Isinara ko ang libro at binalik ang upuan sa tamang ayos. Muli kong sinulyapan ang wall clock at limang minuto na lang ay magsisimula na ang pangatlo kong klase ngayong araw na aabot ng dalawang oras.
Dali dali akong lumabas ng library habang inaayos ang pagkakasuot ko ng aking jacket. Ayaw ko na sanang pumunta pa sa canteen dahil alam kong mahaba na naman ang pila lalo na at labasan ngayon ng karamihan sa mga estudyante. Napakamot ako ng ulo nang marinig kong kumalam ang aking sikmura. Kung bakit ba kasi hindi ako kumain muna bago tumambay sa library.
" Kiro!"
Napalingon ako dahil sa pamilyar na boses na tumawag sa akin at sa dulo ng canteen ay nakita ko ang nakangising mukha ng aking pinsang si Raspert. Kumakaway siya at hawak naman niya sa kabilang kamay ang tray na puno na naman ng pagkain. Pinagtitinginan siya ng ilan dahil sa lakas ba naman ng boses. Nakipagsiksikan ako sa iilang mga estudyante na nakapila para lang makapunta sa pwesto ni Raspert.
" Tol!" Malakas na bati niya nang makarating ako. Sinuntok niya ng mahina ang aking balikat bago umupo.
" S'an ka ba? Kanina ka pa namin hinahanap ah." Wika niya habang ngumunguya ng kanin. Napansin ko naman ang pagkalamukot ng mukha ni Bianca, girlfriend ng loko.
" Sa library lang. Nagpalamig at natulog,"
" Gago," Komento niya na agad namang nakatanggap ng batok mula kay Bianca.
" Sabi ko no bad words 'di ba?" Ngumisi naman ang gago kong pinsan at nagpeace sign pa.
" Salamat dito ah," pagpapahiwatig ko sa burger na nasa tabi ng kaniyang plato na hindi pa niya nabubuksan. Kinuha ko iyon at agad kinagatan. Mabilis akong umalis dahil late na ako at narinig ko pa ang pagtawag ni Raspert sa'kin pero hindi na ako lumingon.
Mabilis namang natapos ang klase ng prof ko kaya maaga niya kaming pinadismiss. Hindi ko na hinanap pa si Raspert dahil magkaiba kami ng schedule. Naging irregular student kasi ako dahil nagshift ako from Engineering to Business na kurso. Tumunog ang cellphone ko at ang text message galing kay pinsan ang sumalubong sa akin. Nagpapahintay. Uwing uwi na ako dahil sa antok. Hindi naman kasi pwedeng sa library ako ulit tumambay habang hinihintay siya dahil libro lang ang pwede kong gawing unan. Maliban sa malamig sa library ay hindi naman ako makahiga ng maayos. Ewan ko ba pero sa mga nakaraang araw ay nagiging antukin ako. Siguro sa mga projects lang 'to. Nireplayan ko si Raspert bago sumabay sa mga kumpol ng mga estudyante na tumawid sa kabilang kalsada. Nilakad ko ang kahabaan ng walkway at naghintay ulit sa stoplight pagdating ko sa entrance.
Wala na akong pakialam sa nangyayari sa paligid at nakatuon lang ako sa pag-iba ng numero sa stoplight. Nang sampung segundo na lang ang natitira ay tinuon ko ang tingin padiretso at doon ay nahagip nang aking paningin ang isang babae sa kabila ng daan. Nagtama ang tingin namin at alam kong nagulat din siya.
Nakita ko ang paghakbang niya habang hindi inaalis ang tingin sa akin. Hindi ko alam subalit parang may enerhiyang humuhugot sa akin para lumapit sa kaniya kaya hindi ko rin maalis ang ang aking paningin . Halos mangalahati na siya sa daan subalit hindi pa humihinto ang mga sasakyan. Sinulyapan kong muli ang traffic light at may three seconds pa. Napalingon ako dahil sa lakas ng busina ng isang paparating na van. Hindi siya natinag at hindi ko rin mahanap ang boses ko para alertuhin siya. Alam kong mahahagip siya ng van kaya wala sa sarili akong tumakbo papunta sa direksyon niya para hilahin siya. Subalit hindi ko nakalkyula ang distansya. Narinig ko ang hiyaw ng ilang tao. Narinig ko rin ang malakas na bundol ng sasakyan sa aking katawan. Naramdaman ko ang pagikot ko sa ire at ang pagbagsak ko sa sementadong daan.
Nanlalabo ang aking paningin at wala akong maaninag na mukha sa mga nagkumpulang tao. Hindi ko alam subalit hindi ako makatayo kahit gusto kong ikilos ang aking mga paa at kamay. Lumiwanag ang paligid at parang umiikot lahat. Unti-unti kong namukhaan ang mga pamilyar na mukha ng mga taong puno ng pag usyuso at pag-alala. Nilibot ko ang aking mata upang makahingi ng tulong hanggang sa nagtama na naman ang aming mata ng babae. Ligtas ang babae na sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay nagbigay gaan sa aking kalooban. Nakita ko ang marahan niyang paglapit sa akin. May sinasabi siya subalit hindi ko mahinuha kung ano. Mas lalong umikot ang paligid. Namanhid ang aking katawan hanggang sa naging makulimlim ang lahat.
BINABASA MO ANG
After your Slumber
Short StoryTwo people met an accident and when their souls met how do they live? " They said when your heart gets broken, sometimes sleep is the medicine but I want us to wake up"