Ang Lamig Ng Simoy Ng Hangin

15 3 0
                                    

Hindi ko maalala kung kailan nga ba naramdamang muli ang init ng simoy ng hangin tuwing sasapit ang pasko. Kailan nga ba? Kailan nga ba ako sumali sa samahan ng mga malalamig ang pasko na pati ang simoy ng hangin ay pinaiiyak ako. Kung sa tuwing pagsapit ng pasko ay ganito ang mararamdaman ko, paano nga ba ang maging manhid? Naniniwala pa ba ako sa aspetong 'pambata' na lamang ngayon? Pasko? Kailan ko nga ba naalalang naniwala ako dito? Ah, matagal na.

Nakatingala ako sa kalangitan sa tuwing sasapit ang unang araw ng buwan ng kapaskuhan. Binibilang kung ilang bituin ba ang mananatili sa kalangitan at kung ilang araw pa ba ang pupunuin ko ng aking kalungkutan. Sa tuwing naiisip ko ang papalapit na pasko, naiisip ko din kung kailan pa ba mananatili ang kalungkutang bumabalot sa aking puso. Sabay ng aking pagbuntong-hininga ang pag-iyak ng babaeng katabi kong nakaupo sa damuhang parte ng palaruan malapit sa aming tahanan. Tuloy-tuloy ang kanya ng pag-iyak na para bang tila pupunuin niya ang isang balde ng kanyang luha. Kumalma ako sa kanyang pag-iyak. Sa tingin ko hindi lamang ako ang malungkot ngayong pasko, marami pala kami. Iiwan ko na sana ang pwestong aking kinauupuan ng marinig ko ang mahihinang hikbi na galing sa kanya.

"Bakit ba ang sama mo sa'kin? Kailan mo ba ako ituturing na anak? Sana mamatay ka na Pa!"

Rinig ko ang kanyang hinaing pero hindi ako sang-ayon sa lumabas sa kanyang bibig. Nais ko lamang manatili sa palaruang dating pinagdadalhan ng aking ina ngunit tila ayaw ata ng panahon na sumang-ayon sa akin sa tuwing hahanap ako ng tyempong maging malungkot. Paulit-ulit niyang sinasambit na sana mamatay na ang kanyang ama kaya't hindi ko na naatim at linapitan ko siya. Walang salitang binigay ko ang aking panyo upang punasan niya ang tuloy-tuloy na kanyang pagluha. Bakit nga ba ako nasa sitwasyong ito? Tiningnan niya lamang ako na parang ako pa ang may kasalanan kung bakit nahinto ang kanyang pag-iyak, ganyang tingin din sana ang aking ibibigay sa kanya kanina. Ikaw din ang may kasalanan kung bakit ako nahinto sa aking pag-iisip, pag-iisip kung gaano nga ba kalamig ang aking pasko.

"Kunin mo na." Hindi ako mahilig magsalita, utak ko lamang ang may gustong magsalita.

"Bakit?" Boses bata niyang sabi na parang binibigyan ko siya ng tsokolateng una niyang matitikman.

"Punasan mo luha mo." Hindi niya ba alam o tanga lang 'to? Tumingin muna siya sa akin bago niya pinunasan luha niya. Sasabihin ko sana na masama ang tabas ng kanyang bibig, masama ang kanyang hangarin sa kanyang Papa ngunit sino ba naman ako para humusga?

Nang makita kong patapos na siya sa kanyang pag-iyak ay tumalikod na ako para bumalik sa aming bahay, siguradong nakauwi na din naman ang aking magulang. Sa aking unang hakbang ay tila naalarma ang babae at biglang humarap sa aking kinaroroonan pero nanatili akong nakatalikod at naglakad.

"Maraming salamat Kuya! Balik ko na lang itong panyo 'pag nakita kita ulit!" Sigaw niya. Hindi na ako sumang-ayon o ano pa man sa kanya. Madami pa naman akong panyo sa bahay kung gusto niya sa kanya na iyon.

Sa aking paglalakad ay naglakbay na naman ang aking kaisipan at nagtanong kung paano ko nga ba hindi mararamdaman ang simoy at lamig ng hanging kaakibat ng pasko. Hindi ko namalayang nasa tapat na ako ng aking bahay, hindi kami mayaman pero hindi din naman kami mahirap, kumbaga sakto lang kami pero bakit hindi pa din masaya? Nakita ko ang aking tatay na nagluluto sa kusina, dumiretso ako sa kanya at nagmano.

"Nak, tinawagan mo ba nanay mo?" Bungad niyang tanong sa akin.

"Opo, gusto niyo po bang tawagan ko ulit?" Tanong ko sa kanya.

"Wag na nak, alam mo namang umaga doon at busy siya sa kanyang trabaho." Paalala ni tatay sa akin.

"Text ko na lang po, 'Tay."

"Sige, sabihin mo miss na natin siya at mag-iingat siya 'dun."

Tumango na lamang ako at nagtipa ng mensaheng nais ipadala ni tatay kay nanay. Paakyat na ako ng hagdan ng marinig kong nagsalita ang aking tatay sa mahinang tono.

Ang Lamig Ng Simoy Ng HanginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon