Kabanata 20- KAMAHALAN

1.5K 119 10
                                    

Tala


Reyna?

Ako?

Nakaluhod ang lahat ng kawal sa aking harapan at nagbibigay galang. Doon pa lamang unti-unting tumimo sa akin kung gaano kabigat ang aking ginawa. Tinanggap ko ang aming pag-iisang dibdib nang umakyat ako sa lupain ng mga hari. Tinanggap ko na ako'y isang dugong bughaw mula sa pag-iisang dibdib at pamilya ni Soliman.

Ang mga marka sa aking braso ay ngayon ko lamang napansin ng tuluyan. Pawang mga baging na pumapalibot sa aking braso at may mga dahon na luntian.

Napatingin ako sa braso ni Soliman at naroon ang mga tala, tanda ng aking pag-aari sa kanya.

"Kailangan nating mag-usap, Tala. Pakiusap," mahinang wika ni Soliman upang ako lamang ang makarinig.

"Sa palasyo?" tanong ko.

Lumingon ako ng kaunti kay Soliman. Naroon ang pagsusumamo ng kanyang mukha. Tumango siya ng kaunti at napabuntong hininga ako.

"Mga kawal," wika ni Soliman sa mga natirang itim na engkanto. "Tipunin ninyo ang lahat ng inyong kasama at umuwi sa lupain ng mga itim na engkanto. Magkikita tayo roon sa isang linggo. Maghanda kayo sa aming pagdating."

Tumayo ang mga kawal at yumuko kay Soliman bago sila nagmartsa paalis ng lupain ng mga hari.

"Ang tagal ng isang linggo," ani ni Jelie mula sa gilid. Parang hindi niya iniinda na pagkamatay ng mga kaanak niya.

Sa bagay, ikaw ba naman ang itakwil at ipamukhang wala kang kwenta sa kanila. Ako ma'y hihilingin ang kanilang katapusan.

Tahimik akong sumunod sa mga kasama ko pabalik sa palasyo. Dumaan kami sa lagusan na ginawa ni Sidapa. Sa paglabas namin sa lagusan ay natahimik ang mga taong nagliligpit ng mga kalat sa loob ng palasyo. Parang dumaan ang bagyo sa gulo nito.

"Pinuno, ang balita ay inihatid sa amin ng hangin."

"Luh, tsismosa ng hangin. 'Yong mga tropa mo, Ms. Rose," biro ni Jake.

"Tunay bang lumisan na ang mga itim—"

"Sila ay nagapi at isa na sa atin. Linisin ninyo iyan at huwag ninyo akong aabalahin."

Lumingon si Soliman sa amin. "Dumito muna kayo at magpahinga. Nasira ang mga kubo ninyo sa pagkakaalam ko. Mag-uusap muna kami ni Tala."

Hinawakan ni Soliman ang braso ko at hinila papanhik ng hagdanan.

"Alam na namin 'yan," tukso ng mga kasama namin.

Nais ko sanang sumagot ng may katalasan nang marinig ko ang tinig ni Soliman sa aking isipan.

"Hayaan mo na sila."

"Saan mo ako dadalin?" Napapagod ako sa totoo lang. Nais kong magpahinga lalo na ang aking isipan.

"Sa ating silid. Nararamdaman ko ang pagod mo."

"Walang ating...walang tayo."

Hindi kumibo si Soliman.

Sa kanyang silid nga kami nagtungo. Pagkasarado ng pintuan ay doon siya nagsalita.

"Mayroong tayo at ang lahat ng akin ay iyo," ani nito.

"Maari tayo humanap ng paraan upang—"

"Mapawalang bisa ang ating kasal? Iyan ay hindi ko gagawin."

Lumapit si Soliman sa akin na parang leyon gaya ng kanyang mga mata; gaya ng kanyang mga buhok; gaya ng kanyang awra.

"Ikaw ang tanging mabuti na naidulot ng sitwasyon ko."

Naramdaman ko ang pader sa aking likod.

Bakit ako umaatras sa kanya gayong isa akong mandirigma?

"Ikaw ang tanging naiwan na mabuti, Tala."

Itinukod ni Soliman ang dalawang kamay sa pader. Nakulong ako sa pagitan ng kanyang katawan at ng pader sa aking likuran.

"Ikaw ang kahit kailan man ay hindi ko bibitawan."

Unti-unting bumaba ang mukha niya hanggang sa ang aming ilong ay magtama; hanggang ang aming hininga ay nagsama. Naging isa ang tibok ng aming mga puso— malakas na halos mabingi kaming dalawa.

"Isusuko ang Biringan, ang aking kapangyarihan at ang pagiging diyos at engkanto ngunit hindi kita isusuko, Tala. Naranasan ko na ang mahabang taon na wala ka. Ayaw kong bumalik sa gano'ng panahon. Pinapangako kong matututunan mo akong mahalin. Sa ngayon, hayaan mong mahalin kita."

Ang natitirang pagitan namin ay tinawid ni Soliman. Sa loob ng mahabang panahon ay naramdaman kong muli ang kanyang mga labi. Parang apoy na muling nasilaban ang aking naramdaman.

Ang aking pag-ibig na pilit sinusupil ay biglang nakawala at tumugon ng halik. Natagpuan ko na lamang ang aking kamay na nasa batok ni Soliman at hinihila siya palapit pa sa akin na parang ang kakaunting pagitan namin ay hindi ko kakayanin.

Ang mga saplot namin ay nagkalat sa sahig habang ang aming damdamin ay nag-uunahan marating ang tugatog ng kaligayahan.

Sa pagniniig namin, tanging puso ang nangusap. Sa unang pagkakataon mula ng nakita kong muli si Soliman, nanalo ang aking puso mula sa aking isipan.

"Soliman," tawag ko sa aking kabiyak.

Soliman.

Nakatulog ako ng mahimbing at may bisig na nakayakap sa akin. Sa loob ng mahabang panahon, parang ngayon ko lang nahihiling na mas mahaba ang gabi.

Sana ay manatili na lang na ganito— payapa.

Nagising ako kinabukasan na walang saplot sa katawan at ang mukha ni Soliman ang aking nabungaran.

Nakatitig siya sa akin at hindi ko mabasa ang kanyang isipan. Walang emosyon sa kanyang mukha.

"Nagsisisi ka na?" tanong ko sa kanya na hindi kahihimigan ng galit ngunit may kaunting takot.

"Hindi kailan man."

"Bakit ganyan ka... ganyan ka ba talaga sa umaga?" naguguluhang tanong ko.

Napahinga ng malalim si Soliman. "Pinaghahandaan ko lamang ang paggising mo. Baka magalit ka... na naman."

Napaikot ang mga mata ko. Doon sumilay ang ngiti ni Soliman at mabilis akong kinabig palapit sa kanya. Napatili ako ng kaunti.

"Magandang umaga, Mahal," bati niya.

"Nagugutom na ako, Soliman. Wala ka bang aayusin sa labas?"

"Naayos ko na ang mga nasira kaninang tulog ka."

"Umalis ka?" nagtatakang tanong ko.

Nakangiting umiling si Soliman at hinalikan ako sa ilong pagkatapos ay sa labi.

Ganito ba lagi sa umaga?

"Hindi ko kayang umalis sa tabi mo. Ngunit kaya kong kausapin ang lupa at utusang iayos nila ang sarili nila. Bumalik na sa dati ang mga nasirang daan at mga gusali."

"Nagugutom na ako," pag-uulit ko.

"Isa na lang," hiling nito.

Natagpuan namin sa hapag kainan ang mga kaibigan namin nang lumabas kami ng silid ni Soliman kinabukasan na.

"Napakaganda ng sikat ng araw ngayon," simula ni Jake. "Sobrang tirik yata, mukhang hindi bababa."

"Paupuin ninyo si Tala. Gutom 'yan," segunda ni Jelie.

"Natulog—"

Umiling silang lahat. Tinuro ni Jelie ang leeg ko.

"Oo nga pala, may marka."

Natatawa si Soliman sa narinig sa aking isipan.

"Hindi mo kasi dapat itago pa," sagot niya.

Napahinga ako ng malalim. Sana ganito na lang parati ngunit alam naming may kailangan pa kaming hanapin. Kailangan naming kumilos. Ang tanong, handa na ba ang taga-bantay ng tarangka? 

The Book of GoddessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon