F R A N C E S C A
August 11, 2020
Ibinaba ko ang cellphone ko sa unan ko pagkatapos kong basahin ang huling text ni Izeah.
Sobrang sakit sa dibdib. Hindi ko naman ginustong sa ganito na lang matapos ang lahat pero hindi ko kaya. Pakiramdam ko kapag hinayaan ko pa ulit 'yong sarili kong mapalapit sa isang tao, hindi ko na kakayanin kapag nawala pa siya.
Si Papa...
Ang dami kong gustong sabihin sa kaniya. Ni hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon na makausap siya bago siya nawala. Hindi ako expressive sa nararamdaman ko kaya hindi ko alam kung kailan ko pa huling sinabi sa kaniya na mahal ko siya.
Bago siya umalis noong araw ng aksidente, tinitigan pa niya ako at nakangiting ginulo ang buhok ko. Kung alam ko lang na 'yon na 'yong huling araw na makikita ko 'yong ngiti niya sana hindi na ako nagalit at hinayaan lang siyang guluhin iyon.
Napapikit ako ng mariin na naging dahilan ng pagtulo ng mga luha ko.
Napagdesisyunan kong tumayo at lumabas ng kwarto para uminom ng tubig. Nadatnan kong nakabukas ang ilaw sa kusina. Nakaupo si Mama, nakahawak ang mga kamay sa kaniyang buhok habang nakatingin sa larawan ni Papa.
Lalo lang sumikip ang dibdib ko.
Hinila ko ang isang upuan at tumabi sa kaniya. Malungkot siyang ngumiti sa akin.
"Hindi ka rin makatulog?"
Tumango ako. Huminga siya ng malalim at hinila ako sa isang yakap. Nag-unahan na namang tumulo ang mga luha ko.
"Ma... Paano na tayo ngayon?"
Dahan dahan niyang sinuklay ang buhok ko gamit ang mga daliri niya.
"Shhh, kaya natin 'to anak. Kakayanin."
"Si Franco at Francis, Ma. Paano nila 'to maiintindihan? Paano kapag lumaki sila tas hanapin nila si Papa?"
"Sasabihin natin sa kanila na ginawa ng Papa nila ang lahat para mabigyan sila ng magandang buhay. Na mahal na mahal sila ng Papa nila kahit wala na siya sa tabi natin."
Rinig ko ang pagkabasag ng tinig niya. Lalong humigpit ang yakap namin sa isa't isa at tahimik na umiyak.
Ilang minuto kaming nanatili sa ganoong posisyon. Maya-maya ay kumalas si Mama sa yakap at nagpunas ng luha. Tumayo siya para kumuha ng tubig at iniabot sa akin iyon.
"Matulog ka na. Kailangan mong gumising ng maaga bukas para mag-enroll."
Umiling ako.
"Ma... Hindi na. Hindi na muna ako mag-aaral. Tutulungan muna kita."
Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa magkabilang balikat ko.
"Pinakabilin ng tatay mo... Huwag na huwag kang patigilin sa pag-aaral. Hiyang-hiya siya sa'yo noong sinabi namin noong nakaraan na titigil ka muna kaya ipinangako niya sa akin na gagawin niya ang lahat para hindi na maulit iyon."
Napaiyak na naman ako habang umiiling.
"Ma... Iba na ngayon. Hindi na natin kaya 'yon. Lahat ng ipon natin nagamit sa ospital at sa pagpapalibing-"
"Nagtatabi siya. Ipinapangako niya sa akin na huwag na huwag gagalawin iyon dahil para sa pag-aaral niyo 'yong magkakapatid..."
Papa, ba't ganito? Alam mo na ba? Na mawawala ka kaya naghanda ka na?
Pa naman. Ba't di mo kami sinabihan? Para naman nakapaghanda rin kami. Ang daya naman e.
"Hindi 'yon malaki pero sapat na para sa sem na 'to. Basta mag-aral ka ng mabuti. Ako na ang gagawa ng paraan para sa susunod. Babangon tayo, ha?"
Dahan-dahan akong tumango.
Babangon.
BINABASA MO ANG
Mine, Steal, Grab (QuaranFling Series #3)
Teen FictionTo help her parents during the COVID-19 crisis, Francesca Valencia started decluttering and sold her old clothes online. Everything's going smoothly until someone left a weird comment on one of her post. --- Credits to the rightful owner of the pho...