𝐈𝐊𝐀𝐋𝐀𝐖𝐀𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐁𝐀𝐍𝐀𝐓𝐀

193 27 3
                                    

II.

Dumaan ang gabing iyon na puro tangis at iyakan lamang ang maririnig sa loob ng bahay.

Kinabukasan ay naghukay si Itay ng magiging libingan ni Franco. Masyadong malayo ang bayan kung saan naroroon ang sementeryo saka kapos kami sa pera. Buong araw akong hindi pinansin ni Inay at tanging si ditse Philautia lang ang nag-aasikaso sa akin.

Alam ko, ako pa rin ang sinisisi nila. Kahit ako, sinisisi ko rin naman ang sarili ko.

"Tasha, ito kumain ka na muna. Kanina ka pang nakatulala riyan e."

Napalingon ako sa nagsalita, si ditse Philautia pala at si ditse Anastasia habang may dalang plato.

Kasalukuyan akong nasa may malaking puno kalapit ng bahay namin. May duyan kasi rito na ginawa si Itay para sa aming magkakapatid.

"Busog pa po ako," walang ganang sagot ko saka ibinalik ang tingin sa may burikin.

"Kain na, kanina ka pa walang kain. Hindi mo naman kasalanan ang nangyari, Tasha. Sadyang nagulat lang si Inay sa mga nangyari. Masyado lang na grabe ang pinagdadaanan niya sa pagkawala ni Franco. Ngunit hindi niya sinasadyan iyon. Saka champorado 'yan, gawa ni Inay."

Agad akong napalingon sa sinabi ni ditse Anastasia.

"G-Gawa ni Inay?"

Imposible. Galit siya sa akin e.

"Hindi galit si Inay sa'yo kung 'yan ang iniisip mo, Tasha. Sadyang nagulat lang siya sa nangyari kahapon kaya niya nagawa 'yon."

Napayuko ako sa isinaad ni ditse. Naalala ko kung gaano kagalit ang mukha ni Inay kahapon sa akin.

"Dali na, kumain ka na bago pa lumamig 'to. Nasa kusina si Inay, kakausapin ka raw niya pagkatapos mong kumain."

Napatango na lang ako at inabot ang platong dala ni ditse. Naupo silang dalawa sa may lupa habang ako naman ay nasa duyan. Humihikbing kinain ko ang champorado na handa ni Inay.

Nang matapos ako sa pagkain ay pumasok na ako sa bahay gaya ng sabi ni ditse Philautia saka tinungo ang kusina. Naabutan kong nasa may lamesa si Inay, hawak-hawak ang nag-iisang larawan ni Franco.

"I-Inay," nakayukong tawag ko sa kan'ya.

"T-Tasha. Dali ka rito, Anak. Lapit ka kay Inay."

Nakayuko pa rin akong lumapit sa pwesto niya. Nahihiya ako. Nahihiya ako sa pagiging pabaya ko.

"I-Inay p-patawa-"

Hindi ko na natapos ang sinasabi ko nang bigla na lang akong yakapin ni Inay. Sobrang higpit ng pagkakayakap niya sa akin. Umiiyak na rin siya gaya ko.

"Ako dapat ang humingi ng tawad sa'yo, 'nak. Nasampal kita. Nasaktan kita sa bagay na hindi mo naman sinasadyang magawa. P-Patawarin mo si Inay. Sadyang nasaktan lang ako sa pagkawala ng kapatid mo. Patawarin mo sana si Inay."

Ang sakit pala. Ang sakit na makitang umiiyak ang sarili mong Ina.

Niyakap ko si Inay at inalo. Pareho kaming walang kasalanan.

"Tahan na po, Inay. Hindi magiging masaya si Franco kapag nakita niya tayong nagkakaganito. Saka nasa mas mabuting kamay na siya ngayon 'di ba po? Nasa kamay na siya ng Diyos na tiyak hindi siya pababayaan."

Napatango-tango si Inay habang nakayakap sa akin. Umiiyak kaming dalawa. Umiyak hanggang sa mapatawad namin ang isa't isa.

-

Dumaan ang mga ilang araw at tila bumalik na sa dati ang aming pamilya. Bumalik ang dating sigla. Bumalik na ako sa dating Tasha na masiyahin. Balik na sa dati ang lahat kahit na kulang na kami ng isa.

TashaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon