Chapter 20

78 24 0
                                    

"Magandang araw po, Reyna Ariyah."

Tango at ngiti ang iginaganti ko sa bawat bati ng mga kasama ko sa palasyo. Tatlong buwan na rin ang nagdaan mula nang maibalik sa pamamahala ko ang buong kaharian.

Dalawang linggo mula nang maisakamay ko ang lahat ay nagpasiya kaming magpakasal ni Arbie. Natupad din sa wakas ang isa sa mga pangarap ko, ang magkaroon ng pamilya.

Naging maayos naman ang pamamalakad ko. Nagkaroon ng bagong liwanag ang buong kaharian. Nagkaroon ng bagong ngiti ang bawat labi ng mga naninirahan sa buong nasasakupan ko.

"Maligayang kaarawan po, Reyna Ariyah," nakangiting bati ng bata na nakasalubong ko sa daan.

Suot ko na naman ang matamis na ngiti tuwing naglilibot ako sa buong kaharian. Umupo ako upang mahawakan ang mukha ng bata at tumango.

"Nako, paumanhin po, Mahal na Reyna. Sadiyang makulit po talaga itong anak—"

"Ayos lang," sagot ko sa babaeng lumapit sa amin. Siya pala ang ina ng batang kaharap ko.

Natigil naman siya sa pagsasalita at tahimik na yumuko.

"Anong pangalan ng anak mo?" tanong ko pagkaraan ng ilang segundo.

"Dominik po ang aking pangalan, Mahal na Reyna. Kapangalan ko po ang aking Ama. Tanggapin mo po itong aking munting regalo, handog ko po sa iyong kaarawan," masigla niyang saad sa akin.

"Maraming salamat, Dominik." Kinuha ko ang maliit na supot ng bata at matamis na ngumiti sa kaniya.

Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad hanggang sa makarating ako sa palasyo.

"MALIGAYANG kaarawan, Mahal. Anong nais mong regalo?" tanong sa akin ni Arbie habang nakayakap sa baywang ko.

Hinarap ko siya at hinaplos ang kaniyang mukha.

"Wala na akong mahihiling pa, Mahal. Subalit nais kong dalawin ang puntod ng aking mga magulang. Maari mo ba akong samahan?"

Hinalikan niya ang aking ulo at niyakap ako.

Wala na talaga akong mahihiling pa. Nakamit ko na lahat ng mga hinihiling ko noon. Nasagot na lahat ng mga katanungan ko. Nagkaroon na ng hustisya ang lahat ng mga problema at nagkaroon ako ng mabuting asawa.

Ang nais ko lang ay maging masaya ang pamilya ko at magkaroon ng tuwa ang buong kaharian. Sa ngayon, ay iyon lang ang tangi kong hinihiling.

"Mahal, may sorpresa pala ako sa'yo. Nagawa ko na iyong pinapagawa mo sa'kin."

Kumalas ako sa pagkakayakap niya at tiningnan siya sa mukha. Subalit wala naman akong maalala na may pinapagawa ako sa kaniya.

"Ano naman 'yon?" nagtataka kong tanong.

"Nahanap ko na si Papa," nakangiti niyang sagot sa tanong ko. "Nandito siya sa palasyo. Gusto mo ba siyang makausap ngayon?" dagdag pa niya.

Si Papa Teodoro?

Ngumiti ako at sunod-sunod na tumango. "Oo naman, mabuti at nahanap mo na siya. Matagal-tagal na rin mula nang huli natin siyang nakita."

Tinungo namin ang silid kung saan namamalagi si Papa. Ewan ngunit hindi ako makaramdam ng kung anong galit sa kaniya. Naiintindihan ko naman kung bakit niya iyon ginawa. Medyo masakit dahil siya ang kumitil sa aking ama ngunit wala naman na akong magagawa kung patuloy akong maninirahan sa nakaraan.

Lumipas na iyon at wala na rin ang may kagagawan ng lahat. Panahon na siguro upang ituloy ang nasimulan.

Panahon na upang lumimot.

Ako ang nagbukas ng pinto at nakita ko si Papa Teodoro na nakaharap sa salamin. Suot niya ang tinahi kong polo noong kaarawan niya. Ngumiti ako nang mapansin niyang may nagbukas ng pinto.

"Papa," tawag ko.

"Ariyah," nauutal niyang banggit sa pangalan ko at tinakbo ang pagitan namin.

Kitang-kita ko ang pagpatak ng kaniyang luha na siya namang nagpasikip ng dibdib ko. Paano ako magtatanim ng galit sa taong ito? Kahit papaano ay tinuring ko siyang ama. Siya ang bumuhay sa akin noong hindi ko pa kilala ang mundo.

Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit tinago niya ako sa tore. Kahit papaano naman pala ay iniingatan ako ni Papa. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit niya palaging sinasabi na masama ang mga tao. May isang nilalang pala siyang tinutukoy no'n.

Masakit man ang aming simula ngunit pag-ibig ang nag-udyok upang mas lumalim ang aming pagsasama.

"Papa," ulit ko at niyakap siya. "Kumusta ka na po?"

Umiyak lang siya habang tinutugon ang yakap ko. Damang-dama ko ang kaniyang paghikbi. Damang-dama ko ang pait at sakit na nararamdaman niya.

"Ariyah, nahihiya ako sa'yo. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa kong kasalanan. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Batid ko namang mahirap akong patawarin ngunit sabihin mo lang kung anong aking gagawin, handa akong maglingkod sa'yong muli." Lumuhod si Papa at hinawakan ang aking kamay.

"Papa, hindi mo na kailangan gawin iyan. Matagal na kitang pinatawad. Naiintindihan ko naman kung bakit mo nagawa iyon, biktima tayong lahat dito."

"Pero, Ariyah—"

"Papa, tumayo ka na riyan. Tulungan mo na lang akong mamuno sa kaharian na ikaw naman pala ang dating kanang kamay ng aking Ama."

Yumakap ang tawanan sa buong silid.

"Pero, anak—" Hinawakan ni Papa ang aking buhok na hanggang balikat na lang. "Anong nangyari sa buhok mo? Bakit naging itim at bakit mo pinutol?"

Ngumiti ako at umikot habang hawak ang aking saya. "Hindi mo nagustuhan, Papa? Akala ko magugustuhan mo eh."

"Nako, sayang naman ang buhok mo. Bakit mo naman pinaitim?" dagdag pa niyang tanong sa akin.

Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kaniya ang totoo. Batid naman ni Papa na may kapangyarihan ako pero nahihiya akong aminin sa kaniya. Naalala ko pa rin ang sinabi ni Diwata Jenny na si Papa ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng kapangyarihan.

"Batid mo naman siguro ang lahat po diba? Na may kapangyarihan ang buhok ni Ariyah?" simula ni Arbie kaya napatingin ako sa kaniya. Hinawakan niya ang kamay ko at pinisil. "Nagbago na ang lahat, Papa. Wala na ang kapangyarihan niya."

Yumuko si Papa at muling humikbi. "Patawarin mo ako, Ariyah."

"Papa, pinapatawad na nga po kita." Niyakap ko ulit siya at pinakalma. "Nandito na po tayo sa Espanya, magbagong-buhay na po tayo."

"Masusunod, Mahal na Reyna," sagot ni Papa at gumanti ng yakap sa'kin. "Halika, Anak," tawag niya kay Arbie.

Sumunod naman si Arbie at niyakap din kami.

Sa wakas, ito ang totoong kapayapaan.

Hindi pa pala ito ang wakas dahil ito ang simula ng aking kuwento.

Disney Series 6: The Girl With Magic HairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon