Tala
"Bakit— ano ang nangyayari? Naririnig mo ako?"
"Oo," sagot ni Soliman sa isip ko.
"Tala, ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tanong ni Hanan sa akin. "Namumutla ka."
"Umalis na tayo dito at baka may makakita pa sa atin," ani ni Bunao na sinang-ayunan ng lahat.
Isinarado ni Sidapa ang lagusan at bumalik sa ayos ang lahat maliban sa akin at kay Soliman.
"Saan tayo pupunta nito?" tanong ni Jake. Nagkatinginan kami, pawang nagtatanong sa isa't-isa at lahat ay napatingin kay Soliman.
"Sa gubat," wika ni Carol. Tinuro niya ang tatlong libro. "Sabi nila ay sa gubat."
"Saang gubat? May kapre do'n. Hinabol kami dati ni Jake," tanggi ni Jelie.
"Bakit daw sa gubat?" tanong ko.
"Dahil hindi susunod ang mga itim na engkanto roon, ayon sa mga libro," paliwanag ni Carol.
"Pero hangganan ng lupain nila iyon," katwiran ko.
"Naroon ang lupain ng mga hari," sagot ni Carol. "Ano 'yon?" naguguluhang tanong niya bigla.
"Tara na, doon tayo sa kubo natin para makakain na muna tayo," yaya ko. Ang daming nangyayari sa loob ng silid-aklatan na ito na hindi maipaliwanag kaagad.
Muli ay gumawa ng lagusan si Sidapa at mabilis kaming pumasok doon.
Sa kumpol ng mga kubo namin kami lumabas mula sa lagusan. Naupo kami sa paligid ng siga na kagabi lamang ay buhay na buhay.
"Sino ang may gusto ng apoy?" tanong ni Jake. Bago pa may nakasagot ay nabuhay ang apoy sa gitna namin. Naupo kami sa malalaking bato na inilagay nila Zandro upang maging upuan namin kapag nakapalibot kami rito.
"Soliman, maari ko bang mahiram ang Aklat ng mga diyos at diyosa?" Si Carol ang nagbasag ng katahimikan namin. Inabot ni Soliman ang aklat na itinuro ni Carol sa kanya.
Natahimik kami nang maingat na buklatin ni Carol ang unang pahina.
"Ang kwento ng hari ng tatlong kaharian."
"Bakla, wala namang nakasulat, ano 'yang sinasabi mo?" ani ni Jelie. Napakunot ang noo ni Carol at iniharap sa amin ang pahina ng libro.
"May nakasulat," sagot ni Carol.
"Wala akong nakikita," sagot ni Jelie na lumapit pa ng kaunti pagkatapos ay umiling. "Wala talaga."
"Wala rin akong nakikita," sagot ni Zandro.
"Mayro'n," wika ko na sinang-ayunan ng aking mga kapatid.
"Mayrong nakasulat ngunit hindi ko mabasa," sagot ni Amihan.
"Sinaunang wika," pahayag ni Soliman. "Bago pa nalathala ang baybayin ay iyan ang ginagamit."
"Wala akong mabasa," wika ni Anya. "Dahil marahil ay tao na ako."
Nagkatinginan sila.
"Taas ang kamay ng walang nababasa," saad ni Jelie. Nagtaas siya ng kamay maging si Anya, si Zandro at si Bunao.
"Besh, tao ka?" tanong ni Jelie kay Bunao na ikinatawa ng ilan.
"Babasahin ko ang nakasulat. Baka may makuha tayong sagot sa napakarami nating tanong," wika ni Carol. Kinandong niyang muli ang aklat at maingat na binasa.
"Ang Biringan ay nahahati sa tatlong kaharian. Ang liwanag at dilim at ang pumapagitan. Sa liwanag nagmula ang lahi ng hari na kung saan ang kanyang ama ay nagkaroon ng tunay na pag-ibig. Tunay ngunit ipinagbabawal."
Nahinto sa pagbabasa si Carol at nilipat ang pahina. Nakunot ang noo niya at tumingin sa gawi ko.
"Walang kasunod," wika niya.
"Ano na ang nasa kabilang pahina?" tanong ni Anya.
"Wala... as in blank."
"Ipinagbabawal dahil may asawa ang noo'y prinsipe ng kaharian ng puting engkanto," pagpapatuloy ni Soliman sa kwento.
"Teka, wait... meron na," pigil ni Carol. "Kwento ba ng magulang mo ito?" nagtatakang tanong ni Carol kay Soliman.
"Marahil," maikling sagot niya.
"Nagbunga ang pagmamahalan na ligaw at isang batang lalaki ang isinilang na may kapangyarihan ng isang engkanto at isang diyos. Ang mata niya ay gaya ng sa leyon na kinatakutan ng lahat at ang tatlong kaharian ay nagkaisang ipakitil ang buhay ng sanggol. Sa gubat sa hangganan ng lupain dinala ang sanggol. Sa gubat kung saan hindi siya masusundan ng kanyang ama upang iligtas. Sa gubat siya nagmula, at sa gubat muli siyang lumabas. Dahil lahat ng nasasakupan ng Biringan ay luluhod sa kanyang harapan. Kalahating engkanto at kalahating diyos. Ang hari ng tatlong kaharian ay magigising at kapag napagbuklod ang tatlong kaharian, ang kanyang ina ay magbabalik."
Napatayo si Soliman mula sa kinauupuan. "Sigurado ka?"
"Iyon ang nakasulat," sagot ni Carol.
"Sino ba ang iyong ina?" tanong ni Anya kay Soliman.
"Hindi ko kilala," sagot ni Soliman.
"Dodong, kilala mo?" tanong ni Jelie sa nananahimik na diyos ng kamatayan.
Napatingin kaming lahat sa kanya.
"Maari, siya ay kasing tanda ni ama," sagot ni Mayari.
"Magbasa lang kayo," taboy ni Sidapa sa amin.
"Walang nasusulat na mga pangalan," sagot ni Carol.
"Baka kasi dahil hindi ninyo dapat malaman."
"Dodong!" tawag ni Jelie na may pagbabanta. "Alam mo bang masakit sa heart na hindi mo kilala ang parents mo? May parents ka ba?"
"Mukha ba akong isinilang?" balik na tanong ni Sidapa sa kabiyak.
"At sarcastic ka n'yan?"
Napabuntong hininga si Sidapa. Hinawakan sa balikat si Jelie na agad umiwas at umismid-ismid.
"Si Dian Masalanta," wika ni Sidapa na ikinatahimik naming lahat.
"The goddess of lovers, childbirth and peace," mahinang wika ni Carol.
Napaupong muli si Soliman sa upuan.
Ayos ka lamang ba? tanong ko sa kanya mula sa aking isipan.
Kailangan kong pumunta sa gubat sa hangganan ng lupain.
Sasamahan kita.
Umiling si Soliman. Laban kong mag-isa ito, sagot niya sa aking isipan na ikinaikot ng akong mga mata.
Kung hindi malinaw sa iyo ay nakakapag-usap tayo sa isipan. Baka ikabigla mo rin na tanging magtipan ang nakakagawa nito.
Natawa si Soliman na ikinalingon ng lahat sa kanya. Kailangan na ba kitang tawagin muli na Mahal?
"Tampalasan," wala sa loob na nabigkas ko ng malakas. Napatingin sa akin ang lahat.
"Galit na naman si Tala?" malakas na bulong ni Jelie kay Sidapa.
BINABASA MO ANG
The Book of Goddess
FantasyIKA-LIMANG AKLAT Ano ba ang alam ng mga tao sa amin? Bukod sa amin pangalan na kakaunti ang nakakaalam ay hindi wala na yatang nakakaalala sa mga ginawa para sa kanila. Kasabay ng pagkalimot ng tao ay ang pagkalimot ko sa aking puso- sa aking nag-ii...