MK - Sa Bagong Paraiso (Efren R. Abueg)

13 0 0
                                    

Nilisan ng batang lalaki at batang babae ang kinagisnang daigdig upang lasapin ang biyayang handog ng itinuturing nilang Bagong Paraiso.

Sa simula’y mga bata silang walong taong gulang - isang lalaki at isang babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak na loobang tinitirikan ng dalawang tabla’t yerong bahay, na ang isa’y nasa Silangan at ang isa’y nasa Kanluran: at sa pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan.

Ang malawak na looban ay mapuno, mahalaman, maibon, at makulisap at may landas na humahawi sa dawagan at tumutugpa sa dalampasigang malamig ang buhangin kung umaga, nguni’t nakapapaso sa tanghalian.

Ang kanilang daigdig ay tahimik; ang kanilang kabuhayan ay hindi suliranin; ang kanilang mga magulang ay hindi nag-aaway – ang mga ito’y maka-Diyos at walang araw ng Linggo o araw ng pangilin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng nayon.

Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga palad at may mga usal ng dalangin sa mga labi.

At silang dalawa - ang batang lalaki at ang batang babae - ay nagsisipag-aral, kasama pa ng ibang bata sa maliit na gusaling may tatlong silid sa dakong timog ng nayon. Sila’y may mga pangarap, na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng bayang iyon, at ng lalawigang kinaroroonan niyon.

Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong bayabas, sa marurupok na sanga ng sinigwelas, maaligasgas at malulutong na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang kanilang mukha at kung minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung nahuhulog – ngunit ang lahat na iyon ay hindi nila iniinda, patuloy sila sa paglalaro.

Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran at kung sila’y humihingal na ay hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sila sa pagitan ng masinsing mga dahon at magkukunwaring aaninawin sa langit ang kanilang mukha.

“Loko mo … makikita mo ba ang mukha mo sa langit? “ minsan ay sabi ng batang babae.

“Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin, sabi ni Tatay ko.” sagot naman ng batang lalaki.

Ang batang babae ay makikisilip din sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling paningin ang sinabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang matagal, sila’y lalagumin ng katahimikan – ang kanilang katawan ay nakalatag na parang mga kumot, hanggang sa sila’y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay.

Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising: kung minsan naman ay ang batang babae. Nguni’t sino man sa kanila ang unang magising, kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin ang taynga ng natutulog. At ang natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarinig na siya’y pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangiliti ay mapapaurong at anyong tatakbo at sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapa- ikut-ikot haggang sa ang isa’y mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkaka - dantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang mga katawan.

Kung sila’y nagsasawa na sa loobang iyon, sila’y nagtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibi. Inilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kayang putot na pantalon ang nakukuha niyang kabibi, at ang nadarampot naman ng batang babae ay inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot niyang damit. Kung hindi naman kabibi ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin, o kaya’y nanunugis ng mga kulukoy na kung hindi nangungubli sa kanilang malalalim na lungga ay lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin.

Kalipunan Ng Mga Panitikang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon