Naglalakad na kami sa gitna ng gubat ng liwanag na kung aming tatawagin. Sa ngayong pagkakataon ay sinigurado ko nang magdala ng maliwanag na lampara. Dinala ko na rin ang aking bag na puno ng mahahalagang sandata at pangprotekta o pangdepensa. Huling beses na kami'y naparoon ay muntik na kaming mahuli o mas malala, nanganib ang buhay. Iba talaga ang pakiramdam ko sa babaeng iyon maliban pa sa personal kong galit dito. Lalo na nung makita ko ang altar, sa tuwing maaalala ko ito ay nanlalamig ang aking batok. Nakakatayo ng balahibo. Higit na mas mabigat ang presensya nito kaysa mga Kaiba, karaniwan man o makapangyarihan. Mas mabuti ng sigurado para sa oras ng panganib, kakayanin naming kalabanin ito.
"Sigurado ka ba na tama na pumunta tayo doon?" tanong sa akin ni Marko habang halata na kanina pa may iniisip. "Wala namang mawawala kung susubukan natin malaman kung may kinalaman ba siya dito." sagot ko lamang habang diretso lang ang tingin. "May mali kasi sa babaeng nakatira doon eh." lumingon ako sa sinabi ni Marko at nakitang seryoso ito na bakas sa mukha ang pagkasigurado. Mabuti na lamang at pareho kami ng pakiramdam tungkol sa babaeng iyon. Ganunpaman, kahit ano pa man ang kakayahan nito na sa ngayon ay hindi pa kami sigurado, hindi kami pwedeng makaramdam ng anumang takot dahil magiging sagabal lamang ito sa tibay ng aming isipan.
Habang naglalakad ay nakunot ang aking noo. Parang mas mabilis pa yata sa aking inaasahan ang pagbalot ng kadiliman sa liwanag ng gubat. Pakiramdam ko dati ay napakahaba nito ngunit ngayon ay na andito na kami sa maitim na parte ng gubat. Tumaas ang aking mga balahibo ngunit di na tulad ng dati na sobra na lamang ang takot ko sa dilim, medyo nabawasan na ito. Dumikit sa akin si Marko na may hawak na lampara at inilagay ang aking kamay sa kaniyang braso. Sa palagay ko ay naramdaman nito na andito pa rin ang aking kaonting takot sa dilim. Napahawak na lamang ang isa kong kamay sa dibdib dahil para akong biglang hindi makahinga.
"Bakit parang humaba ata yung parte na madilim?" tanong nito habang palingon-lingon sa aming paligid. "Masyado ngang mahaba." naramdaman ko ang kaniyang paglingon sa aking sinabi ngunit diretso pa rin ang aking tingin. "Pero parang ayos din naman ito" lumingon ako sa kaniya at kumunot ang aking noo nang makitang pinipigilan niya ang kaniyang pagngiti. Nawawala na ata ito sa kaniyang sarili.
Sa wakas ay tanaw na namin ang ilaw na nagmumula sa loob ng isang bahay. Bumitaw na ako mula sa pagkakakapit kay Marko at naunang maglakad nang bigla ako nitong pigilan at pinaupo. Nilingon ko ito at tinignan ng masama, "Ano bang pro-" pinutol nito ang pagrereklamo ko sa kaniya nang takpan nito ang aking bibig. Sinenyasan niya ako na tumahimik at ngumuso sa isang direksyon. Lumingon ako sa kaniyang itinuturo at nakita ang isang lalaki na sa palagay ko ay nasa tatlompu pataas ang edad na nakikipaglaban sa babae gamit ang isang ispada. Halatang pagod na ito at sugatan kaya sa palagay ko ay kanina pa ito lumalaban.
Natalisod ito sa isang malaking bato na siyang ikinaupo niya sa sahig. Tatayo na sana itong muli nang agad itong nilapitan ng babae. Itinutok nito ang kaniyang ispada ngunit itinaboy lamang ito ng babae. "Hindi ka magwawagi sa binabalak mo, Zaria!" matapang na sigaw ng lalaki kahit sa inaapakan ng babae ang kaniyang dibdib. Zaria. Zaria ang kaniyang pangalan. "Wala ka ng magagawa, Jose. Magpasalamat ka na lamang na bago ko pa wasakin ang Vatike ay wala ka na." at nagulat na lamang ako nang may mga matutulis na sangay ng puno ang pumako sa mga braso at hita nito na tila kinontrol ni Zaria gamit ang kaniyang isipan. Nabalot ang kadiliman ng kaniyang masakit na sigaw na siyang ikinatindig ng aking balahibo.
Tatayo na sana ako upang tulungan si Jose nang pigilan ako ni Marko. Pilit akong kumakalas ngunit nadadaig ako ng lakas nito. Pinilit ko ring sumigaw ngunit mahigpit na tinakpan nito ang aking bibig. "Hindi mo ba nakikita? Hindi natin kaya ang lakas ni Zaria." halos pasigaw na bulong ni Marko. Uminit ang ulo ko sa kaniyang sinabi. Wala akong pakialam gusto kong tapusin si Zaria. Kumukulo ang aking dugo dahil sa narinig ko na balak nitong wasakin ang aming kaharian. Una ay ang aming pamilya, ngayon ang aming kaharian. Ano ba ang gusto ni Zaria?
BINABASA MO ANG
Kaia ng Vatike (Kaia of Vatike)
FantasyKaia Dimapilis, ang prinsesa at susunod na mamumuno sa kaharian ng Vatike, ay hindi tanggap ang mabigat na responsibilidad ng pagiging isang reyna. Mas pipiliin pa nitong makipaglaban sa mga "Kaiba" na hindi inaasahan ang biglaang paglakas ng pwers...