TULUYAN na akong kinain ng aking curiosity. Wala na akong pakialam kahit manganib ang aking buhay. Isang serial killer lang naman na pumapatay ng mga babae ang sinusundan ko!
Tahimik akong pumunta sa tapat ng bahay na pinasukan ni Diablo. Nakabukas ang pinto niyon na para bang inaanyayahan akong pumasok.
Papasok ba ako o hindi?
Kailangan kong malaman kung ano ang gagawin ni Diablo sa loob kaya mas pinili kong pumasok. Isinantabi ko muna ang takot at humakbang na. Sumalubong sa akin ang kadiliman sa aking pagpasok. Halos wala akong makita noong una kaya sinanay ko muna ang mata sa dilim.
Nang meron na akong nakikita kahit paano ay tahimik akong naglakad.
May isang pintong nakaawang ng kaunti. Merong liwanag na nanggagaling doon. Lumapit ako at sumilip.
Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. Isang matabang babae ang nakahiga sa sahig. Duguan at mukhang wala ng buhay. Nakaluhod sa gilid niya si Diablo habang hawak ang isang army knife. Nasa ulunan ng babae iyong garbage bag na nakita kong dala niya.
Nakatingin siya sa babae.
Pinigilan ko ang pagsigaw nang markahan niya ng ekis ang bandang dibdib ng babae. Gustong pumikit ng mata ko para hindi iyon makita pero pinipigilan iyon ng utak ko. Kitang-kita ko kung paano niya hiniwa ang balat ng babae at ang pagkawala ng malapot na dugo sa sugat na hugis ekis.
Hindi pa doon natapos ang lahat. Alam ko ang kasunod niyang gagawin at hindi ako nagkamali. Gamit pa rin ang army knife ay inumpisahan niyang pugutan ng ulo ang babae!
Hindi na ako makagalaw sa sobrang takot at pagkabigla. Gusto ko nang tumakbo at baka makita niya ako pero ayaw makisama ng mga paa ko. Para akong tuod na nakatanim sa lupa—hindi makagalaw.
Makalipas ang ilang minuto ay natapos na si Diablo sa pagpugot ng ulo ng babae. Itinaas pa niya iyon na parang isang tropeyo na napalanuhan sa isang paligsahan. Tumutulo ang dugo mula sa ulo. Itinabi niya iyon at kinuha ang garbage bag. Mula doon ay isa pang ulo na medyo naaganas na ang inilabas niya.
Muntik na akong maduwal sa nakita kong kalagayan ng ulong laman ng garbage bag. Nakakasulasok ang amoy niyon. Bumabaligtad na ang sikmura ko.
May kinuha pa siyang malaking karayom na may hibla ng abaka sa butas. Gamit iyon ay itinahi niya ang nabubulok na ulo sa katawan ng matabang babae. Habang ang ulo ng matabang babae ay isinilid niya sa garbage bag.
Nang makita kong tatayo na si Diablo ay para akong binuhusan ng tubig. Lumayo ako sa pinto. Sapat na ang aking nakita. Nakunan ko naman iyon lahat gamit ang aking cellphone. Kailangan ko iyong ipakita sa mga pulis bilang malakas na ebidensiya na nagagawang makalabas ni Diablo sa lugar kung saan ito nakakulong.
BINABASA MO ANG
D I A B L O: Scent of a Murderer
Mystery / ThrillerA COLLABORATION PROJECT -MsButterfly (Gabrielle Yana Concepcion) -Kuya_Soju (JL Rabaria) -Maxinejiji (Maxine Lat) D I A B L O: Scent of a Murderer