Chapter 6

0 0 0
                                    

Habang sabay kami ni Sibol naglalakad pauwi sa aming kubo, hindi ko maiwasang makonsensya sa mga sinabi ko kay Marko na masasakit na salita at wala namang katotohanan. Sa kaniya ko naibuhos ang aking inis sa sarili. Sa kabila ng lahat ng kaniyang itinulong, nagawa ko pa siyang sabihan ng mga bagay na hindi ko naman nais sabihin. Sana sa aming pagdating ay andun lamang siya at kinalimutan niya na ang mga pangyayari kagabi.

Nakarating na kami sa tapat ng aming kubo. Agad akong nakaramdam ng hiya at para ba akong kinakabahan. Huminga na lang muna ako ng malalim at binuksan ang pinto. Agad na pumasok si Sibol ngunit naramdaman ko ang pagbigat ng aking mga paa na parang pumipigil sa akin na pumasok. Ganunpaman, pinilit ko ang aking sarili na pumasok. Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng aming kubo ngunit hindi ko nakikita si Marko. Dinala ako ng aking mga paa sa harap ng aparador ni Marko. Napatitig na lamang ako dito at naistatwa. Tila ayaw ko itong buksan. Nararamdaman ko kasing hindi ako handa sa makikita at hindi ko rin ito magugustuhan. 

Tumabi sa akin si Sibol at dinilaan ang aking kaliwang kamay. Napalingon na lamang ako dito at nakitang tinitingnan rin ang aparador. Ibinalik ko ang aking paningin sa aparador at kumapit sa hawakan nito. Agad ko itong binuksan bago ko pa maisipang umatras. Nanlamig na lamang ang aking balat nang makita na wala ng laman ito. Nagkatotoo nga ang bagay na ikinatakot ko bago ko pa man din itong buksan. Lumayas na nga si Marko.

Tulala lamang akong nakatingin sa kisame habang nakahiga sa mahabang upuan sa sala. Mag-isa na naman ako. Nakatadhana na nga talaga siguro sa akin na mamuhay mag-isa. Kung hindi sila ang kusang umalis, itinutulak ko naman paalis. Kung dati ay patuloy lamang ako sa paninisi sa kanila, ngayon napagtanto ko ng ako talaga ng may mali. Napapikit na lamang ako dahil nagsisimula na namang mamuo ang aking mga luha. Ipinatong ko ang aking kamay sa aking noo dahil ayaw kong makita akong muli ni Sibol na umiiyak. Naaawa at nahihiya na ako kay Sibol dahil siya palagi ang nadadamay sa kaguluhan ng aking isip. Lahat ng taong malapit sa aking buhay ay malapit din si Sibol. Kaya sa tuwing nawawala sila sa akin ay nababawasan din si Sibol ng maaasahan. Tuluyan nang umagos ang aking luha sa aking pisngi, pinipigilan ang sarili na humikbi. Balik na naman ako sa pagiging mag-isa.

Kasalanan mo rin naman. Hindi ba sinabi ko naman na sa iyo? Sarili mo lang talaga ang iniisip mo. Sariling emosyon at kapakanan. Kaya dahil diyan, dapat lang talaga sayong mabuhay at mamatay ng mag-isa. Maliban na lamang kung gusto mo akong papasukin sa iyong buhay. Kung ganon, hinding hindi mo na mararamdaman ang pagkalumbay.

Idinilat ko ang aking mga mata at pinunasan ang aking luha sa mga mata at pisngi. Ngayong alam ko na kung sino ang bumabagabag sa akin, hindi ko ito hahayaan na manipulahin ang aking isip. Bumangon ako mula sa pagkakahiga. Hahanapin ko si Marko. Siguro dahil para na lamang kay Sibol. "Sibol?" hinanap ko si Sibol at nakita ito na inaamoy ang patpat na palaging gamit ni Marko sa tuwing nakikipaglaro ito kay Sibol. Lumapit sa akin si Sibol at tumingin na tila humihingi ng permiso. Tumango lamang ako dito ng nakangiti at nagsimula itong amoy amoyin ang sahig. Nagmadali akong kunin ang aking bag at si Hanan. Sinundan ko lamang si Sibol na inaamoy ang sahig na tila sinusundan ang bakas na kung saan dumaan si Marko.

Maya maya pa ay naririnig ko na ang paghampas ng tubig sa mga bato. Sa palagay ko ay ito ang pag-agos ng tubig ng ilog. Umupo na si Sibol at tumingin sa akin na para bang humihingi ito ng tawad. Agad kong napagtanto na hindi niya na maamoy ang bakas ni Marko dahil nahaharangan na ang kaniyang pang-amoy ng amoy ng nasusunog na kahoy. "Ayos lang, Sibol. Salamat sa malaki mong tulong." hinaplos ko na lamang ang kaniyang ulo at ninginitian. Nakita ko namang masayang gumalaw ang kaniyang buntot. Sinundan lamang namin ang baliktad na direksyon ng agos ng tubig. Sa aming paglalakad ay agad na nag-init ang aking ulo sa nakita.

Nakita ko si Digoy habang nakikipaglandian sa isang babae habang nakaupo malapit sa siga ng kahoy. Nag-init ang aking ulo dahil napansin kong hindi ito ang babaeng kamarera na kaniyang kasintahan. Dinampot ko ang isang tambak ng mga nakakalat na dahon at inihagis sa kanila. Pareho naman silang napasigaw sa gulat. "Hoy Digoy! Sino naman itong kasama mo?" salubong na kilay kong tanong kay Digoy na ngayon ay ipinapagpag ang sarili. "M-mahal na p-prinsesa" agad na tumayo ito at yumuko upang magbigay galang. Tahimik lamang na yumuko rin ang babaeng kaniyang kasama. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkainis. Tiningnan ko ang kaniyang kasuotan at hindi ko maiwasan ang aking sarili na mapangiwi sa kaniyang suot. Masyado atang mababa ang pagkakatahi sa kaniyang kwelyo kaya labas na ang kaniyang magkambal. Tinitigan ko lamang ito at napansin kong mahinang siniko ito ni Digoy. Napatingin naman ito sa kaniya at sinenyasan ito na tumayo. Naiinis naman itong sumunod at yumuko. Inikutan ko lamang ito ng mga mata at humarap kay Digoy.

Kaia ng Vatike (Kaia of Vatike)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon