Chapter 2

220 45 29
                                    

Third Person Point of View

"Bakit po nagkaganito, Diwata? Anong nangyari? May mali po ba sa ritwal na ginawa natin kaya hanggang ngayon ay wala pa rin pong buhok ang anak namin?" sunod-sunod na tanong ng hari kay Diwata Phia nang nasa isang kuwarto na sila na puno ng mga likido na nakalagay sa isang mahabang sisidlan.

Pinalibot niya ang kaniyang mga mata, tiningnan isa-isa ang mga sisidlan na siyang pinaglagyan ng mga likido. Iba-iba ang kulay niyon at ang iba ay kumukulo pa.

Hindi niya naibuka ang kaniyang bibig bunga ng takot na muling maalala ng asawa ang tungkol sa kaniyang nakaraan.

Hawak niya pa rin ang kaniyang anak at nakaharap sila sa isang malaking kawa na puno ng kumukulong tubig subalit iba iyon sa pangkaraniwang kawa, wala ni isang apoy siyang nakita.

Lumapit sa kaniya ang diwata na suot ang puti at mahaba nitong damit na abot hanggang sahig na karaniwan nitong sinusuot kapag may gagawing ritwal. Bawat hakbang nito ay nagdudulot ng matinding kaba kay Rosette.

"Anong pangalan ng bata?" tanong nito nang makalapit na sa kaniya.

"Ariyah Mikaela, mahal na diwata," sagot niya sa mahinang boses.

Tumingin siya sa diwata ngunit ang tingin nito ay nakatuon kay Ariyah. Sinasayaw ng hangin ang mahaba at kulay abo nitong buhok.

"Bakit ngayon lang kayo nagpunta rito? Bakit pinaabot pa ninyo ng dalawang taon?" tanong ulit ng diwata sa kanila.

Nilingon niya ang asawa subalit nakatikom lang ang labi nito. Mukhang walang balak na sagutin ang tanong ng diwata. Yumuko siya ng marahan at tumingin lang sa anak niya. Napatanong siya sa sarili, bakit nga ba pinaabot pa nila ng dalawang taon?

"Wala akong maitutulong sa inyo," diretsong wika nito sa kanilang mag-asawa na nagpaguho sa munti niyang pag-asa.

Ang diwata na lang ang natatangi nilang pag-asa, ang diwata na lang ang tangi nilang malalapitan. Ibig sabihin ba nito, wala na talagang pag-asa?

"Ngunit, paano po ang anak namin? Ibig sabihin po ba nito, wala na talagang pag-asa na matubuan pa ng buhok ang anak ko?" matigas na saad ng asawa niya.

Hindi maintindihan ni Rosette ang nararamdaman. Parang nais mag-unahan ng kaniyang mga luha, parang nais niyang sumigaw at manumbat, parang nais niyang mambato at wasakin ang lahat ng gamit ng diwata.

Naglakad palayo ang diwata, sa bawat pagyapak nito ay dinig na dinig niya na siyang nagpaguho sa kaniyang mundo. Paanong hindi sila matutulungan ng diwata? Paano ang anak niya? Paano si Ariyah?

"Parang-awa mo na po, Diwata Phia, ikaw na lang ang tangi naming pag-asa," umiiyak niyang wika.

Nanaig ang mga luha niya, nanaig ang awa niya kay Ariyah. Paano na lang ang anak niya kung hindi ito matutubuan ng buhok?

"Gagawin namin ang lahat, tulungan niyo lamang po kami. Magbabayad po kami, Diwata. Hindi na namin alam kung anong dapat na gawin, tanging ikaw lamang po ang naisip naming makakatulong," dagdag niya.

Kaya niyang gawin ang lahat para sa anak niya. Kung ang pagmamakaawa ang natatanging kaya niyang gawin sa ngayon ay hindi siya magdadalawang-isip na magmakaawa sa diwata upang tulungan lang sila.

Sunod-sunod na bumalisbis ang kaniyang mga luha na nahulog pa sa magandang mukha ni Ariyah. Kapag ang kondisiyon na ng anak ang pag-uusapan ay kusang lumalambot ang kaniyang puso.

Hindi niya nais na mahirapan ang nag-iisa niyang anak. Hindi niya nais na pagdating ng araw ay makatanggap ng kutya si Ariyah.

Kung kaya lang niyang tulungan ang anak ay hindi niya na paaabutin pa ng ganito katagal. Kung may kakayahan lang sana siya ngunit wala, wala siyang kapangyarihan na katulad ng diwata.

Nanatiling nakatalikod sa kanila ang diwata habang patuloy siya sa pagtangis. Hindi na niya kayang dagdagan pa ng panibagong taon upang maghirap ang kaniyang anak. Hindi na niya kayang tanawin na may kasamang awa si Ariyah. Pagod na pagod na siya.

Nais niyang mabuhay ng normal ang kaniyang anak, nais niyang magkaroon ng kalaro si Ariyah. Ayaw na niyang itago pa ang bata na siyang ginagawa nila ngayon.

"Parang-awa niyo na po. Humihingi kami ng tulong hindi po para sa aming kapakanan kunʼdi para sa aming anak. Tulungan—"

Naputol ang kaniyang sasabihin nang biglang nagkaroon ng dilaw na ilaw mula sa buhok ng diwata. Ang kulay abo nitong buhok ay binalutan ng dilaw. Ang tanging nagawa niya ay ang pagpikit at yakapin ng mahigpit si Ariyah.

Nakarinig siya ng isang awit, mahina lamang iyon pero rinig na rinig ni Rosette. Hindi na muna siya dumilat upang tingnan kung sino ang umawit pero mayroon na siyang hinala. Walang ibang may magandang boses sa España, kunʼdi ang diwata lamang na narito sa loob ng kuwarto.

Ilang segundo lamang ang nagdaan bago nagkaroon ng katahimikan ang kuwarto. Pinahiran muna niya ang mukha bago niya idinilat ang mga mata. Lumisan na ang nakasisilaw na liwanag, bumalik na sa dating kuwarto na kinasasadlakan nila at bumalik na sa kulay abo ang buhok ng diwata.

"Diwata?" tawag ng hari sa diwata pero hindi pa rin sila nilingon nanatili pa rin itong nakatalikod sa kanila.

Lumipas ang ilang segundo, narinig nilang muli ang boses ng diwata. Nanalangin ito gamit ang ibang lengguwahe na hindi nila maintindihan. Palagay niya ay katulad ito sa ritwal na ginawa nila noong unang punta nila sa lugar ng diwata.

Hindi siya maaaring magkamali, katulad nga iyon sa dasal na ginamit ng diwata.

Biglang nagkaroon muli ng liwanag na bumalot muli sa kanila pero sa halip na pumikit siya ay nagpalabas siya ng isang ngiti. Muli siyang nabuhayan ng loob, hindi rin nakatiis ang diwata.

Nakita niyang may nahulog na isang bulaklak mula sa itaas na bumagsak naman sa dibdib ng kaniyang anak na  hanggang ngayon ay karga-karga pa rin niya. Nagliwanag din ito, ang kulay nitong puti ay pinapaligiran ng kulay dilaw na liwanag.

Gulat siyang tumingin sa diwata na nagkulay dilaw na rin ang buhok, patuloy pa rin ito sa ginagawang ritwal. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib kaya muli siyang tumingin sa kaniyang anak.

Ang bulaklak na nasa dibdib ni Ariyah ay dahan-dahang natunaw, dahan-dahang nawala at naging usok na puti. Ang usok na nagmula sa bulaklak ay tinungo ang ulo ng kaniyang anak at dahan-dahan itong naging buhok.

Gulat siyang sumigaw pero walang boses na lumabas sa kaniyang bibig. Nanlamig siya at nanginig dulot sa kaniyang nasaksihan. Anong kapangyarihan iyon?

Hindi niya maigalaw ang kaniyang kamay at paa, hindi niya rin maibuka ang kaniyang bibig hanggang sa natapos ang ritwal na ginawa ng diwata.

Humarap na ang diwata at ang kaniyang asawa upang tingnan si Ariyah ngunit biglang nanlaki ang mga mata ng dalawa.

"M-mahal," nauutal na tawag sa kaniya ng hari. "Bakit hindi ka pumikit? Alam mo namang ang makakasaksi sa ritwal ay mamamatay."

Disney Series 6: The Girl With Magic HairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon