Prologue

6 0 0
                                    

Dahan-dahan akong naglakad pababa ng hagdan papunta sa ilalim ng aming kastilyo dala-dala ang lampara na galing sa aking kwarto. Hinintay ko munang makatulog ang aking ina at tagumpay ako sa pagtakas. Ilang araw kong trinabaho ang aking kuryosidad dahil alam at ramdam ko na may itinatago ang mga magulang ko rito at iniiwasan na malaman ko ito, lalo na ng aking ina. Pero nang dahil sa pagkadesperado nila itong itago sa akin, mas lalo akong nabuhayan na malaman ang katotohanan. 

Nang marating ko ang pinakababa ng hagdan, nagsimulang manginig ang aking mga tuhod at napakagat sa aking kuko sa kadiliman. Nakakasakal. Nilabanan ko na lamang ang takot dahil mas nananaig ang aking pakay kung bakit ako naparito. Nagsimula akong maglakad at ipinalibot ang tingin, sa mga puntong ito ay sa ilaw ng lampara ko na lamang ipinagkakatiwala ang aking sarili. Palayo na ako ng palayo mula sa aking pinanggalingan. 

"AAAHHH!" napatalon na lamang ako nang may mabunggo akong bagay dahilan para ito ay mahulog sa sahig. Tinakpan ko ang aking bibig dahil baka may makarinig sa akin.  Nang hinanap ko ang bagay na nahulog ay may nakita akong isang mahaba at makapal na patpat. Para bang hinihikayat ako nito na kunin at pakiramdam ko ay para ko bang nakita ang bagay na nawawala sa akin na matagal ko nang hinahanap pero ngayon ko lang ito nakita sa aking tanang buhay. Nang hinawakan ko ito ay nakaramdam ako ng init mula rito. Hindi ang init na nakakapaso kundi ang init na una mong naramdaman nang yakapin ka ng iyong ina nang ikaw ang maisilang. Init ng pamilyaridad. Pakiramdam ko, ako ay nasa aking tunay na tahanan. Papangalanan ko itong, Hanan

Nang kinuha ko ito ay para bang gusto ako nitong dalhin sa kung saan kaya sinundan ko na lamang ang aking pakiramdam at hinayaan ang aking mga paa kung saan ako nito dalhin nang makarating kami sa tapat ng isang lumang kahon. Ibinaba ko ang hawak kong si Hanan at lampara sa gilid at binuksan ang maalikabok na kahon na halatang hindi ito nagalaw ng maraming taon. Maraming lumang bagay ang laman nito ngunit isang bagay lang ang pumukaw sa aking paningin, isang libro. Pinunasan ko ito gamit ang aking kamay at binasa "Vagataznu".

Hindi maalis ang tingin ko dito at inisip kung ano ang ibig sabihin nito. Akmang bubuksan ko na ito ng makarinig ako ng boses, "Anong ginagawa mo rito?" 

Napako ako sa aking kinakatayuan. Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso at napapikit dahil alam kong hindi dapat ako nandito. Humarap ako sa pamilyar na boses at itinago sa likod ang hawak kong libro "Ama, patawarin mo ako. Alam kong hindi dapat ako-" "Sa wakas ay nahanap mo na rin" pagputol nito sa aking mga luha. Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi, "Po?" itinuro nito ang nahanap kong patpat. "Hindi ka ba nangangalay sa bigat ng hawak mong libro?" nanlaki ang aking mga mata dahil paano nito nalaman ang aking tinatago.

 Bahagya itong natawa sa aking mga kinikilos. "Halika at kailangan mo ng matulog. Hindi tamang nagpupuyat ang isang anim na taong gulang na kagaya mo." tatalikod na sana ito at aalis nang hawakan ko ito sa braso, lumingon ito sa akin. "Ama, pwede po ba akong magtanong?" tumango lang ito at binigyan ako ng ngiti na nagpapahiwatig na ayos lang ang lahat. Umupo ito upang pumantay sa aking tangkad, "Ama, bakit niyo po ito itinago sa akin kung dapat ko naman pala itong malaman?" ngumiti ito at hinimas ang aking ulo, "Kaia, anak. May mga bagay na kailangang itago upang masubukan ang abilidad ng naghahanap. Sa apat na maghahanap, isa lamang ang makakakita dahil siya ang itinadhana." mahinahong paliwanag nito. Umikiling na lamang ang aking ulo sa pagkakagulo. "Balang araw ay maiintindihan mo ang sinasabi ko" nakangiting sabi na lamang ni ama. Napangiti naman ako sa narinig, nasasabik ako na parang ito ang magiging umpisa ng aking kwento. Isang kapanapanabik na abentura. 

"Ama, Pwede po bang ituro mo sa akin lahat ng dapat kong malaman?" pakiusap ko dito habang mahigpit na hinawakan ko ang aking magkabilaang kamay. "Kailangan mo munang mangako sa akin". Tumingin naman ako sa kaniya ng may mga matang pagsusumamo, "Ano po iyon, ama? Kahit ano po susundin ko. Gusto ko lang po talagang matuto." ngumiti ito sa akin ng puno ng pagmamahal at sinuotan ako ng kwintas na may makinang na bato na hugis luha, "Iingatan mo ang kwintas na ito"

Kaia ng Vatike (Kaia of Vatike)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon