𝐈𝐊𝐀-𝐋𝐀𝐁𝐈𝐍𝐆 𝐓𝐀𝐓𝐋𝐎𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐁𝐀𝐍𝐀𝐓𝐀

214 16 10
                                    

XIII.

"D-Daddy?"

Halos matutop ko ang bibig ko nang mapagtanto ko kung sino ang lalaking kausap ni Lolo Delfin.

Kitang-kita ng dalawa kong mga mata ang lalaking siya sanang magiging pangalawa kong ama. Ngunit anong ginawa niya? Binaboy niya lang din ako. Alam niyang wasak na wasak na ako. Ngunit anong ginawa niya? Mas pinili niyang wasakin ang natitirang buo pa sa akin.

Pilit niyang pinapasiksik sa utak ko na kailangan kong bayaran lahat ng mga binigay niya sa akin. Na kailangan kong ibalik ang lahat ng luho na pinaranas niya sa akin sa pamamagitan ng pagbibigay ng katawan ko sa kan'ya.

Diring-diri na ako sa sarili ko. Hindi ko maatim na nilalawayan nila ang katawan ko. Sila dapat ang nag-aalaga sa'kin e. Sila dapat ang nagp-protekta sa akin. Ngunit ano? Mas sila pa ang kailangan kong katakutan.

Katulad lang siya ni Itay. Isang demonyo. Isang hayop. Mga walang konsensya. Silang dalawa ni Itay? Tila mas masahol pa sila sa isang demonyo.

Kita ko kung paano iginala ni Daddy ang paningin niya sa bahay na siyang tinitirhan ko ngayon. Ang bagong tahanan ko. Bahay ng mga taong walang ginawa kundi tanggapin at alagaan ako. Bakas sa mukha ni Daddy ang pagiging mapang-usisa.

Hindi na maganda 'to, hinahanap na niya ako. Panigurado hindi siya titigil hanggang sa makita niya ako. Alam kong takot pa rin si Daddy sa mga maaari kong sabihin laban sa kanya. Ngunit wala na siya dapat ikatakot e. Sirang-sira na ako, sa mata ni Mommy at sa mata ng mga tao. Halos lahat sila ang tingin sa aki'y isang baliw- isang mamamatay tao.

Sigurado rin ako na alam na nila ang ginawa ko sa dalawang nurse na kasama ko na siya sanang maghahatid sa akin sa bagong mental facility na kapupuntahan ko.

Ilang minuto akong nanatili sa pwesto ko. Sinigurong nakaalis na talaga sila. Hindi ko alam kung lalabas na ba ako sa pinagtataguan ko o ano. Natatakot ako na baka nandiyan pa sila at makita ako. Baka may gawin silang hindi maganda sa dalawang matanda na kasama ko. Ayokong pati sila'y madadamay sa kademonyohan ni Daddy. Mga inosente sila at walang kaalam-alam sa mga kayang gawin ni Daddy.

Ngunit ilang saglit lang ay nakita ko ang paglabas ng bahay ni Lolo Delfin. Iginala nito ang paningin nito sa may kakahoyan na pinagtataguan ko.

"Tasha, wala na sila. Dali na rito sa bahay."

Nagpalinga-linga pa si Lolo Delfin na tila hinahanap kung nasaan ba ako nakapwesto. Nang marinig ko ang sinabi niyang iyon ay tila nabunutan ako ng tinik at nakahinga ako nang maluwag. Agad na akong lumabas sa pwesto ko. Napangiti naman si Lolo Delfin nang makita niya ako. Para bang maski siya ay nakahinga na rin ng maluwag dahil sa walang masamang nangyari sa akin.

Ewan ko, ngunit bigla na lang akong tumakbo palapit sa kan'ya at niyakap siya ng napakahigpit. Hindi ko pansin na umiiyak na pala ako. Bahagya ring nanginginig ang katawan ko dahil sa sobrang takot.

Hanggang ngayon pa rin pala, iba pa rin ang takot na hatid ni Daddy sa akin. Tila hindi na mawawala ang takot na iyon sa kaloob-looban ko.

"Shh, ayos na wala na sila. Don't worry hindi ka namin ibibigay sa kanila, Tasha. Parang anak ka na namin at sa abot ng makakaya namin ng Lola Clara mo, ay po-protektahan ka namin. Pangako ni Lolo iyan. Kaya tumahan ka na, Tasha," siyang saad ni Lolo saka malumanay na hinahaplos ang likod ko at hinahalikan ang noo ko.

Maagap akong hinawakan ni Lolo at iginiya papasok ng bahay. Bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Lola Clara. Bakas pa sa mga mata nito ang pangingilid ng luha nito. Napayakap na lang ako nang mahigpit sa kanya. Tila mas lumakas ang pag-iyak ko ng maramdaman ko ang kamay niyang marahang hinahaplos ang likod ko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 14, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

TashaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon