"Bukas na lang ho ako babalik diyan sa bahay. Natatakot pa ho kasi ako. Sana okey lang ho sa mga anak at saka sa asawa ninyo."Malalim na buntong-hininga lang ang itinugon sa akin ng estranghero.
"Kahit ngayong gabing ito lang ho. Bukas ipapaayos ko na ang kuryente ng bahay para hindi na ako matatakot." Dagdag pakiusap ko.
"Wala akong asawa kaya wala ding anak."
"E, di mas lalo pala hong okey."
"Samahan na lang kita sa bahay ninyo kung okey lang sa'yo. Nakakahiya kasi kung sa bahay ka pa magpapalipas ng gabi. Magulo at may kalumaan na din."
"Sige ho. Kung hindi sa inyo nakakaabala, bakit hindi." napangiti ako. Dapat nga sa buhay ako matakot at hindi sa mga multo ngunit sa nakikita ko naman sa kaniya, siguro naman hindi siya mamamatay tao.
"O, pa'no tara?"
"Tara!" nakangiti na ako. Nauna siyang naglakad, sumunod ako. Natatakot pa kasi ako sa nakita ko kanina ngunit napawi na yung matinding kilabot.
"Naghahanap ho ako ng makakatulong na maglilinis sa paligid, kukumpuni sa mga sirang bahagi ng bahay at magpipintura. Baka lang may mai-recommend kayo sa akin. Arawan na lang ho ang bayad." Pagsisimula ko ng usapan nang makapasok kami sa bahay. Gusto kong tuluyang matabunan ng ibang usapan ang nararamdaman ko paring takot.
"Puwede ako. Sabihin mo lang kung ano ang mga ipapagawa mo para masimulan ko. Kaya lang kailangan ko ding puntahan ang bukirin ko sa tanghali. Pero maipapangako ko namang matatapos ko lahat kasi madaling araw palang, gising na ako."
"Sigurado ho kayo? Baka kasi mahirapan kayo." Paninigurado ko.
"Huwag mo nga ako pinopo Jerick, mas pinaparamdam mo ang katandaan ko sa'yo niyan eh. Kung tutuusin, mga nasa lima hanggang pitong taon lang naman ang tanda ko sa'yo."
Tipid na ngiti lang ang tugon ko kasabay nang mabilis ko na namang pagsulyap sa kaniya. Bagsak ang tuwid at maninipis na buhok. Yung buhok na parang napakasarap paglaruan dahil parang balahibo lang ng pusa ang kapinuhan. Medyo may pagkasingkit ang maamong mga mata, matangos ang tamang hulma ng ilong, may kanipisan ang kaniyang mga labi at kulay ng balat na hindi aakalain ng kahit sino na siya ay isang magsasaka lang. Hindi man kasimputi ko pero maputi siya sa moreno kaya bumabagay iyon laki ng kaniyang katawan.
"Ano nga ho palang pangalan ninyo?" tanong ko para mabasag lang ang naghaharing katahimikan.
"Hayan, kasasabing huwag ka nang..." napakamot. Nakita ko ang manipis na buhok sa kaniyang kili-kili. "Roderick ang pangalan ko, tawagin mo na lang akong Rod. Walang kuya, walang po o opo. Rod lang. Nagkakaliwanagan ba tayo?" sa buo at lalaking-lalaki na boses. Katangiang wala si Greg.
Ngiti muli ang tugon ko.
"Kung sa simpleng bagay na 'yan ay hindi na tayo magkaintindindihan e, wala na tayong pag-uusapan pa, hahanap ka na lang ng iba mong makakasama dito." Alam kong may bahid iyong pagbibiro.
"Sige, Rod." Huminga ako ng malalim.
Hindi ko magawang iwaglit ang aking paningin sa kaniyang napakaguwapong mukha. Tinamaan yata agad ako ng sibat ni Kupido sa unang pagkikita.
![](https://img.wattpad.com/cover/245930640-288-k351519.jpg)