- at pag-iinitan ka pa. Bago ka pa lang dito, pare. Yan ang unang matututuhan mo dito sa ob-lo pagtagal-tagal mo.
Umiiyak kanina ang waswas ko, pare. Isi ka lang, sabi ko. Ito ang kapalaran natin, e. Naawa siguro sa 'kin. Matagal nang ito ang haybol ko at bibilang pa ng maraming taon na ito ang haybol ko. Sabi ko naman, ayaw ka ba n'on, konkreto ang bahay ko at ginugwardiyahan pa ng les-pu? Nagpapatawa lang ako, pare lungkot din ako. Sabik na ako sa laya, pare. Naaawa na rin ako sa waswas ko na di ko alam kung paano nabubuhay ngayong narito ako sa ob-lo.
Pare, sindihan mo yan. Huwag mo lang ipapatanaw ang baga sa labas. Takpan mo ng lukong ng palad mo.
Anong kaso mo pare? Arson, pare. Ha-Ha-ha! Isang ospital ang sinunog ko - o pinagtangkaang sunugin. Dahil hindi nasunog lahat, pare. Tersiya parte lang ng bilding ang kinain ng apoy.Hindi ka siguro maniniwala, pare. Kami ang gumawa ng ospital na iyon. Sa Quezon City 'yun, pare. Yong pribadong ospital na ari ng magkapatid na mestisong instik, Lim ang apelyido. Ang ibig kong sabihin, pare. isa ako sa mga peon, 'yung nagtayo n'on, kantero 'ko pare - 'yon bang tagahalo ng semento.
Nang magawa namin yon pare, para 'kong pintor na nakagawa ng obra maestra. Gano'n pala ang mararamdaman mo pag nakagawa ka, pag nakabuo ka ng isang magandang bagay. 'Yon lang kasi ang magandang bagay na nagawa ko sa buong buhay ko. Alam ko, ang arkitekto ang nagplano n'on, pero, isa 'ko sa mga gumawa. Kung masasabi niyang siyang gumawa n'on, masasabi ko rin na ako. paano mo matatayo ang isang bilding pare, kung wala kang tagahalo ng semento? Di mo 'yon maitatayo sa pamamagitan ng lapis at papel lang.Nang mayari namin 'yon pare, di ko pagsawaang tingnan. Paulit-ulit kong minasdan. Lalagay ako sa malayo, sa harapan, at hahagurin ko ng tingin. Papa'no parang isang magandang babae, pare na maya't maya'y gustong mong ukulan na humahanga at nagmamalaking tingin dahil alam mong mga kamay mo ang katulong na gumawa at bumuo.
At ito ang pinagtangkaan kong sunugin, pare! Ha-Ha! Sasabihin ko sa 'yo kung bakit. Uumpisahan ko sa simula.
Mahigit na 'sang taon naming ginawa ang ospital na 'yon pare. Nang mayari ang pundasyon, marami sa mga kasamahan ko ang doon na natutulog. Alam mo na, para makatipid sa pasahe. Nang malaon, sinabi ko ke Luding - Luding ang pangalan ng waswas ko, pare - na do'n na rin ako matutulog, kasi kahit na nasa Quezon City rin kami nakatira e malayo sa amin ang ginagawang bilding, kailangan magdalawang sakay ka sa bus at dyip.
"Sige" sabi ng waswas ko."Nang makatipid tayo ng kontisa gastos" Kasi pare, minimum lang ang pagana sa 'kin sa ginagawang ospital. Ang minimum no'n disiotso, hustong-husto lang sa pagkain at pangangailangan naming mag-asawa.
Sasabihin Ko muna sa 'yo Kung saan kami nakatira no'n, pare. Ang haybol namin no'n e hindi talagang bahay kundi isang maliit na kubo, mas tama sigurong tawaging barung-barung 'yon, dahil mas marami ang yero - na unti-unti naming naitayo sa isang bakanteng lote sa tabi ng isang bagong tayo ring subdibisyon. Pinsan ng waswas ko ang inhenyerong nagtayo ng subdibisyon at napakiusap namin sa kanyang bakanteng ngang loteng 'yon, na di na sakop ng lupa ng subdibisyon, na kaibigan naman ng inhiyerong pinsan ng waswas ko. Ang ibig ko lang sabhin dito, pare, legal naman ang pagkatira sa subdibisyon, hindi kami talagang iskwater na basta na lang nagtayo ng bahay, sa lupa ng me lupa. Sabihing nakatira, pero hindi iskwater.
Ang hirap ng lagay namin do'n pare. Para kaming etat, sa tabi ng isang basong gatas. Bakit e medyo maaskad ang kara ko. Kung tingnan ako ng mayayamang taga sabdibisyon e parang bang sa anumang sandali'y lolooban ko ang malaki at magaganda nilang bahay. Ang talagang dahilan lang nama'y nakakapagpapangit ang aming barung-barong, sa tingin, sa magaganda nilang bahay sa sabdibisyon at ibig nilang kami'y umalis.
Hirap kami no'n, pare. Ang layo ng iniigiban ko ng tubig. Wala pang ilaw. Ayaw kaming pakabitin ng koryente sa sabdibisyon. Ang ibig nga nila'y Kami'y umalis.
Sa itinatayong bilding na nga ako natutulog at umuuwi lang kung Sabado ng hapon. Me kasama naman sa bahay ang waswas ko, ang kanyang ina na nakapisan na sa amin mula pa nang kami'y ikasal. kung gabi, masaya kami sa ginagawang bilding. Me magpa¬pabili ng kuwatro kantos at pararaanin namin ang mga oras sa kantahan at kwentuhan. O gagalain namin ang buong bilding na kung baga sa tao e kalansay pa lang. Ang pasikot-sikot ng bilding e alam na alam namin, pare, na parang guhit ng aming palad.
BINABASA MO ANG
Kalipunan Ng Mga Panitikang Pilipino
RandomMga tula, maikling kuwento (MK), sanaysay at iba pa. Mga Paalala: • Ang lahat ng inyong mababasa rito ay HINDI KO PAGMAMAY-ARI. Ang mga panitikang narito ay mula sa ating mga batikan at klasikong manunulat na nagbigay ng napakalaking kontribusyon sa...