𝐈𝐊𝐀-𝐋𝐀𝐁𝐈𝐍𝐆 𝐃𝐀𝐋𝐀𝐖𝐀𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐁𝐀𝐍𝐀𝐓𝐀

175 14 2
                                    

XII.

Hiniling sa akin ni Lola Clara na manatili na lang ako sa pangangalaga nila ni Lolo Delfin. Tila napalapit na rin ako sa kanila. Sa bawat araw na dumadaan, mas nakikilala ko pa sila lalo. Ang dating takot na nararamdaman ko pagdating sa mga lalaki ay unti-unti na ngang humuhupa.

Kinuwento ko sa kanila ang lahat ng pinagdaanan ko. Kinakabahan noong una na baka itakwil nila ako. Na baka palayasin nila ako. Ngunit sa hindi inaasahan, bigla na lang akong niyakap ni Lolo Delfin.

Tanda ko pa ang mga sinabi niya sa‘kin.

“Bilang isang lalaki nahihiya ako, Tasha. Nahihiya ako kasi pinagsamantalahan nila ang kahinaan mo. Kaya pala noong hinawakan ko ang kamay mo, tila ba sobra ang takot na nakita ko sa mga mata mo. Dapat sila ang magp-protekta sa‘yo, ngunit anong ginawa nila?” umiiyak na saad ni Lolo Delfin.

Nahahabag na nakatingin silang dalawa sa akin. Hinawakan ni Lola Clara ang kamay ko saka malumanay na nginitian ako na sinuklian ko rin naman ng pagngiti.

“Ligtas ka na rito. Malayo ito sa siyudad, malayo sa mga taong nanamantala sa‘yo. Hayaan mong alagaan ka namin, Tasha. Hayaan mong ituring ka naming parang tunay naming anak. Alam ko, ilang beses ng nasira ang tiwala mo ng mga lalaking nakapaligid sa‘yo. Ngunit sana bigyan mo pa rin kami ng pagkakataon na iparamdam sa‘yo na hindi lahat ng tao sasaktan ka.”

Hindi ko mapigilang hindi maiyak sa bawat katagang lumalabas sa bibig ni Lolo Delfin. Ramdam na ramdam ko ang sinseridad nito. Ramdam ko rin ang pangungulila nila sa isang anak. Panigurado, kung buhay pa rin ngayon ang anak nilang si Carmen. Tiyak, isang masayang pamilya ang meron sila. Isang maalagang ina at isang marespetong ama.

“Nga pala, hindi sabi mo ihahatid ka dapat sa isang bagong mental facility?” biglang tanong ni Lola Clara.

“Opo, sa tingin ko’y malapit lang yata rito ‘yong paglilipatan sa akin. Iyon kasi ang narinig ko sa kasama kong dalawang nurse. Narinig ko rin na bago ako dalhin sa facility na iyon, sasaglit muna sila rito sa may gubat p-para halayin ako.”

Isang pagkirot sa may dibdib ang naramdam ko habang iniisip na halos sila, katawan lang ang habol sa akin. Ano bang nangyayari sa mundo. Nilukob na ba talaga tayo ng makamundong pagnanasa?

Napabuntong hininga na lang sina Lola Clara at Lolo Delfin kasabay ng marahang paghilot ni Lolo Delfin sa may sentido niya.

“Mga kabataan ngayon, hindi na marunong rumespeto ng babae. Tila tanging habol nila ay ang saglit na kasiyahan na dahil sa tawag ng laman. Naalala ko, noong mga kapanahunan  namin, kailangan sang-ayon muna ang mga magulang ng babae bago mo ito ligawan. Magulang mismo ang una mong liligawan, kikilatisin ka nila. Titignan nang mabuti kung magiging maayos ba ang anak nila sa kamay mo. Naalala ko rin, halos araw-araw, maaga akong gumigising para magsibak ng kahoy at pag-igiban sila ng tubig.

Ganoon ang tamang panliligaw noon, tuwing gabi naman, babalik ulit ako sa bahay nila dala ang gitara ko para haranahin siya. Talagang naghintay ako ng matagal na panahon para maikasal sa babaeng ito. At sa mismong kasal namin, doon ko pa lang unang nahalikan ang matamis niyang mga labi. Bawat hibla ng kanyang buhok ay ingat na ingat akong hawakan. Ni-hindi ko basta-basta hinahawakan ang kamay niya. Ngunit ngayon? Sa mga nakikita ko sa mga kabataan ngayon, tila limot na nila ang halaga ng isang babae. Nakapanlulumo lang.”

Iyon ang mahabang litanya ni Lolo Delfin sa akin. Tila napaka swerteng babae nga ni Lola Clara dahil sa nakatagpo siya ng lalaking tulad ni Lolo Delfin. Wala sa sariling naalala ko ulit si Kendrick. Iba man sa pamamaraan na ginawa noon ni Lolo Delfin. Ngunit pinaramdam talaga sa akin noon ni Kendrick ang pakiramdam ng nirerespeto. Sa lahat ng pinagdaanan ko, hindi naging balakid iyon para mabawasan ng respetong pinaramdam niya sa akin.

TashaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon