"Kailan ba tayo magiging magkaibigan, Mingming?"
Napangiti na lang ako sa tanong ni Arbie habang hinahabol siya ng alaga kong pusa.
Iyan palagi ang linya niya tuwing nagiging halimaw ang pusa ko at gusto na namang kagatin siya. Lalo na kapag may nakukuhang isda si Arbie at nais na namang kainin ni Mingming.
Minsan ay napapasigaw si Arbie kapag hindi na niya alam ang gagawin kay Mingming. Takot din naman si Arbie na hampasin ng kahoy ang pusa dahil takot siya na pagalitan ko.
Napangiti na lang ako at napailing. Hay nako, Arbie.
Ewan ko rin ba at aliw na aliw ang pusa kapag sumisigaw si Arbie sa takot. Naging pampalipas-oras na ng pusa na gawing kagimbal-gimbal ang araw ni Arbie.
Halos dalawang linggo na rin ang lumipas mula nang nagkasama kami ni Arbie sa lugar na ito. Hindi ko alam kung biyaya ba ito ng Maykapal upang may makasama ako na hanapin ang mga magulang ko. Tawagin man akong makasarili pero masaya ako na nandito si Arbie sa tabi ko.
Napalingon si Arbie sa gawi ko at agad naman akong nag-iwas ng tingin. Ewan, pero nahihiya ako.
May sakit nga siguro ako dahil tuwing nagtatama ang aming mga paningin ay agad akong kinakabahan at minsan ay naiilang pa. Kahit ilang beses kong ibulong sa sarili ko na normal lang ang lahat ng ito ay mas lalo lamang akong kinakabahan lalo na kapag nasa malapit lang siya.
Tandang-tanda ko pa ang nangyari sa amin noong nakaraang gabi. Halos hindi ako makatulog nang maayos dahil umaabot sa aking bandang leeg ang kaniyang hininga. Magkatabi kasi kaming matulog dahil natatakot ako sa mga ligaw na hayop at baka bigla na lang akong sakmalin.
Hindi ko alam kung bakit iba ang takbo ng utak ko no'n tuwing tumatama ang kaniyang hininga sa aking leeg. Mainit ang kaniyang hininga at nagdudulot ng libo-libong kuryente sa aking katawan. Tila may boltahe iyon na nagpapainit din sa akin.
Ang nangyari, hindi tuloy maayos ang tulog ko no'ng gabi iyon.
"Bakit hindi ka makatingin sa akin ng deretso? Ayos ka lang ba, Ariyah?"
Halos napaigtad ako nang marinig ko ang boses niya sa aking likuran. Paano siya nakarating sa likuran ko nang hindi ko namamalayan?
Umiling ako at tumikhim. "Wala, ayos lang ako."
Hindi ako maayos, iyon ang totoo. Pero paano ko sasabihin sa kaniya na naiilang ako tuwing malapit siya sa akin? Paano ko sasabihin sa kaniya na kinakabahan ako kapag naririnig ko ang boses niya? Paano ko sasabihin sa kaniya na bumibilis ang pagpintig ng aking puso kapag nakikita ko siya?
Baka pagtawanan lang niya ako at sabihing nawawala na ako sa katinuan.
"May dala pala akong isda, nahuli ko kanina kaya parang nababaliw iyang pusa mo at hinahabol ako," tumatawang saad ni Arbie sa akin at inilapag sa mesa na ginawa niya noong nakaraang araw.
Kaya pala halos hindi siya pakawalan ni Mingming kanina. Napangiti na lang ako upang mawala itong nararamdaman kong kakaiba.
"Sige, iwan mo na lang diyan. Lulutuin ko mamaya," nauutal kong sabi.
Ayan na naman, bakit nauutal na naman ako? Bakit ayaw mawala nitong kaba na nararamdaman ko?
"Iniiwasan mo ba ako, Ariyah?"
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi at pinigilan ang sarili ko na lingunin siya. Hindi ko siya iniiwasan kun'di ayaw ko lang na makita siya. Magkaiba naman iyon, diba?
Tama, Ariyah. Magkaiba ang dalawang iyon, ang talino mo talaga.
