Kabanata 12

2.4K 95 2
                                    

Kumakagat na ang dilim pero si Lucas ay naka-abang parin kay Zaira sa labas ng kompanya nito. Hindi siya bumaba ng kotse. Hiyang-hiya na siya kay Mang Lio na naiinip na rin ata sa kahihintay pero hindi pa lumalabas si Zaira.

Kung kailan lumabas na ang dalaga ay saka naman nabahag ang buntot niya. Akmang lalabas na siya mula sa kotse nang biglang may lalaking lumapit kay Zaira at humalik sa pisngi ng dalaga.

Bigla na lamang may matulis na bagay na tumulos sa dibdib niya. Pakiramdam niya’y tumigil sa pagtibok ang puso niya at may panaka-nakang kirot sa bahaging iyon ng puso niya.

Nasaksihan niya kung paano namulupot ang kamay ng lalaki sa baywang ni Zaira at napansin niyang masaya ang dalaga. Sumakay na ang mga ito sa kotse ng lalaki at umalis.

Umayos na lamang siya ng upo. “Tara na po, Manong,” utos niya kay Mang Lio.

“Saan po tayo pupunta, Sir?” tanong nito.

“Umuwi na tayo,” aniya.

“Hindi na po ba natin hihintayin si Ma’am Zaira?”

“Hindi na. Sa tingin ko’y nagsasayang lang tayo ng oras,” may hinanakit na sabi niya. Kapagkuwan ay umalis na sila.

Pagdating sa bahay ay nadatnan niya ang Daddy niya na umiinom ng red wine habang naka-upo sa sofa sa sala at nanonood ng balita sa telebisyon. Akala niya’y hindi siya nito napansin.

“Anak, akala ko ba’y lumabas kayo ni Ms. Takinuri?” tanong nito.

Naiilang tuloy siyang humarap sa tatay niya. Gayunpaman ay nilapitan niya ito at umupo siya sa katapat nitong sofa. Humingi ito sa katulong ng isa pang baso para sa kanya.

“Ang bilis ata ng bonding ninyo ni Zaira,” anito habang nagsasalin ng wine sa baso niya.

Uminom muna siya bago ito sinagot. “Wala, Dad. Hindi kami nagkita,” sapagkuwa’y wika niya.

“Bakit naman?” natatawang tanong nito.

“May nauna na pala sa akin,” malungkot na tugon niya.

Bahagyang natawa ang Ginoó. “Si Lenard siguro ang tinutukoy mo. Well, Lenard is Zaira’s ex boyfriend pero sa pagkaka-alam ko ay matagal na silang walang relasyon. Hindi ko lang alam kung nagkabalikan sila,” pahayag ng Ginoó.

Natigilan siya. Sa isang iglap ay tila nabubuhayan siya ng loob. Napapangiti siya habang sinisimsim ang natitirang wine sa baso niya.

“Did you like her?” mayamaya’y tanong ng Daddy niya.

Hindi siya kaagad nakasagot. Pinakiramdaman muna niya ang sarili niya. Kinapa niya ang dibdib niya upang matiyak kung may pitak nga ba roon para kay Zaira. Nararamdaman niya’ng malaki ang puwang ni Zaira sa puso niya.

Pakiramdam talaga niya ay matagal na niyang mahal si Zaira. Hindi manlang siya nalilito sa nararamdaman niya. “I think, I’m inlove with her, Dad,” seryosong sagot niya.

Bigla na lamang humagalpak ng tawa ang Daddy niya. “You mean, nararamdaman mo na kaagad na mahal mo siya kahit kakikita mo pa lamang sa kanya?!” manghang tanong ng Ginoó.

“No, Dad. Hindi ito love at first sight. Pakiramdam ko parang matagal ko nang kilala si Zaira. Hindi ko lang maalala kung saan ko siya nakilala pero sigurado ako na nagkita na kami dati pa,” giit niya.

“Kung iyan talaga ang nararamdaman mo, well, bahala ka. Basta’t huwag ka lamang umasa, Anak. Mahirap umasa sa wala,” anito.

Napapaisip tuloy siya. Naalala nanaman niya ang lalaking kasama ni Zaira. Pakiwari niya’y nilalaslas ng kutsilyo ang puso niya sa tuwing maiisip na pinaasa lamang siya ni Zaira. Mayamaya rin ay nakalimutan niya ang panandaliang hinanakit sa dalaga. Nahihiwagaan siya sa katauhan ni Zaira.

The Chronicles of the Fallen Angels 'Lucas Hermania' The Caustic Cherubim (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon