausap sila.
BINABASA MO ANG
An Ode To My Family [COMPLETED]
Non-Fiction[TEASER] "Ako ang narito subalit sila ang bukambibig at hinahanap-hanap ni mama. Ako ang narito subalit sila ang palaging ibinibida at pinagmamalaki ni papa. Ako ang kasama ng pamilya ko sa araw-araw subalit tila hangin lamang sa kanilang mata ang...