Kabanata 52: Halik ng Pag-ibig

1.8K 71 11
                                    

Hanggang ngayon nasa kabilang mga ulap pa rin ang nararamdaman ko. Makalipas ang sampung araw sa paglalakbay sa iba-ibang nasyon, ang dami kong natutunan. Karamihan sa mga dwelo ko laban sa ibang itinakda ay talagang binigyan nila ako ng matinding pagsubok na makamit ang panalo. May ilang dwelo na nanalo ako, at meron namang iba na natalo ako.

Tanggap ko naman 'yon. Dahil 'yon ang katotohanan.

Hindi sa lahat ng pagkakataon, nakakamit natin ang panalo. Kasi sa digmaan, hindi natin alam kung ano'ng kapalaran ang naghihintay sa atin. Parang buhay lang ng isang nilalang, hindi natin alam kung kailan tayo kukunin sa mundo. Kaya hangga't maari, gamitin ang mga oras para sa mga mahal natin sa buhay.

Pero sa mga oras na 'to, kanina ko pa pinisil-pisil ang aking mga kamay dahil sa sobrang kaba. Kakaibang kaba. Kaba na hindi ko kayang maipaliwanag. Nakaupo ako sa isang sementadong upuan na makikita rito sa kakahuyan ng akademya.

At katabi ko ngayon ang lalaking puno't dulo ng pagkabog ng aking dibdib.

Kakalubog lamang ng araw. Nakamasid lamang ako sa maaliwalas na kalangitan. Napuno ito ng kumikinang na mga bituin. Kitang-kita rin sa kalangitan ang gasuklay.

Hindi ko alam kung bakit ako pumayag na samahan si Caspian. Pero ang sabi niya ay gusto niya raw ng oras kasama ako.

"Kahit kailan talaga hindi ko pa rin maiiwasang humanga sa kayang ibigay ng kalangitan," rinig kong saad niya sa tabi ko. "Pero minsan hindi ko kayang maiwasang matakot."

Dahil sa sinabi niya, napatingin ako sa kaniya. Ang magiting na Caspian ay may kinatatakutan? Iniling ko ang aking ulo dahil sa naisip. Malamang! Sino ba'ng manhid na walang kinatatakutan? Lahat may kaniya-kaniyang kinatatakutan, at nasa sa atin pa rin kung paano natin ito gagamitin.

Gagamitin ba natin ito bilang inspirasyon. O gagamitin natin ito upang sumuko na lang nang walang kahirap-hirap.

"Ikaw ba may kinatatakutan din, Serephain?" Nabigla ako sa naging tanong niya sa akin.

Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga bago sumagot sa tanong niya. "Oo naman, Caspian. Marami. Sino ba'ng nilalang na walang kinatatakutan?"

Narinig ko siyang bahagyang tumawa. Isang tawang mapait. Hindi ko alam kung ano ang pinagdaanan niya, pero alam kong mabigat 'yon. Tumingala ako sa langit upang mas makita nang mabuti kung gaano kaganda ang gasuklay at ang mga bituin.

"Natatakot ako na baka pagkatapos ng lahat ng 'to, hindi ko na ulit masisilayan ang pagsikat ng araw. Natatakot ako na baka bukas makalawa, hindi ko matupad ang mga katagang aking binitawan sa harapan ng maraming Axphainian. Natatakot ako na baka mabigo ko ang diyos ng kapalaran. Natatakot ako na baka hindi ko matupad ang mga responsibilidad ko bilang isang itinakda." Huminto muna ako sa pagsasalita nang maramdaman ko ang pagkirot ng aking dibdib.

Tumikhim ako upang maitago ang panginginig ng aking boses. "Natatakot ako na baka sa mga susunod na araw hindi ko na mahanap ang sagot kung saan ako nabibilang. Dahil hanggang ngayon, tinatanong ko pa rin ang aking sarili ko kung dito ba ako nararapat."

Namayani ang katahimikan sa aming dalawa ni Caspian. Subalit ilang minuto ang makalipas, kinuha niya ang aking mga kamay. Pinisil-pisil pa niya ito. Dahilan upang tuluyan ng nagsibagsakan ang aking mga luha.

"Serephain, gusto ko lang sabihin. Hindi ko man alam ang pakiramdam bilang isang kalahating Axphainian at kalahating Cimmerian, gusto ko lang malaman mo na po-protektahan kita kahit ano'ng paraang alam ko." Dahil sa binitawan niyang mga salita, hindi ko maiwasang makonsensya na pinagbibintangan ko siyang siya ang nagsumbong sa mga Summa tungkol sa sikreto ko.

Axphain Academy: School for Divine AngelsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon