« « » »
First Summer
Maga-alas tres na nang hapon nung tumakas ako mula sa bahay. Tulog sila lolo't lola kaya hindi ako masyadong nahirapang makalabas, hindi katulad noon na kailangan ko pang maglakad ng tahimik at magtago habang dahan-dahang tumatakas at lumalabas mula sa matandang bahay na tinitirhan namin.
Madalas kong puntahan ang malawak na lupain sa harapan lang ng bahay namin sa tuwing maglalaro ako pero hindi roon ang punta ko ngayon sa takot na makita ako at mahuli.
Napagpasyahan kong pumunta sa isa pang lugar na alam ko. Isa iyong napagakagandang lugar na nakatago malapit sa isang lumang mansyon sa dulo ng kalye namin. Tiyak kong hindi ako mahahanap ninuman dahil walang nakakaalam sa lugar na iyon, ako lang.
Tumigil ako sa pagtakbo ng makalapit sa lumang mansyon. Malaki ang ngiti ko habang tinitignan ang paligid. Patalon-talon pa ako habang inililibot ang paningin ko. Bumagal ang lakad ko ng madaanan ang mansyon. Madalas na nakasara ang pinto at ang mga bintana roon dati sa tuwing nagagawi ako rito pero ngayon, ilang bintana mula sa ikalawang palapag ng bahay ang nakabukas.
Sa ganoong tagpo, naalala ko ang kwento ni lola tungkol sa mga multo sa loob ng lumang mansyon na nagpapakita tuwing dapit-hapon. Kinabahan ako sa naisip ko kaya agad kong iniwas ang tingin ko bago kumaripas ng takbo para tuluyang makalagpas sa mansyon. Lumusot ako sa isang siwang ng mga halamanang nakapaligid sa gilid lamang noon. Ilang minutong lakad ang gagawin ko bago tuluyang makarating sa Paraiso.
Mistulang gubat ang dinadaanan ko dahil sa dami ng halaman at malalaking puno. Hindi iyon nakakatakot tignan dahil mistulang pinagplanuhan ang pagkaka-tanim ng mga iyon dahil nakahilera sila at hindi nakaharang sa mistulang daan papasok sa gubat.
Napangiti ako ng matanaw ang Paraiso mula sa malayo. Sa sobrang galak, nagmamadali akong tumakbo palapit roon. Ang lugar na ito ay tinawag kong Paraiso dahil sa ganda nito. Halintulad ang anyo nito sa isang litrato na nakita ko sa kalendaryo namin sa bahay.
Maraming puno at halaman. May batis rin at may mistulang burol sa may hindi kalayuang parte ng lugar, kung saan nakatanim sa pinakatuktok ang may kalakihang puno ng banaba. Madalas iyon ang tinatambayan ko sa tuwing napapagod ako sa pagtatampisaw sa batis.
Tinungo ko ang batis at umupo sa may kalakihang bato na nasa gilid lamang noon. Ibinabad ko ang dalawa kong paa sa tubig upang mawala ang dumi mula sa paglalakad ko.
Gusto ko sanang maligo o magtampisaw man lang pero mapapagalitan ako kay lola. Tiyak na mapapalo na naman ako sa kaniya.
Napalingon ako sa taas ng burol ng makarinig ng iyak ng ibon. Sa kuryosidad, tumayo ako at naglakad palapit roon. Inilibot ko ang paningin ko at hinanap kung saan nagmumumula ang ingay.
Namilog ang bibig ko sa pagka-mangha ng makita ang mukhang bagong pisang ibon sa ilalim ng puno. Mag-isa lang iyon at bahagyang natatabunan ng mga dahon ng banaba.
Kaagad akong lumapit at marahan iyong kinuha. Inilagay ko iyon sa palad ko habang pinagmamasdan. Malaki ang bibig niyon, kumasya pa nga ang hintuturo ko noong sinubukan kong ipasok sa bibig niya ang kamay ko.
“Saan ka ba galing? Bakit nasa lupa ka?”
Nalingunan ko ang itaas ng punong banaba. Ilang sandali pa bago ako tuluyang nakahanap ng pugad na nakapatong lang sa sanga ng puno.
BINABASA MO ANG
Ashes of Yesterday's Summer
Novela JuvenilAt the age of 23, Mirasol Espinosa has experienced every hardships in life. Sa kagustuhan niyang makatakas kahit sandali lang sa magulong mundong ginagalawan, bumalik siya sa lugar kung saan siya nakaramdam ng kapayapaan. Mirasol goes back to her b...