Paggising ko ay sumisinghap ako. Nakatali ako sa isang bangko at basa ang damit ko.Naguluhan ako.
"Anong nangyayari? Bakit ako nakatali sa bangko?
Bigla akong kinutuban.
Mabilis na nagrehistro sa paningin ko ang lalaking duguan na nakatayo sa tabi ng isang drum. Doon ay sandaling napako ang paningin ko. Magkasingtangkad at magkasinlaki sila ng katawan ni Rod. Nakatingin ito sa akin. Katabi niya ang isang babaeng alam kong dati nang nagpapakita sa akin. Ngayon lang humarap sa akin ang lalaki. Noon ko naisip na iyon na marahil ang kapatid ni Rod na si Romel. Basta naroon lang ang dalawang kaluluwa. Nakatingin sa akin. Hindi ko nagawang matakot na sa kanila. Pilit ko pa ding hinila ang mga nakatali kong kamay.
Hanggang sa mula sa aking likuran ay lumabas si Rod.
Tumayo siya sa harap ko.
Titig na titig siya sa akin.
Mas nagiging mapagmatyag na ako sa nangyayari sa paligid. Isang bombilya ang nagsasabog ng liwanag. Hindi kaagad ako nakapagsalita dahil hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari sa paligid ko. Nakita kong naroon din sa bahaging kaliwa ko si Tito Diego at katulad ko, nakatali din siyang nakasalampak sa sahig. Saan kami dinala ni Rod? Bago sa paningin ko ang bodegang ito. Dumudugo ang sugat ni Tito Diego sa kaniyang braso, namumula din ang ilang bahagi ng mukha nito na para bang nabugbog.
Muli kong binalikan ng tingin ang dalawang kaluluwa na nakita ko kanina ngunit wala na sila doon. Naglaho sila ngunit alam kong naroon lang sila at nagmamatyag sa mga nangyayari. Hindi ko sila nakikita ngunit nararamdaman kong naroon lang din sila't hindi pa umaalis.
Muli kong tinignan si Rod. Namuo ang galit sa aking dibdib. Nalinlang na naman ako ni Rod. Ginago lang niya ako.
"Ano 'to Rod? Bakit pati kami ni Tito kailangan mong igapos? Papatayin mo din ba kami katulad ng ginawa mo sa dalawang tiyuhin ko? Hayop ka! Nagtiwala ako sa'yo! Sinabi mo sa akin pagkatiwalaan lang kita!" singhal ko sa kaniya.
Sinikap kong tanggalin ang pagkakatali ng aking kamay sa bangko ngunit bigo ako.
"Kailangan kitang igapos kahit wala kang kasalanan sa akin, sa amin ng pamilya ko, Jerick. Kailangan ko ang buong atensiyon mo hangga't lubusang mong maintindihan kung ano ang totoong nangyari."
"Kalagan mo ako dito hayop ka nang magtuos tayo." singhal ni Tito Diego kay Rod.
"Hayop? Tinawag mo akong hayop, Diego?" isang malakas na sipa ang pinakawalan niya sa tagiliran ni Tito. Yumuko siya at hinawakan niya ito sa kuwelyo. "Kitang-kita ng dalawang mata ko ang ginawa ninyo noon. May hihigit pa ba sa kahayupang ginawa ninyo sa ate ko? Pagkatapos ninyong pagpapasahang halayin saka ninyo walang awang pinatay. Ang masakit ngayon ko lang nalaman na itinapon lang ninyo ang bangkay niya sa balon. Ilang taon ko silang hinahanap ng kuya ko. Ilang taon akong nag-iisa sa buhay. Kailangan ko pang ihanda ang aking sarili para harapin kayo at makahanap ng mga ebidensiyang didiin sa inyo. Hindi mo alam kung anong hirap ang kailangan kong pagdaanan. Alam ko, pati ang kuya ko na walang ibang hangarin kundi ang iligtas at ipagtanggol ang ate ko ay walang awa din ninyong pinatay. Hindi ko man alam kung anong nangyari pagkatapos niya akong pinatakas ngunit dahil dinala niya tayong tatlo dito sa bodegang ito, alam kong dito ninyo itinago ang kaniyang mga labi. Tatanungin kita sa mahusay na paraan, saan ninyo itinago ang mga labi ng kuya ko, Diego!" dumadagundong niyang sigaw.
"Wala akong alam sa pinagsasabi mo!" sigaw ni Tito.
"Umamin ka na, Diego! Hindi ako magdadalawang isip na pasabugin ang bungo mo sa laki ng kasalanan mo!" nangangatal ang kamay ni Rod na inapuhap ang baywang niya at inilabas niya doon ang baril. Puno ng pawis at luha ang namumula sa galit niyang mukha. Banaag ang sumasabog na poot sa kaniyang dibdib.