Soliman
"Ganito lang... sundan mo ako."
Lumingon ako kay Sidapa upang humingi ng kaunting tulong. Nalasing yata ang kanyang kabiyak at pinipilit akong sumayaw. Sa 'di kalayuan ay naroon si Tala na mukhang nakakain ng apdo sa pait ng mukha.
Matagal-tagal pa, sa isip ko.
"Sige na, Soledad!"
"Soliman," pagtatama ko kay Jelie sa hindi ko na mabilang na pagkakataon.
"Tala... Tala..." awit nito.
Sino ang mag-aakala na may kanta na tatawag kay Tala? Kaya pala iba ang kanyang ning-ning ngayon. Mas makinang kaysa kay Mayari at Hanan.
"Magagalit si Sidapa. Huwag kang sumandal sa akin." Umiwas ako kay Jelie at itinapat ko si Jake sa kanya.
"Congratulations, mah friend," sabi nito kay Jake. Nakahinga ako ng maluwag at umalis sa gawi ni Jelie bago pa ako makita nitong muli.
"Sigurado ka ba sa pagpapatuloy sa mga taga-lupa?" Hindi pa rin ako tinatantanan ng kanang kamay kong si Faustino. "Narito si Sidapa na kumitil ng mahigit dalawang daang engkanto."
"Bakit ginawa ni Sidapa iyon? Hindi ba pinigilan ko si Carolina noon? Nakinig ba siya?"
"Soliman, ang sa akin lamang ay pag-isipan mo. Hindi dahil nariyan ang dati mong katipan—"
"Walang kinalaman si Tala dito. Mukha ba siyang masaya na narito siya?" may pagbabanta na tanong ko. "Hindi magtatagal ay lilipulin ni Sitan ang lahat. Papanig ba tayo sa kanila kahit alam mo ang magiging kahihinatnan ng lahi natin sa oras na iyon?"
Hindi nakakibo si Faustino.
"Kailangan nating turuan si Jelie. Siya ang nag-iisang taga-bantay ng tarangka. Sa oras na masira ang mga tarangkahan, mabibilanggo tayo sa Biringan na unti-unti ng namamatay."
"Kung sana ay—"
"Maraming 'kung sana' ang maiisip natin ngunit wala na tayong magagawa sa kapabayaan ni Carolina."
Nilagpasan ko si Faustino at tinungo ang aking silid. Tapos na ang pangako ko kay Jake na kasal. Kailangan ko ng magpahinga. Tinatawag ako ng lupa— humihiling sila ng tulong. At unti-unti itong nakakapagpahina sa akin.
Bilang pinuno ng Biringan, nakatali sa akin ang kalagayan ng lupa at ang panahon sa araw-araw. Pinipilit kong maging maaraw ngunit may pagkakataon na nagkakaroon ng kulimlim sa dapit-hapon, bagay na hindi ko makayanang baguhin. Napakalaki ng responsibilidad ko sa Biringan.
Tala... Tala...
Napangiti ako ng kaunti nang maalala ang inaawit ni Jelie.
"Hindi yata mawawala sa isip ko ang awitin na iyon," bulong ko.
Sa loob ng aking silid ay mayroon akong sariling opisina na ginagamit ko kapag nais kong magkulong. Sa ngayon, narito ako at nagtatago. Sinisikap na basahin ang lahat ng batas na pinapatupad dati ni Carolina. Ginuguhitan ko ang mga nais kong alisin at baguhin.
"Mukhang mas marami ang mababago," bulong ko nang makita ko ang unang libro na mas marami ang nakaguhit kaysa sa hindi.
"Hay, hindi ko ninais ito."
Sa kabila ng paningin ng iba, hindi ko ninais na umakyat bilang pinuna ng Biringan nang mawala si Carolina. Sumobra siya sa paghahabol kay Sidapa. Lumabis siya sa pagkampi kay Sitan. Sa kamay ng anak nito siya binawian ng buhay.
"Hindi ka dapat pumapagitna sa nagmamahalan," mahinang wika ko habang tinitingnan ang pirma ni Carolina. "Matuto kang pakawalan ang mga bagay na hindi mo kayang hawakan."
Gaya ng ginawa mo kay Tala? Piping tanong ng isip ko.
Hindi ko pupuntahan ang ala-ala na iyon.
Umiling-iling akong isinarado ang mga libro na nakabukas sa harapan ko at lumabas ng aking silid. Naririnig ko ang kasiyahan na nagaganap at sinamantala ko iyon upang pumunta sa silid-aklatan. Dito ay tahimik akong makakapagbasa o 'di kaya ay makakapag-isip.
Gaya ng aklatan sa mga kwento ng prinsepe at prinsesa, ang aklatan dito sa palasyo ay magara. Nasa limang palapag ang taas nito at lahat ng pader ay napapalibutan ng mga libro. Libro na hindi makikita sa lugar ng mga tao. Libro ng mahika, mga diyos at diyosa, mga kasaysayan na limot na ng panahon. Narito ang unang mapa ng mundo... narito ang lahat ng sagot sa katanungan ng mga tao ngunit wala ang sagot sa suliranin naming mga engkanto.
Naupo ako sa pinakataas na bahagi ng silid-aklatan at dumungaw sa bintana na tanaw ang kalupaan ng Biringan. Sa dako paroon— sa liblib na lugar ng mayayabong na puno sa gubat ay may isang boses na pilit akong tinatawag noon pa man. Alam niyang nakadungaw ako at nakatingin sa kanya ngayon.
"Soliman."
Hindi ako magpapatangay sa iyo.
"Hanggang kalian mo pipigilan?"
Hanggang sa kaya ko.
"Hindi mo mababaliwala ang propesiya."
Kakayanin ko.
"Soliman," may boses na tumawag sa akin at sa isang iglap ay lumabas sa kamay ko ang sibat at tinapat sa lalamunan ng pangahas.
Napakurap ako nang makita ko si Mayari na nakataas ang dalawang kamay at walang kurap na nakatingin sa akin.
"Mayari," sambit ko at mabilis na binaba ang sibat. "Bakit narito ka?"
"Masyadong maingay sa labas. Nakita kitang pumasok ngunit hindi mo ako napansin. Ayos ka lamang ba?"
"Ayos lang."
Tumabi si Mayari sa akin at tumanaw rin sa bintana.
"Tahimik dito."
"Hindi ka na sanay?" may biro na himig ko.
Umiling siya. "Hindi na ako sanay sa ingay. Matagal na panahon na buhat ng may humiling sa akin... maliban sa iilan na pinagbibigyan ko ang hiling."
Nangiti siya ng bahagya. "Pinuno eh?" may himig na biro na tanong nito.
"Ako pa rin ito, Mayari."
"Gaano na katagal buhat ng magkausap tayo, Soliman?"
Natahimik kaming muli. "Ang huli ay nang makulong si Bunao sa libro. Doon nagbago ang lahat."
Tumango si Mayari. "Ang huling digmaan," sangayon niya. "Matagal na pala."
Natahimik ako. Gano'n na katagal na hindi kami nag-uusap ni Tala. Daang taon na... ngunit parang kahapon lamang na nangyari iyon.
"Mahal mo pa ba?" bulong ni Mayari.
"Mahalaga pa ba sa ngayon?" balik na tanong ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Book of Goddess
FantasyIKA-LIMANG AKLAT Ano ba ang alam ng mga tao sa amin? Bukod sa amin pangalan na kakaunti ang nakakaalam ay hindi wala na yatang nakakaalala sa mga ginawa para sa kanila. Kasabay ng pagkalimot ng tao ay ang pagkalimot ko sa aking puso- sa aking nag-ii...