Kabanata 23: Araw ng Pag-aalay

1.8K 85 2
                                    

Panibagong araw na naman ang kakaharapin ko. Sa araw na ito, walang mangyayaring klase sa halip ay ito ang araw ng pag-aalay.

Ang araw kung saan bibigyan namin ng pasasalamat pag-aalay ang kataas-taasang Diyos ng aming mundo na si Akwan, ang tagapagbantay at nagbibigay lakas ng aming lahi na Diyosang si Divine, at maging ang iba pang Diyos na pinaniniwalaan ng aming nasyon.

Lahat ng estudyante ay nandito sa loob ng bulwagan. Nandito kami sa saradong bulwagan, naghihintay sa punong guro na si Tita Ailia. Ilang sandali ng paghihintay, natahimik ang lahat nang makita namin ang pagpasok niya sa bulwagan.

Sobrang seryoso ng kaniyang ekspresyon at sobrang strikto kung kumilos. Lahat ay napatayo nang matuwid. Lahat ng atensyon ay nasa sa kaniya lang.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Alam ko na alam niyo na kung anong araw ngayon. Ito ay ang araw ng pag-aalay para sa mga Diyos na nagbibigay sa atin ng lupain, matutulugan, lakas at kapangyarihan. Ito rin ay tradisyon ng ating lahi at ginagawa taon-taon. Sana ay handa na ang inyong regalo at mga bulaklak na iaalay ninyo."

Pagkasabi ni Tita Ailia ay lahat ay nananabik, maging ako dahil unang beses ko itong maranasan. Napatingin naman kami roon sa harapan nang biglang lumitaw ang napakalaking portal na gawa sa liwanag.

Nakita ko naman na nandoon sa harapan si Caspian. Habang nakakumpas ang kaniyang dalawang kamay.

"Magkita-kita tayong lahat sa parke ng pag-aalay," pahabol na paalala ni Tita Ailia sa mga estudyante niya.

Naghintay kaming magkakaibigan hanggang sa maubos na ang mga estudyante sa pagpasok sa lagusan na ginawa ni Caspian. Nabigla naman ako nang makita kong nagpaiwan si Ayleth kasama namin. Tiningnan ko siya ng seryoso, subalit isang ngiti lamang ang kaniyang isinukli.

Nang makapasok na ang lahat ay kami na rin ang naglalakad papasok doon.

"Ayos lang naman siguro na sasama ako sa 'yo, Serephain." Biglang sulpot ni Caspian sa gilid ko.

Habang ang mga kaibigan ko naman ay umatras. Ang resulta ay kaming dalawa na lamang ni Caspian ang naiwan. Habang sila naman ay nakasunod lang sa aming likod. Rinig na rinig ko pa ang mahihina nilang mga hagikgik.

Hindi ko alam ang dahilan, pero bigla akong kinabahan.

Kinabahan ako sa presensya niya.

Hindi ko na lamang siya sinagot, sa halip ay naglakad na lamang ako kasama niya. Gusto ko mang sumama sa paglalakad sa mga kaibigan ko, pero masyado namang bastos ang kilos na 'yon. Nilingon ko silang lima, sinusundot pa nga ni Crystal ang tagiliran ko na hindi napapansin ni Caspian.

Sinamaan ko sila ng tingin dahil wala namang patutunguhan ang mga inaasar nila sa akin. Napalingon ako sa kaliwang banda ko nang maramdaman ang dalawang pares na mata na nakatingin sa akin nang masama.

Hindi na ako nagulat sa nagmamay-ari ng mga matang 'yon. Dahil siya lang naman ang babaeng anghel na isa sa mga nagkakandarapa kay Caspian. At ang babaeng anghel na handang saktan ang iba, makuha lang ang lalaking gusto niya.

Dahil mapang-asar ako, inasar ko siya gamit ang aking nakakalokong ngiti at nakataas kong kilay. Kahit na malayo siya sa amin, ramdam na ramdam ko ang galit niya nang makita ko siyang nagtiim-bagang.

Ang sarap asarin sa mga nilalang na desperada.

Nakakaawa sila.

"Dahil tahimik ka, ibig sabihin pumapayag ka," rinig kong wika ni Caspian sa aking tabi dahilan para mapatingin ako sa kanya.

Sumalubong na naman sa mga mata ko ang matamis niyang ngiti. Subalit, umiwas kaagad ako nang maramdaman ko ang pag-init ng aking magkabilang pisngi. Anong nangyayari sa akin?!

Axphain Academy: School for Divine AngelsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon