Kabanata 3- PROPESIYA SA UNANG MGA TAO

1.1K 109 5
                                    

Soliman

"Mamatay sa ginaw ang mga taga-lupa," paalala ni Faustino habang pabalik kami sa palasyo.

"Sino ang nagpahintulot sa iyo na suwayin ako?"

Bilang kumidlat sa labas habang patuloy ang pag-ulan ng malakas.

Hindi maitatago ang damdamin ko dahil sa pagiging pinuno.

"Nakakapuno ang dati mong—"

"Tala ang pangalan niya. Maari mong gamitin upang hindi mo na ipaalala na dati ko siyang katipan, tampalasan ka."

Natawa ng bahagya si Faustino, ang matalik kong kaibigan at kanang kamay.

"Siguro ay isinusumpa ka ng mga naglaba ngayon. Pigilan mo ang pag-ulan."

Nilampasan ako ni Faustino at iniwang mag-isa sa pasilyo.

Mamatay yata ako ng maaga kay Tala.

Huminto ang ulan, ngunit makulimlim pa rin ang langit. Maghapong malamig ang hangin at nanatili ako sa silid ko habang binabasa ang mga dapat basahing mga aklat. Kung minsan ay naririnig ko ang kulog at nagliliwanag ang palasyo dahil sa kidlat.

Para akong may sakit na kalimot kay Tala. Nalilimutan kong kumalma dahil sa kanya.

Hindi ko makayanan ang pag-iisa sa silid na dati ay kinagigiliwan ko. Iniiwasan ako ng mga taga-lingkod sa palasyo dahil na rin sa mga kidlat na nangyayari sa labas. Alam nilang mainit ang ulo ko.

Sa silid-aklatan ako nagtungo at napahinto pansamantala nang makita ang mga taga-lupa doon.

"Hello," bati ni Carol sa akin.

"Akala ko ay nagsasanay kayo?"

"Sila lamang. Dito na lang kami ni Anya... errr Adarna at paulan-ulan sa labas."

Napabuntong hininga ako nang matawa silang dalawa.

"Magbabasa na lang kami ng mga aklat dito. May mga katanungan din kami kung nais mong sagutin."

Muli ay napabuntong hininga at lumapit nang tuluyan sa kanila.

"Huwag lamang tungkol kay Tala," paalala ko.

Nalaglag ang balikat ng dalawa. "Sayang naman," wika ni Carol. "Anyway, nakita ko itong... hindi ko alam kung diary ito... pero may nakalagay dito na may anak si Malakas at Maganda?"

Napatingin ako sa tinuturo ni Carol at kinuha ko ang libro sa kanya.

"Ang sabi ni Anya, ang Adarna, which is siya, ang tumulong na makalabas sa kawayan si Malakas at Maganda. Then nabuhay sila tapos... naguluhan na ako."

"Soliman, ang tanging nasabi ni Tala ay kailangang mahanap si Malakas na nakakulong ngayon sa Kanlaon. Ang tanging makakabukas ng kanyang kulungan ay ang taga-bantay ng tarangka," pahayag ni Adarna.

"Sandali lamang..." pigil ko sa dalawa.

Binasa kong muli ang nakasulat.

Ang unang mga tao na nalikha ay magkaka-anak at mananatiling tao hanggang dumating ang araw na kakailanganin ang kanyang lakas. Itatago siya ng kapalaran at mananatiling nakatago hanggang ang huling taga-bantay ng tarangka ay magpakita at maging karapat-dapat.

Napasandal ako sa upuan.

"Ngayon ko lamang nalaman ito sa tagal kong nagbabasa rito."

"Tinatawag ako ng mga libro," wika ni Carol. "Mas malakas ang pagtawag nito sa akin." Inabot niyang muli ang libro mula sa akin at maingat na nilipat ang pahina.

"Nakakabasa ka ng lumang salita," manghang wika ko.

Tumango si Carol. "Ito ang ambag ko sa kanila. Ang taga-tuklas ng propesiya, ang taga-salin ng bawat salita. Nagsimula ang lahat nang mahanap ko ang Libro ng Ada."

Tumango ako. "Iyon ang propesiyang hinahadlangan ni Udaya," sang-ayon ko kay Carol.

"Naroon ka ba noong huling digmaan?" pag-iiba ni Carol sa usapan.

"Isa ako sa mga lumaban," sagot ko. "Kasama si Faustino at ang ibang mga diyos at diyosa."

"Iyon ang huling pagkakataon na nakita si Bathala ayon sa libro." Tunay na nakakabasa itong si Carol ng lumang salita.

"Nakulong din si Malakas nang araw na iyon." At ang huling pag-uusap namin ng matino ni Tala ay nangyari ng araw na iyon.

"Maging si Bunao ay nakulong. Marami ang nawala ng araw na iyon... nakakakilabot alalahanin." Natahimik ang dalawa. Si Adarna ay alam ang nangyari dahil naroon siya nang araw na iyon.

"Mahirap nalalahanin, marami ang nasawi," wika ng Adarna.

Tumango si Carol at isinarado ang libro.

"Nabasa ko na maging ang kasintahan ni Mayari at Hanan ay nasawi nang araw na iyon." Tinapik ni Carol ang libro na hawak.

"Masyado yatang detalyado ang nababasa mo sa tala-arawan na iyan."

Nangiti si Carol. "Ang sa inyo ni Tala ang nais kong malaman kaya lamang ay walang nakasulat."

Nailing ako. "Huwag nang ungkatin ang nakaraan." Tumayo ako at yumuko ng bahagya sa dalawa. "Maiwan ko na kayo sa inyong pagbabasa."

Ang huling digmaan— masyadong maraming nawala para sa kakarampot na katahimikan. Sulit ba ang mga pinaubaya namin para sa huwad na kapayapaan? 

The Book of GoddessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon