"Kahit anong mangyari, Ariyah—" Pinaharap ni Diwata Jenny ang mukha ko sa kaniya. May kinuha ito sa bulsa nito at hinawakan ang kanang kamay ko. "Kahit anong mangyari ay huwag mong ilalayo ang paintbrush na ito. Maaari mo itong magamit kung kinakailangan."
Kahit hindi ko na siya tanungin kung sino ang nagbigay nito sa akin noon, alam ko na ang kasagutan. Alam kong sa kaniya ito galing.
Kahit medyo baliw kausap ang diwatang ito ay nagpapasalamat pa rin ako na nakilala ko siya. Mula nang nagtagpo ang mga landas namin ay gumaan ang pakiramdam ko at nagsimulang bumukas ang mundo upang makilala ko ang tunay kong pagkatao.
"Mahirap mang tanggapin sa ngayon ay matutunan mo rin itong yakapin pagdating ng panahon, Ariyah. Siguro noon pa ay nagtataka ka kung bakit ganito kahaba ang buhok mo at hindi pumayag si Teodoro na putulan ito. Noon pa man, Ariyah, ay iniuutos talaga ng aking ina na putulan ang buhok mo tuwing sasapit ang araw ng iyong kapanganakan. Subalit, umeksena ang ama ng iyong kasintahan—"
"Hindi ko kasintahan si Arbie, Diwata," pagputol ko sa sasabihin niya.
"Hindi mo pa siya kasintahan sa lagay na iyan? Halos hindi na nga kayo maghiwalay eh," tumatawa nitong saad.
Pinaikutan ko siya ng mata. "Kailan ka ba titino, Diwata?"
Tawa lang ang natanggap kong sagot mula sa kaniya.
"ARIYAH, wala akong alam sa mga ginagawa ni Papa mula pa noon. Ngayon ko nga lang nalaman na may tinatago pala siya, at ikaw 'yon. Kung alam ko lang sana pinigilan ko," mahabang litanya ni Arbie habang hawak ang kamay ko at pilit akong pinapakalma.
"Paano mo mapipigilan? Patay ka nga, diba?"
Mababakas ang pagtataka sa mukha ni Arbie. Ito ang unang beses na pagtataka ang nababasa ko sa mukha niya. Madalas kasi palaging pag-ibig o kilig ang palagi kong nababasa. Kaya minsan ay nadadala rin ako.
"Hindi ko maintindihan," wika niya at binitawan ang kamay ko. "Paanong patay ako? Anong kapangyarihan ang mayroon ka at kayang bumuhay ng patay?"
Huminga ako nang malalim at pilit na inaalala ang mga sinabi ng diwata tungkol sa kapangyarihan ko. Kahit ako man ay hindi kayang makapaniwala at ang hirap intindihin. Isa lang naman akong babae na nakulong sa tore pero bakit may gano'n akong kapangyarihan?
Tiningnan ko siya bago nagwika. "Ang buhok ko raw ay simbolo ng buhay. Dalawang tao at isang diwata ang nawalan ng buhay dahil sa'kin—"
"Dalawang tao?"
Tumango ako at nagpatuloy. "Ang ina ni Diwata Jenny, ang Ina ko at ang—"
Nabitin sa ere ang aking pangungusap nang may biglang nagliwanag. Sabay kaming lumingon ni Arbie at halos matumba ako nang biglang gumalaw ang aking buhok.
Mahigpit ang pagkakahawak ko sa braso ni Arbie upang doon kumuha ng lakas. Tila hinihila ako ng aking buhok na ngayon ay napapaligiran na ng liwanag.
Gumalaw iyon patungo sa dalawang puno na magkatabi. Pinalibutan ng aking buhok ang dalawang matatayog na puno. Hindi ko alam ngunit kusang pumikit ang aking mga mata. Siguro dala ng liwanag kaya hindi ko tuloy nasaksihan ang mga pangyayari.
"Pumikit ka, Arbie," bigkas ko.
"Anong nangyayari?"
Umiling ako na para bang makikita niya. Kumapit lang ako sa braso niya dahil parang dadalhin ako ng aking buhok at wari ko'y mawawalan ako ng lakas.
Ganito rin kaya ang nararamdaman ko noong ginamit ni Papa Teodoro ang kapangyarihan ko upang gamutin at buhayin si Arbie?
Ang hindi ko nga lang maintindihan ay kung bakit hindi ganito ang nararamdaman ko noong ginamot ko noon si Arbie sa sakit niya? Posible kaya na iba ang tindi ng panggagamot ko?
Naramdaman ko ang pagbaba ng kamay ni Arbie patungo sa baywang ko. Tila naghatid iyon ng kiliti na hindi ko rin maintindihan kung bakit. Biglang dumagsa ang kaba sa aking dibdib na si Arbie lang ang kayang magparamdam no'n.
Sayang, nakalimutan kong tanungin si Diwata Jenny tungkol sa nararamdaman kong ito. Palagay ko kasi ay siya lang ang makakasagot sa mga katanungan ko.
Nakarinig kami ng may pagbagsak. Dumilat ako at nakaramdam ng kaginhawaan nang makitang nawala na ang liwanag. Ngumiti ako at tiningnan si Arbie na kasalukuyan pa ring nakapikit.
Hinaplos ko ang kaniyang mga mata. "Arbie, wala na ang liwanag. Maaari ka ng dumilat."
"Iyon ba ang kapangyarihan mo? Diba, gano'n din ang nangyari no'ng pumunta ako sa tore?" sunod-sunod niyang tanong sa akin.
Kapangyarihan, bulong ko. Paano ako nagkaroon ng ganito? Kapangyarihan ba talaga ito o sumpa?
Tumango ako at nahihiyang tumingin sa kaniya.
"Ariyah, tingnan mo," sabi niya at tinuro ang puno na pinalibutan ng buhok ko kanina. "Naputol ang puno."
"At naging abo," dagdag ko. "Imposible."
Nasaksihan pa namin ang dahan-dahan nitong pagkawala. Ang puno ay naging abo at nawala nang dahan-dahan.
"Nasunog kaya ang dalawang puno?" tanong ko kahit alam ko na ang sagot.
Posible. Kahit ang hirap paniwalaan parang gano'n nga ang nangyari.
Humakbang ako patungo roon. Hindi ako pinigilan ni Arbie na palagi nitong ginagawa tuwing lalapit ako sa kuweba.
Bawat hakbang ko ay may dalang kaba at dumadagdag sa pagpintig ng puso ko. Kahit ang pagkabog na lang ng dibdib ko ang aking naririnig ay pilit kong hinakbang ang aking mga paa.
Natagpuan ko si Arbie na nasa tabi ko na at sinasabayan ang paghakbang ko. Tiningnan ko siya at halatang kahit siya ay kinakabahan.
Hinawakan niya muli ang kamay ko at pinisil iyon. Sabay naming hinakbang ang daan patungo sa dalawang puno na naging abo na.
"Arbie," pagtawag ko sa pangalan niya. "Nakikita mo ba ang nakikita ko?"
Halata naman pero bakit tinanong ko pa?
Pinisil ni Arbie ang kamay ko at pinaharap ako sa kaniya.
Niyakap niya ako nang mahigpit at bumulong sa tainga ko.
"Makakaalis na tayo, Ariyah. Pero bakit parang ayaw ko pa? Gusto kong magkasama pa rin tayo, parang ayaw kong umalis dito. Nakakahiya man pero parang nagugustuhan na kita. Naguguluhan na ako, Ariyah. Ano bang ginawa mo sa akin? Bakit ganito? Bakit at paano kita minahal?"
"Tinatanong mo ko kung paano mo ako minahal? Ni nararamdaman ko nga ay hindi ko rin maintindihan."
Hinalikan niya ang aking ulo. "Palagay ko mahal kita."
BINABASA MO ANG
Disney Series 6: The Girl With Magic Hair
FantasyAriyah Mikaela Fortez, prinsesa sa isang kaharian ng España. Iba siya sa pangkaraniwang tao, may kapangyarihan na hindi kayang maipaliwanag ng kahit na sino. May katangian na sa kaniya mo lang makikita. Ang kapangyarihan niya ang nagsilbing gabay sa...