MK - Parusa (Genoveva Edroza Matute)

14 0 0
                                    

Naunahan ng paggising at pag-iinat ng daungan ang pagsikat ng araw. Makakapal pa ang mga aninong buong higpit na yumayakap sa mga pintungang nangaroon ay nagsimula na ang mga yabag na payao’t dito, ang anasang unti-unting nagkatinig hanggang sa maging ingay, hanggang sa makiisa sa matinis na sipol ng kadadaong na bapor.

Nag-unahan sa andamyo ang mga bata ni Salamin. Nakatitiyak ang kanilang mga hakbang. Sapagkat ang mga bata ni Salamin ay mga bata ng Big Boss. Ang Big Boss ang nakaaalam sa mga bapor na lumabas-pumasok sa daungang yaon.

“Oras na nakapit ka kay Salamin… buhay ka na!”

“E ang Big Boss… hindi ko na ba kailangang makilala ang…”

“Bahala na si Salamin doon! Bago ka pa nga rito, oo!”

Malakas ang halakhak na isinagot ng Big Boss sa ikinuwentong iyon ni Salamin sa kanya isang araw. Samantalang buong inip silang naghihintay na maiahon ng kanilang mga tauhan ang mga kalakal ng kadadaong na bapor.

“Mabuti naman at nalalaman nila!”

“Mabuti na ang maliwanag antemano, boss. Mahirap nang masingitan pa ang katalo. Kung sa bagay e, ano naman ang magagawa ng maski sino, kung sakali?”

Nagtinginan nang matagal ang dalawa. May mahiwagang liwanag na kumislap sa kanilang mga mata. Biglang inalis ng Big Boss ang tabako niya upang hindi maibuga ng madagundong sa halakhak na yumanig sa namimintog niyang tiyan.

“Sigurado ka bang hindi ka masisingitan ng pakawala?”

“Mahirap na, Boss! Sakali mang makasingit, ano naman ang delito niya, aber? Sa payroll, anim na piso… may pirma siya!” Tumikhim muna sandali si Salamin. “Kung may reklamo siya, aba, magsumbong siya sa unyon!”

Hinintay ni Salamin ang muling pagyanig ng namimintog na katawan ng Big Boss sa isa pang madagundong na halakhak. Nagtaka siya nang ito’y ngumiti lamang nang bahagya, alanganin, dinampot ang malamig na inumin sa baso, lumagok nang makalawa, ibinaba ang baso, marahang iginuhit-guhit ang hintuturo sa malamig na “pawis” ng baso.

“Bago ako naging pangulo ng unyon ng mga trabahador, naging estibador ako, Salamin; bago iyon, nagtrabaho ako sa daan, at bago iyon…”

Biglang ipinukpok ng Big Boss ang baso ng inumin sa hapag. Lumigwak ang laman nito.

“Sa bawat isa niyon, sinamantala ako!”

Natapos ang hapong iyon nang walang imikan.

Nag-alala si Salamin na baka nagdamdam sa kanya ang Big Boss. Ngunit nang magkita silang muli kinabukasan ay naroon na naman ang ngiting humalili sa tabakong saglit na inalis niyon sa labi.

“Ikaw na nga pala ang bahala muna sa ilang bata natin sa unyon, Salamin. Magbabakasyon ako

sandali.”

“Siyanga pala, Boss, kilala mo na ba si Ventura, ang bago nating bata rito sa piyer? Kasapi na sa Unyon e.”

Ngunit ang Big Boss ay di dapat abalahin sa maliliit na bagay, gaya ng isang bagong tagapasan o ng isang bagong kasapi sa unyon.

Ang mahalaga’y kabilang na si Ventura sa “palakad”. Nakayungyong na sa kanya ang dambuhalang “palakad”: anim na piso isang araw sa payroll, limang piso sa bulsa – ang piso pang hindi niya maiuuwi kalianman ay maaaring tuntunin – marahil – kung lalapit siya sa unyon. Ang pangulo ng unyon ay ang Big Boss.

Sasabihin sana niya sa Big Boss: “Boss, ang Venturang iyon, baka makatulong natin sa unyon, mukhang matalino e. Tiningnan ko ang record. Nag-aral. Hindi nga lamang nakatapos sapagkat nag-asawa agad. Empleyado sana ngunit nabawas. Matagal na walang mapasukan kaya’t nag-laborer na lamang. Matagal na hindi kumibo nang ipaliwanag ko ang “palakad”. Ngunit pagkatapos ay pumirma rin sa anim na piso. Ngayon, ang gusto kong sabihin sa iyo, Boss, baka natin magamit si Ventura. Mabi-build-up natin sa unyon. E di pakikinabangan natin pagkakandidato mo sa pulitika. Hindi ba ‘ka mo iniisip mong magkandidato, total, sigurado ang botante mo dahil sa unyon?”

Kalipunan Ng Mga Panitikang PilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon