« « » »
Innocence"Sol! Pumasok ka na rito! Kakain na tayo!" Rinig kong sigaw ni Lola mula sa loob ng bahay.
Agad kong tinapon ang bayabas na kinakain ko at bumaba mula sa puno nito. Iyon madalas ang tambayan ko sa tuwing umaga. Masarap at malamig kasi ang simoy ng hangin mula sa taas. Umalis ako sa maliit na hardin ni lola at pumasok sa loob ng bahay.
"Umakyat ka na naman ba sa puno?" Pagalit na tanong ni lola nung maupo ako sa harap ng mesa. Nagtaka pa ako kung paano niya nalaman iyon samantalang wala naman siya sa labas.
Iniwas ko ang buhok ko sa pag-aakalang hihilain niya ang buhok ko pero may kinuha lang siyang kung ano roon. Nang tignan ko, tuyong balat ng sanga at ilang dahon.
"Hindi ba sinabihan na kitang huwag aakyat doon? Baka sa sobrang katangahan mo, mahulog ka!" Sermon niya habang naglalagay ng kanin sa pinggan ko. Tinapik niya nang malakas ang kamay ko ng maghalumbaba ako. "Huwag kang maghalumbaba sa harap ng pagkain. Nakaka-malas iyan. Ang kulit mo talagang bata ka." Nanggigigil niyang sabi.
"Ang aga-aga, nagsisi-sigaw ka na," nilingon ko si lolo na kakapasok pa lang. May dala siyang walis tingting. Mukhang katatapos lang magwalis sa bakuran.
"Paano itong apo mo, inakyat na naman ang puno ng bayabas diyan sa likod ng bahay!"
"Hindi ka pa nasanay diyan. Galaw lalaki iyang apo mo kaya masanay ka na. Baka makita na lang natin iyang nakikipag-suntukan diyan sa labas."
Pinigilan kong huwag sumagot. Mabibilis pa naman ang mahahabang kuko ni lola.
"Umupo ka na rito. Kakain na tayo," sabi ni lola kay lolo na nagpupunas ng pawis.
"Mamaya na. Magwawalis pa ako sa may harapan. Ipag-timpla mo nalang ako ng kape," saglit siyang umupo sa upuan na gawa sa narra. "Naka-kwentuhan ko si Nestor kanina. May tao na raw sa lumang mansyon ng mga Tuazon. Mukhang bumalik iyong may-ari."
"Kaya pala nakita kong bukas iyong mga bintana roon, 'lo! Akala ko minu-multo lang ako," hindi ko napigilang singit.
Sa isang iglap lang, nasa tabi ko na si lola at kinukurot ang tagiliran ko. Napasigaw ako sa sakit sa ginawa niya.
"Pumunta ka na naman pala kahapon doon kaya bigla kang nawala. Hindi ba't sinabihan na kitang huwag magpupunta roon lalo na't tanghaling tapat? Wala ka talagang ingat, baka may maapakan kang mga engkanto." Sermon na naman niya. "Huwag ka na ulit pupunta roon! Lalo na ngayong narito na ang mga may-ari. Baka ipa-barangay ka nila kapag nalamang pumupunta ka ng hindi nila alam."
Hindi nalang ako kumibo para hindi na humaba ang sasabihin niya. Nabahala ako sa sinabi ni lola pero wala akong balak na huminto sa pagpunta sa paraiso. Lalo na ngayong may bago akong kaibigan!
Sa palagay ko naman ay hindi kanila ang paraiso. Wala naman akong nakikitang pumupunta. Ako nga lang ang nakakaalam sa lugar na iyon e, wala ng iba.
Pagkatapos kong kumain, pinagdiskitahan ko nalang ang jack stone na itinago ko sa lumang pitsel namin na hindi na ginagamit. Ginawa kong lalagyanan iyon ng ilang koleksyon kong laruan.
Ilang oras akong naglaro habang hinihintay na mag-tanghangli. Balak ko ulit na pumunta sa gubat kapag tulog na sila lola. Mainit-init na sa labas ng mapagpasyahan kong magdakip ng ilang tutubi sa bakanteng lote sa harap.
Kumuha ako ng isang walis tingting at kumuha ng toothpaste sa lababo namin. Itinago ko iyon mula kay lola na nasa kusina at nagluluto, katabi lang ng lababo. Nasa banyo si lolo at naliligo na.
BINABASA MO ANG
Ashes of Yesterday's Summer
Teen FictionAt the age of 23, Mirasol Espinosa has experienced every hardships in life. Sa kagustuhan niyang makatakas kahit sandali lang sa magulong mundong ginagalawan, bumalik siya sa lugar kung saan siya nakaramdam ng kapayapaan. Mirasol goes back to her b...