𝐈𝐊𝐀𝐀𝐏𝐀𝐓 𝐍𝐀 𝐊𝐀𝐁𝐀𝐍𝐀𝐓𝐀

140 20 2
                                    

IV.

𝐍agpakalayo-layo kami ni Veronica. Pumunta kami sa lugar na walang nakakakilala sa amin. Mula sa Lapulapu City ay hindi namin namalayan na sa araw-araw na paglalakad ay napunta kami sa sentro ng Cebu, ang Colon, siyang nagsisilbing dagsaan ng mga tao. Namuhay kami sa gilid ng kalsada, umaasang may tutulong sa amin, pero wala. Walang tumulong sa amin. Tanging mapanghusgang tingin lang ang siyang pinupukol nila sa amin. Na para bang natatakot silang lapitan kami. Dahil sa sobrang dumi ng suot namin? Dahil ba sa ayos namin?

Namamalimos kami sa nay gilid ng kalsada para may makain kami. Para kahit papaano magkalaman ang kumukulong mga sikmura namin. Kung ano-anong trabaho na ang pinasok namin para lang makaraos sa buhay.

Makikita kami sa gilid ng kalsada. Doon makikita kaming namamalimos sa mga taong dumadaan sa tinatawag nilang pedestrian lane. Minsan naghihintay sa may labasan ng mga kainan. Umaasang kahit kaonting tira-tira lang ay mabigyan kami. Minsan ay nagagawi ako sa mga parking area, umaasang baka may mag-utos sa aking bantayan ang sasakyan nila kapalit ng iilang barya.

Kailangan makaraos. Kailangan makakain kahit man lang isang beses sa isang araw.

"D-Ditse, nagugutom na po ako."

Kasalukuyang nakahiga si Veronica sa maliit na karton na siyang nagsisilbing higaan namin. Ang laki ng ipinayat naming dalawa. Mula sa bawat baryang naiipon namin, pinambibili ko iyon ng tinapay para lang magkalaman ang tiyan naming dalawa.

Mula sa malulusog at masisiglang bata na puro laro lang ang siyang inaatupag noon. Heto at nasa tabi kami ng kalsada at pilit lumalaban para lang mabuhay. Tanging ang bawat isa lang ang siyang makakapitan naming dalawa.

Naiiyak akong nakatingin sa kan'ya. Masasabi kong buto't balat na nga kaming dalawa. Ibang-iba sa katawan namin noong inaalagaan pa kami ni Inay. Nangungulila na ako sa kanila. Nangungulila na ako sa pag-aalaga niya.

"S-Saglit lang, hahanap muna ng pera si ditse, Veronica. P-Pagbalik ko ay may pagkain na tayo. Dito ka muna ha."

Agad na akong umalis sa barong-barong namin na iyon sa may abandonadong gusali. Tinawag pa niya ako ngunit hindi ko na siya nilingon pa. Kailangan kong makahanap agad ng pera. Ilang araw na rin kaming walang kain dahil sa kinukuha ng ibang mga batang palaboy ang mga naipon naming limos. Sinasabi nila na sa amin na teritoryo nila ang lugar na pinaglilimosan namin at ang bawat baryang nakuha namin ay sa kanila.

Pinigilan ako ni Veronica na makipag-away ng tumanggi akong ibigay ang mga baryang kinita ko. Pinaghirapan ko ang mga iyon para sa amin ng kapatid ko, tapos kukunin lang nila? Talagang hindi ako papayag. Ngunit Natakot si Veronica na baka mapaano ako. Ang isa't isa na lang ang kasangga namin at ayaw niyang mapahamak ako. Kaya kahit labag sa loob ko, binigay ko ang mga baryang kinita ko mula sa pamamalimos at paglilinis ng mga kotse na nakaparking.

Ginawa ko ang lahat para magkapera. Pero umabot na ang hapon ay tanging trenta pesos lang ang siyang kinita ko. Agad akong nagtungo sa kalapit na panaderya at bumili ng tinapay at isang bote ng mineral water na sasakto sa perang meron ako.

Ang saya-saya ko kasi magkakalaman na ang tiyan namin. Sa loob ng apat na araw ay binubusog lamang namin ang sarili namin sa pag-inom ng tubig dahil sa wala kaming kita.

Hindi naman kasi lahat ng tao magbibigay sa amin. 'Yong iba tanging pandidiring tingin lang ang pinupukol sa amin. Iyong iba nagbibigay naman ngunit, sa napapansin ko, kailangan may kuha pa ng larawan na may binibigay sila. Ganoon na ba talaga ang mga tao? Hindi man lang bukal sa loob ang pagtulong, at tutulong lang para may masabing maganda ang iba patungkol sa kanila?

"Veronica, nandito na si ditse! May dala akong dalawang tinapay, masarap ito!"

Agad akong lumapit sa natutulog na si Veronica saka marahang inalog ito.

TashaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon