Chapter 1

3.8K 132 75
                                    

Nakita ko siyang nakahiga—walang imik, mahimbing na natutulog. Natutulog nga ba? Ewan. Simula nang nangyari 'yon, ganito na ang gusto kong paniwalaan. Pang-ilang araw na? Pangatlo? Tiningnan ko ang kalendaryong nakasabit—December 10, 2019. Pangatlong araw na nga.

Namanhid na yata ang buong pagkatao ko.

Bakit pa kasi ako nandito kung hindi ko rin naman siya makakasama sa mga susunod na araw?

Nagbuntonghininga ako habang naglakad-lakad. Nagpaalam muna ako sa kanya—kay Irene, ang tanging babaeng nagustuhan ko simula high school. Di rin naman siya makakasagot sa 'kin.

Kung kailan akala ko e may mangyayari na, bigla namang pipigilan 'yon ng mundo. Ng langit.

"Magkakaro'n pa lang kami ng bagong buhay," bulong ko. "Hindi ba puwedeng pahabain? Kahit paulit-ulit. Makasama ko lang si Irene nang mas matagal. Hindi . . . patas. Hindi ka patas."

Na parang isang matinding kasalanan ang mga binulong ko, nakaramdam ako ng init sa may balikat. Paglingon ko—isang liwanag. Bola ng liwanag.

Ang gusto ko, mahawakan si Irene. Ang ibibigay sa 'kin, ito? isip-isip ko.

Pero nagulat ako nang ang bolang 'to e biglang naging ang taong mahal ko. Akala ko namamalik-mata lang ako, pero totoo. At itong huwad na Irene na 'to, bigla akong hinawakan sa kamay.

"Halika na?" tanong niya.

Pinabitaw ko sa kanya ang kamay ko. Napataas ako ng kilay. "Pinagsasasabi mong multo ka?"

Biglang natawa si Irene—o 'yong bolang naging si Irene. Kaparehas niya ng boses, kaparehas niya ng tawa, kaparehas niya ng anyo. Ang kaibahan lang, hindi siya ang Irene na mahal ko. Kung ano man 'to, malamang pinadala lang para mas mapadali ang pahihiwalay ng mundo naming dalawa.

"Grabe ka. Di ka man lang nagulat?" tanong niya.

"May nagpadala ba sa 'yo?"

Natawa ulit siya. "Humphrey," tawag niya sa 'kin, "alam kong malakas ang pakiramdam mo sa iba't ibang elemento at nasabihan naman ako tungkol do'n, pero hindi ko akalaing ganyan ka kamanhid. Wala talagang reak? Gulat effect, gano'n?"

"Ano bang gusto mo? Maglupasay ako sa takot dahil sa nakita ko?"

"Akala ko nga, yayakapin mo ako."

"Multo ka. At nakita ko sa harap kong nag-iba ka ng anyo, kaya paano ko gugustuhing yakapin ka? Di ka nag-iisip? Ay, sabagay, wala na nga palang utak ang mga multo."

"Wow, ang harsh. Also, hindi ako multo dahil di naman ako galing sa tao. Buti na lang at wala na akong pakiramdam."

"E, ano ka?"

"Puwede mo akong i-dismiss as angel."

Natawa ako, 'yong may halong pangungutya. "Pagkakaalam ko, demonyo ang mga kayang magpalit ng anyo."

"Alam mo, harsh mo sa 'kin. Kung ayaw mo maniwala, e di, fine. Elemento, ganyan na lang. Keri na? Grabe. Ganyan ka ba every day? May galit sa mundo?"

"Kung nalaman mong madalas akong nakakakita ng elemento, malalaman mo rin kung ganito nga ba ako lagi. Tingin mo ba okay lang sa 'kin ang mga nangyayari?"

"Fine, fine. My bad."

Umupo kami pareho sa sidewalk at pinagmasdan ang mga taong dinadaanan lang kami. Nagbuntonghininga ako. "May oras pa ba?"

"Ikaw, depende sa 'yo. Siya, wala na talaga."

"Namanhid na ako."

"Halata naman. Nag-e-expect akong bumubulwak ka na sa luha. Pero heto ka, puro ka panghihinayang."

"Kasi alam ko namang naging masaya kami. Pero ngayon pa lang ako nakaipon para sa 'min. At dapat nasa bagong yugto na kami ng mga buhay namin, pero heto." Huminga ako nang malalim. "Kung alam ko lang, sana nadala ko siya sa maraming lugar. Sana marami kaming ginawa. Sana di ako nanghinayang dahil . . . deserve ni Irene ang lahat. Kung gano'n siguro ang nangyari, mapapalaya ko siya nang may ngiti. Pero kakaisip ko ng hinaharap, nawala ang mga mata ko sa kasalukuyan. Kaya—"

"Kaya you're now a ball of regret. Congratulations!"

"Peste."

"Tingin mo ba 'yan ang iniisip din niya?"

"Malay ko," sagot ko, nakapikit.

"Mas hihilingin mo ang makasama siya paulit-ulit? Kahit sa isang araw lang, gano'n?"

"Ba't hindi?"

"Kahit paulit-ulit mong mararamdaman ang sakit sa dulo ng araw?"

"Basta gigising ako na siya pa rin ang dadatnan."

Narinig ko siyang magbuntonghininga. "Mas hihilingin mo 'yon kaysa, for example, karma?"

"Sabi mo naman, di ba? I'm a ball of regret, hindi of anger. Napatawad ko na 'yong dahilan kung bakit ganito ang nangyari. E . . . ganito, e. Sadyang gano'n. Napaaga lang ang 'death do us part' para sa 'min."

"Di ko alam kung ma-amaze ako sa 'yo o mawiwirdohan. Daming inconsistencies sa mga sinasabi mo. Parang handa ka nang mag-move on, pero at the same time, stuck ka pa rin sa mga puwede sanang nangyari. Which cannot be."

"Well . . . heto ako, your counterargument."

Tumingin siya sa langit, saka tumayo. "Fine. 'Ge, alis na ako."

Tumayo na rin ako at tumalikod. "Nice meeting you. 'Wag ka na maliligaw."

"Look who's talking?" natatawa niyang tanong. "Kung merong ligaw, ikaw 'yon, di ako."

"Oo na."

"One more thing, Humphrey."

Lumingon ako.

"Pikit ka."

Di ko man lang naitanong kung bakit, pero ginawa ko dahil wala namang mawawala—iyon ang akala ko.

Pagdilat ko, nasa kama na ako, nakatitig sa kisame. Akala ko panaginip lang.

Pero pagtingin ko sa may relo kung saan nakalagay rin ang petsa't araw, nanlaki ang mata ko. Ala una pa lang ng umaga, pero ang mas ipinagtataka ko . . .

"December . . . seven? December seven." Napabangon ako. "D-December 7?!"

Di ko alam. Bigla akong nagmumumura. Iyon ba ang goal ng nagpakita sa 'kin kanina—o tatlong araw mula ngayon—teka, naguguluhan na ako. Fuck.

Ngayon, hindi ko alam kung sasaya ako . . . o maiiyak . . . dahil bumalik lang naman ako . . .

Sa huling araw na magkakasama kami.

Over AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon