"Oh bakit natagalan ata kayo?" Salubong ni Tiya Marta sa akin at kay Chase ng makabalik kami.
"Namiss ho ata ako ng mga ka-baranggay natin, tita" napakamot ako sa ulo ng sabihin iyon.
"Madalas nga nilang tanungin kung kailan daw ang dalaw mo dito"
Dahon nalang pala talaga ng saging ang hinihintay. Mabuti nalang at twelve twenty palang ng tanghali. Sakto lang sa oras para manghalian.
Napuno ng kwentuhan at tawanan ang boodle fight na naganap dahil sa mga kwento nina tiyo Martin at ng iba kong mga pinsan. Kung pwede nga lang na dito na lang ako manirahan ulit ginawa ko na kaya lang, mas maganda ang opurtunidad kung sa Maynila ako mag-aaral.
"Kumusta naman ang pag-aaral mo sa Maynila, Hope? Wala ba namang nambu-bully sa'yo doon?" Tanong ni tiyo Michael.
Nilingon ko si Chase at naalala kong nobya niya nga pala si Denise. Si Denise na palagi akong inaaway.
"H-hindi naman po" utal kong sagot.
Nang matapos kumain ay agad naming tinapon sa basurahan ang mga dahon ng saging at ang ilang mga bagay na hindi na magagamit para maaga kaming makapag-sinop. Ayaw na sana nila akong patulungin kaya lang matigas talaga ang ulo ko.
"Hope, bisita kayo dito"
"Naku! Ayos lang po"
Bumuntong hininga nalang sina tiyang tiyaka nagpatuloy sa mga ginagawa. Gusto ko din naman kaseng gawin 'yong mga bagay na ginagawa ko dito noon gaya ng pagwawalis sa bakuran nila lola tiyaka yung pagsama ko kapag maghahatid ng baon sina tiyang para sa mga magsasaka.
Maganda din naman sa Maynila pero hindi kasing ganda ng Probinsiya. Pangarap ko lang ang kailangan kong abutin kaya ako sumama kay nanay noon sa Maynila pero kapag naging matagumpay ako at naabot ko na lahat ng gusto ko babalik nalang ulit ako dito.
Makalipas ang ilang sandali ay natapos na din kami sa pagsisinop ng mga kalat kaya pumasok na ako sa loob para masimulan ko na ang pagbibigay ko ng mga pasalubong ko sakanila.
"Ang dami naman ata niyan Hope?" Tanong ni lola ng makita niya ang dalawang malalaking kahon na nasa salas.
"La, para sa inyo 'to. Sa inyo nila tita"
"Bakit hindi ka nalang sumama muna kina daddy mo para mapuntahan mo ang hacienda ng pamilya nila"
"Hindi na po, dadaan din naman po kami do'n bukas bago bumalik sa Maynila"
Nagpunta sina nanay at tatay sa Hacienda La Veda mga isang oras ang biyahe mula dito. Ang Haciendang iyon ay pagmamay-ari ng pamilya nina tatay.
Nang tuluyan kong mabuksan ang mga kahon ay kaagad ko ng tinawag ang mga kamag-anak at mga kaibigan ko para makuha nila ang mga sakanila.
"Saan mo naman kinuha ang mga pinambili mo dito, Hope?" Tanong ni Lolo.
"Galing po sa ipon ko lolo, hindi ko naman na din po kase nagagastos yung mga ibinibigay na baon ni nanay sa akin"
"At ang iba?"
"Galing po sa kaibigan ko yung iba diyan. Kada linggo po ay dinadagdagan ni Drake yung mga binibili ko kaya umabot po ng ganyan karami" tuloy-tuloy kong sagot.
Nakahiwalay na ang sa mga bata at sa mga matatanda para mas madali. Iilang mga nalumaang sapatos ko ang ibinigay ko kay Sai, pinsan ko. Mas bata siya sa akin ng tatlong taon. Ang iba ay hindi ko na alam kung ano basta halo-halo ang lahat ng nasa kahon. May mga grocery tapos mga damit tapos bag.