Kabanata 28: Ang Siyudad ng Terra

1.8K 78 3
                                    

Pagkapasok naming dalawa ni Caspian sa ginawa niyang lagusan ay sa isang iglap nandito na kami sa labas ng tarangkahan ng Luxa. Nakaparada rin ang isang nakalutang na barko sa harapan namin. Nakasakay na ang iba, habang kaming dalawa na lamang ni Caspian ang nahuli.

Ilulutang ko na sana ang aking katawan nang bigla akong akayin ni Caspian. Napakapit ako sa balikat niya. Dahilan para bigla akong kabahan at uminit ang aking pisngi. Napaiwas ako ng tingin.

Sobrang lapit ng aming mukha, habang amoy na amoy ko ang mabango niyang hininga niya.

Nang makasakay na kami sa lumilipad na barko ay inilapag niya ako nang dahan-dahan. Tiningnan naman ako ng mga kaibigan ko ng isang nanunuksong tingin. Umiwas ako't naglakad palayo sa kanila. Nilapitan ko naman si Ayleth nang mapansin kong nandito na rin pala siya.

"Mabuti naman at pinayagan ka ni Suprema Celestia." Napaayos siya ng tayo nang marinig niya ang aking boses.

Nilingon niya naman ako suot-suot ang kaniyang matatamis na ngiti.

"Oo nga eh," sagot niya.

Namayani naman ang katahamikan sa pagitan naming dalawa. Sa halip na makipag-usap kay Ayleth ay tinanaw ko na lamang ang magandang tanawin. Unang beses kong makalabas sa Luxa kaya sobrang manghang-mangha ako.

Tahimik din na tinabihan ako ni Ayleth at tumingin din sa magandang tanawin. Ilang segundo ng paghihintay ay sa wakas aalis na kami. Nang lumayag na ang sinasakyan naming nakalipad na barko ay ramdam na ramdam ko ang napakasariwang hangin na humahampas sa balat ko.

"Unang beses mong makalabas sa Luxa, tama ba ako Serephain?" Napatingin naman ako kay Ayleth nang magsalita siya.

Tumango na lamang ako bilang pagtugon.

"At mukhang sa lahat ng bagay unang beses mong maranasan. Bakit, Serephain?" Nagulat na naman ako sa sunod-sunod na tanong niya sa akin.

Sasagutin ko ba?

"Hindi ako lumalabas ng bahay halos dalawang dekada," walang kaemosyong sagot ko.

Natahimik bigla si Ayleth at napatingin sa akin. Iniwas ko na lamang ang aking paningin at piniling tumahimik lang ulit. Maging si Ayleth din naman ay piniling manahimik.

Ginala ko naman ang paningin ko sa aming sinasakyan. Nahagilap ng aking mata ang walang humpay sa pag-aalala na si Crystal. Habang hinahaplos naman ang kaniyang likuran ni Rony. Sina Borin at Collyn ay pinagmamasdan si Crystal, habang nakakuyom ang mga kamao.

Ang ilang mga estudyanteng taga-Terra ay ganoon din ang nararamdaman. Si Caspian naman ay abala sa pagtingin-tingin sa paligid. Naglakad ako papalapit sa kaniya, dahilan para mapatigil siya sa kaniyang ginagawa.

"May problema ba, Serephain?" tanong niya sa akin nang mapansin niya akong nasa tabi niya na ako.

"Wala naman," maikli kong sagot.

Tumingin ako sa paligid.

Sa sobrang ganda, hindi ko na alam kung ano ang dapat kong sasabihin.

May mga naglalakihang puno, natatanaw ko sa ibaba na may ilog at dagat naman sa malayo. Tanaw na tanaw ko kasi ang kabuuan ng lugar, dahil nakasakay kami ng barkong lumilipad.

"Malayo pa ba ang siyudad ng Terra?" bigla ko na lamang tinanong si Caspian.

"Maya-maya't marating na natin ito. Dahil nakasakay tayo ng sasakyang pang himpapawid, mapapadali ang pagdating natin," sagot niya naman sa tanong ko.

Tumango na lamang ako bilang pagtugon.

"Sa tingin mo, kagagawan rin ba ito ni Gedeon katulad sa nangyari noong mangyari ang unang digmaan sa mundo?" Kahit na ayaw ko mang magtanong sa kaniya, pero hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko.

Axphain Academy: School for Divine AngelsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon