Sina Carmen at Pina ang Fat and Thin ng Looban. Parehong isinilang at lumaki sa Looban, magkasingtanda, magkaibigang matalik. Sanggol pa lamang si Carmen ay mabilog na. Nasa lahi ng kanyang ina ang pagiging tabain, iyon bang kahit hindi kumain o walang makain ay kung bakit bumibilog pa rin. Kung nagkaroon man ng magandang sangkap sa mukha ni Carmen, iyo'y parang nalunod na sa kanyang parang bolang kabuuan. Gayunman, isangb katangiang maipagmamalaki ni Carmen ang kanyang kaunting talino. Mula sa elementarya
hanggang sa ikatlong taon ng mataas na paaralan, lahat ng grade niya'y nag-uumpisa sa otso. Kaya lamang siya nahinto sa pag-aaral ay dahil sa kakapusan ng pera.
Kung tutuusin, hindi naman masyadong mapayat si Pina. Ngunit dahil ang madalas kasama at kasabay ay ang dambuhalang si Carmen, nagmumukha tuloy tingting si Pina. Kung si Carmen lamang ang paghahambingan, masasabing maganda na nga si Pina. Gayunman, hindi tulad ni Carmen, noong nag-aaral pa si Pina ay lagi nang nakaangkla sa siyete ang kanyang marka. Iyo'y utang na loob pa kay Carmen na matiyagang tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga assignment, na nangopya sa kanya sa mga eksamen sa mga panahong sila'y magkaeskuwela.
Matapos ang unang taon sa mataas na paaralan, si Pina'y pinatigil na ng kanyang mga magulang sa pag-aaral. Sabi nga ng kanyang mga magulang na sina Mang Bestre at Aling Valeria, wala na raw silang pera'y bugok pa si Pina. Ngunit ang totoo, gusting-gusto ni Pina na matuto. Basa siya ng basa, aral naman ng aral, kabisa naman ng kabisa ngunit pagkaraa'y tila walang siyang matandaan, lalo na sa mga pormula't gramatika. Madalas tuloy siyang mapagtawanan noon sa klase.
Nagdalaga na si Carmen sa kung ano-anong mumunting trabaho. May panahong namasukan siya sa pabrika ng biskwit, pagkaraa'y sa pabrika ng kendi; pumasok rin siyang tagalinis ng mga boteng lalagyan ng patis; ngunit, ang pagiging labandera at plantsadora ang kanyang naging espesyalidad. Samantala, si Pina, mula ng mahinto ng pag-aaral ay halos nag mongha na. Ngunit, kahit nasa bahay, ay kumikita ng kaunti si Pina sa pamamagitan ng pagbuburda at paggagantsilyo ng mga damit na ipinagbibili raw sa labas ng bansa, sabi ng babaeng nagpapagawa sa kanya ng mga iyon.
Sa opinyon ng mga taga-Looban, nakatakda na nag kapalaran nina Fat and Thin: ang magkaibigang matalik ay parehong tatanda ng dalaga. Sino nga naman ang magtatangkang manligaw kay Carmen? Tanggapin nang dahil hindi naman malakas kumain kung bakit parang pantog na inihipan, ngunit sino ba namang normal na lalaki ang hindi naghangad ng maganda't seksi ang kanyang asawang ipinaparada, ang kanyang hinihimas
himas at pinaliligaya kung gabi? Isa pa, kung si Carmen ang maging asawa mo, malaki ang peligrong ikaw ay maagang mabiyudo. Sinasakal ng taba ang puso ni Carmen, kawawa ka naman sa pag-aalaga ng inyong mga anak bago ka pa makakita ng kapalit ni Carmen. Sa kabilang banda, wala na ring nagbalak manligaw na mga taga-Looban kay Pina. Oo, mabait nga, mahusay ngang makisama, nagbibiro't nagbibiro ngnuti kapag iyo nang kinatalo agad sasabihin sa iyo ng seryoso, "Parang kapatid lang ang turing ko sa' yo." O "Mas mainam kung magkaibigan na lang tayo."
Kaya lamang lumabas ng bahay si Pina ay dahil sa dalawang dahilan. Una, knug Linggo ng hapon, at iyon ay upang magsimba. At ikalawa, kapag sila ni Carmen ay ay manonood ng mga pelikula ni Nora Aunor sa mga sinehang double-program. Kahit hindi paborito ni Carmen si Nora Aunor ay napipilitan siyang samahan ang kaibigang bihirang-bihira ngang lumabas ng bahay.
Libangan ni Pina ang pakikinig ng radio sa mga programa ni Inday Badiday, Ike Lozada, German Moreno at Eddie Ilarde. Siya rin ay naghihiram-umaarkila-bumibili ng komiks, lalong-lao na, ng mga magasing pang-artista tulad ng Kislap, Sine, Jingle Extra Hot, Bulaklak, Romances at iba pa. Madalas pinupuna at tinutukso ni Carmen ang mga libangan ni Pina.
BINABASA MO ANG
Kalipunan Ng Mga Panitikang Pilipino
RandomMga tula, maikling kuwento (MK), sanaysay at iba pa. Mga Paalala: • Ang lahat ng inyong mababasa rito ay HINDI KO PAGMAMAY-ARI. Ang mga panitikang narito ay mula sa ating mga batikan at klasikong manunulat na nagbigay ng napakalaking kontribusyon sa...