TULA - Isang Punongkahoy (Jose Corazon De Jesus)

32 0 0
                                    

I
Kung tatanawin mo sa malayong pook,
ako'y tila isang nakadipang kurus,
sa napakatagal na pagkakaluhod,
parang hinahagkan ang paa ng Diyos.

II
Organong sa loob ng isang simbahan
ay nananalangin sa kapighatian
habang ang kandila ng sariling buhay,
magdamag na tanod sa aking libingan...

III
Sa aking paanan ay may isang batis,
maghapo't magdamag na nagtutumangis;
sa mga sanga ko ay nangakasabit
ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.

IV
Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
asa mo ri'y agos ng luhang nunukal;
at saka ang buwang tila nagdarasal,
ako'y binabati ng ngiting malamlam.

V
Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
nagpapahiwatig sa akin ng taghoy,
ibon sa sanga ko'y may tabing nang dahon,
batis sa paa ko'y may luha nang daloy.

VI
Ngunit tingnan ninyo ang aking narating,
Natuyo, namatay sa sariling aliw;
Naging krus ng pagsuyong laing,
At bantay sa hukay sa gitna ng dilim.

VII
Wala na, ang gabi ay lambong ng luksa
Panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga,
Ni ibon ni tao'y hindi na matuwa.

VIII
At iyong isipin nang nagdaang araw,
Isang kahoy akong malago't malabay,
Ngayon ang sanga ko'y krus na libingan
Dahon ko'y ginagawang korona sa hukay.

Kalipunan Ng Mga Panitikang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon