꧁༒O M N I S C I E N T༒꧂
third personANIMO'Y KIDLAT ang biglaang pagdating ng pilyong binatang si Dax sa likuran ng kastilyo. Animo'y isang kidlat din ang pagtunog ng kanyang camera flash na gumulantang sa dalawang estudyanteng nagkukwelyuhan sa lupa.
Sa labis na gulat, agad napalingon si Raige at Lysander sa camerang nakatutok sa kanila. Matapos noon ay napagtanto nila ang kanilang kwestyonableng posisyon sa kasalukuyan. Sa anggulong ito ay mukhang hindi magiging maganda ang litrato.
"Pose for the billboard!" sigaw ni Dax matapos muling kumuha ng litrato sabay takbo papalayo.
Kapansin-pansin ang kakaibang bilis ng takbo niya. Sadyang hindi ito pangkaraniwan dahil wala pang ilang segundo ay nakalayo na siya sa dalawa.
Nagkatinginan si Raige at Lysander. "Super speed," sabay nilang bigkas.
"Go take the other end of the hall, I'll take him from this shortcut so I can catch up. NOW!" utos ni Lysander.
Tumango si Raige sabay karipas ng takbo pabalik sa loob ng academy at patungo sa kabilang hallway.
Si Lysander naman ay lumihis patungo sa pinakamabilis na shortcut upang makaabot kay Dax. Tulad ng inaasahan, nakita niya muli ang pilyong binatang tumatakbo sa hallway, iilang metro na lamang ang layo sa kanya.
Mabilis na itinutok ni Lysander ang palad sa direksyon na paroroonan ni Dax. Walang anu-ano'y nagyelo ang buong sahig na tinatakbuhan ng binata, dahilan ng pagkadulas nito.
Matapos bumagsak sa manipis na latag ng yelo ay napahiyaw ito sa sakit. Dire-diretsong dumausdos si Dax nang nakatihaya sa ngayo'y malamig na sahig.
Sumulpot naman si Raige mula sa kabilang dulo ng hall gaya ng napagusapan. Naabutan ng dalaga si Dax na nakatihaya sa sahig kaya itinutok niya ang palad sa direksyon nito. Nang kanyang ikutin ang sariling palad ay bumaligtad ang binata. Imbes na nakahiga ay ngayo'y nakadapa na ito sa sahig.
Umaksyon naman si Lysander at pinatong ang sariling paa sa likod ni Dax upang hindi na ito makatakas. Nagpapapadyak naman ang kawawang binata sa pagpupumilit na makaalis ngunit masyadong mabigat ang pagkakadiin ng paa ni Lysander sa likod niya.
Hindi nalalayo kay Dax ay ang sariling camera na nasa sahig din lamang. Akmang aabutin niya na sana ang camera nang mistulang umatras ito mag-isa. Lumayo ito nang lumayo hanggang sa hindi niya na maabot.
Sa kanyang pagtingala ay natanaw niya ang salarin: si Raige na nakangisi at umiilaw ang pulang mata habang minamanipula ang camera gamit ang kapangyarihan. Sa pagtigil nito sa pag-andar ay humantong ito sa ilalim ng paa ng dalaga.
Pinulot ni Raige ang camera at tinignan upang burahin ang mga nakuhang litrato ni Dax mula sa kanila. Napakunot ang noo ng dalaga nang mapagtantong hindi niya alam kung alin ang dapat pindutin maski kung paano ito paganahin.
BINABASA MO ANG
Aethergarde Academy
FantasyPaano kung ang babaeng ayaw magka-superpowers ay kinailangang pumasok sa isang magic academy? At paano na kung kasama doon ang lalakeng pinakakinaiinisan niya? May mas maiimamalas pa ba ang buhay niya?