"Nako, hindi. Kinakabahan lang—"
"Kinakabahan?" ulit at pagputol ni Arbie sa sasabihin ko.
Wala sa sariling nilingon ko siya ngunit nabangga ko ang katawan niya dahil dikit na dikit lang pala siya sa akin.
Napasigaw ako at nakahawak ako sa braso niya. Natumba kami sa damuhan na siya namang nagpabilis lalo ng pagkabog nitong dibdib ko.
Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko pero no'ng nagtagpo ang aming mga mata ay wari ko'y tumigil ang mga ibon sa pag-awit, tumigil sa pag-agos ang tubig sa ilog, at tumahimik ang lahat ng ingay sa gubat.
Pakiramdam ko ay kami lang dalawa sa lugar na ito. Pakiramdam ko ay tumahimik ang mga hayop upang ibigay ang trono sa aming dalawa. Bakit gano'n? Bakit tila yata iba na itong nararamdaman ko?
Sa mata lang ni Arbie nakatuon ang aking atensiyon at paningin. Sa kaniya lang umiikot ang aking mundo. Siya lang ang nais kong makita.
Ang ganda ng mga mata niya, bulong ko sa sarili.
"Ang isda, Ariyah! Ninakaw ng pusa mo!"
MAGKASABAY kaming naglalakad sa kagubatan. Halos alam na ni Arbie ang pasikot-sikot dito sa gubat. Siya kasi ang naghahanap ng mga pagkain namin at ako naman ang nagluluto.
Napangiti ako ng lihim dahil sa naisip ko. Naalala ko kasi ang kuwento ni Papa noon tungkol sa pamilya.
Ang pamilya raw ay nabubuo ng Ama at Ina. Ang dalawang iyon ay tinatawag na mag-asawa. Ang Ina ang siyang nag-aalaga sa pamilya, nagluluto, naglalaba, at gumagawa ng gawaing bahay. Samantalang ang Ama naman ang siyang naghahanap-buhay upang may magamit ang pamilya niya.
Kung iisipin ay para kaming mag-asawa ni Arbie, kinikilig na bulong ko sa sarili.
"Kinikilig?" bulong ko.
"May sinasabi ka ba, Ariyah?"
Agad akong napailing upang sagutin ang tanong niya. "Ah, ang ibig kong sabihin—" Napahinto ako nang tumama ang aking mga mata sa isang kuweba. "Kuweba iyon, diba? Hindi kaya iyan na ang lagusan palabas dito?"
Hindi ko na hinintay na sumagot pa si Arbie. Agad kong tinakbo ang daan patungo sa kuweba na tinutukoy ko ngunit mas mabilis pa si Arbie sa pagpigil sa akin.
"Huwag kang padalus-dalos. Hindi natin alam kung ano ang nasa loob ng kuweba. Baka may mababangis na hayop diyan."
"Ano ka ba! Paano natin malalaman kung tama ang hinala ko kung hindi natin lalapitan?" giit ko pa.
Nagsalubong ang mga kilay ko na tiningnan siya. Bakit ba niya ako pinipigilan? Hindi ba ito ang nais namin pareho na makaalis na sa lugar na 'to? Ayokong umabot pa kami ng isang buwan na nakakulong lang sa gubat. Ayokong mamatay dito na hindi man lang nakikita ang pamilya ko.
"Teka nga—"
"Ayaw mo bang makalabas na tayo rito?" tanong ko sa kaniya ngunit wala akong nakuhang sagot.
Niyakap niya lang ako sa halip na sagutin ang aking katanungan. Dinig na dinig ko ang pagpintig ng kaniyang puso at hinalikan niya ang aking ulo.
"Mali man ito ngunit ayokong mawalay sa iyo, Ariyah."
BINABASA MO ANG
Disney Series 6: The Girl With Magic Hair
FantasíaAriyah Mikaela Fortez, prinsesa sa isang kaharian ng España. Iba siya sa pangkaraniwang tao, may kapangyarihan na hindi kayang maipaliwanag ng kahit na sino. May katangian na sa kaniya mo lang makikita. Ang kapangyarihan niya ang nagsilbing gabay sa...