Pinanood ko lamang ito na nakatitig lamang sa kawalan. Mukhang malalim ang kaniyang pag-iisip. Hindi ko pa rin alam kung paano ko ito lalapitan at kung ano ang sasabihin ko rito. Maaaring galit rin ito sa akin dahil sa aking mga binitawang masasakit na salita sa kaniya. Hindi ko maiwasang muling makonsensya sa aking naalala. Babalik na lang siguro ako sa kubo. Basta alam ko kung nasaan siya, ayos na siguro iyon.
"Halika na Sib-" agad akong napalingon lingon dahil hindi ko na nakita si Sibol sa aking likuran. Nanlaki ang aking mga mata ng makita siya na papalapit kay Marko. Pipigilan ko pa sana ito kaso baka mahuli ako ni Marko. Napapikit na lamang ako nang makalapit na ito ng tuluyan kay Marko. "Oh, Sibol. Hinanap mo ba ako o ginusto mo lang bumalik dito?" rinig kong sabi ni Marko kay Sibol. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at nakita si Sibol na tuwang tuwa habang niyayakap ni Marko. Pinanood ko lamang sila sa kanilang ginagawa. Uupo na lang ako sa isang malaking bato upang maghintay kay Sibol dahil wala na akong balak na lumapit pa sa kanila. Mag-iiwan na lang siguro ako ng sulat para humingi ng tawad kay Marko.
"Mabuti ka pa Sibol hindi nagdalawang isip na lumapit. Yung amo mo kasi pumuwesto na sa likuran na nagtatago eh." nanlaki ang aking mga mata sa sinabi ni Marko kay Sibol. Paano nito nalaman na andito ako? Ni hindi nga ito lumingon sa direksyon ko. "Tabihan mo na kami dito, Kaia." agad na bumilis ang tibok ng aking puso. Kinabahan siguro ako dahil hindi ko alam ang aking gagawin. Tumayo na lamang ako at dahan-dahan na naglakad papalapit sa kanila. Tahimik akong umupo sa tabi ni Marko at nakayuko lang na nakatitig sa baba. Ano ba dapat kong sabihin? Sabihin ko bang bumalik na siya sa kubo? May Kaiba na nagwawala? Hinahanap siya ng mga tao?
"Mauuubos na iyang kuko mo kung hindi mo pa titigilan sa pagngatngat diyan." rinig kong sabi ni Marko. Hindi ko na napansin na nagngangatngat na pala ako ng aking kuko. Ugali ko kasi ito sa tuwing masyado akong natetensyon. Agad kong ibinaba ang aking kamay at umakto na tila normal lang ang lahat. "Sabi ko na nga ba hindi mo kakayanin na gawin ang misyon mo kung wala ako eh." agad akong napalingon kay Marko sa pagmamayabang nito. Tumaas ang aking kilay dahil nakita ko itong nakangiti na nang-aasar. "Paalala ko lang sa iyo, buong buhay ko mag-isa akong lumaban." pagtaas ko ng kilay dito habang nakatiklop ang mga braso. "Eh bakit mo ako hinanap?" natigilan na lamang ako sa kaniyang sinabi. Sa unang pagkakataon, hindi ko masagot ang tanong ni Marko. "H-Hinanap ka ni Sibol." sabi ko na lamang at tumingin sa mga nagtatalunan na mga isda sa karagatan. "Sabi mo eh..." sabi nito na ramdam ko ang kaniyang pagngisi at nagpatuloy sa paghaplos sa mukha ni Sibol.
"Bakit pala dito ka pumunta?" biglang kawala ng aking mga isipan sa aking bibig. "Hindi raw siya interesadong hanapin ako oh." pang-aasar nito sa akin. "Kaya ayaw kong kinakausap ka eh." napipikon kong sabi at tiningnan lamang ito ng matalim. Tumawa naman ito sa naging reaksyon ko na parang walang epekto sa kaniya ang masama kong tingin. "Biro lang. Gusto ko rin kasing mag-isip isip." Tama nga naman siya. Simula kasi nung sumama siya sa akin, hindi na siya nagkaroon ng oras para sa kaniyang sarili dahil sa pagiging abala nito sa pakikipaglaban sa mga Kaiba at sa libreng oras naman niya ay abala siya sa pag-aral tungkol dito. Hindi ko naman siya inobliga na mag-asikaso kay Sibol, sadyang masyado lang itong malapit sa kaniya. Mabuti na rin iyon dahil nagkaroon din ako ng oras upang asikasuhin ang ibang mga bagay. Aminin ko man o sa hindi, kailangan ko nga siya.
Agad kong hinanap ang aking bag nang ako ay may maalala. Nang ito ay mahanap ko na, agad ko itong binuksan. Nang makita ko na ay tumayo ako at naglakad tungo sa harap ni Marko. "Bakit mo ito inilibing sa tabi ng ilog?" matatag kong tanong rito at itinapat ang kaniyang kwintas sa kaniyang mukha. Napahawak naman ito sa aking kamay na hawak ang kwintas. "Sandali lang naman. Bakit masyado mo namang nilapit sa mata ko? Kalma ka lang." natatawa nitong sabi at medyo inilayo ang aking kamay sa kaniyang mukha. "Ganda noh?" nakangiti nitong sabi. "Sagutin mo tanong ko." diretso kong sabi sa kaniya at muling inilapit ito sa kaniyang mukha. "Oh. Chill" natatawa nitong muli nang mapaatras ang kaniyang ulo. "Sinadya ko iyan. Nag-iwan talaga ako ng clue baka sakaling hanapin mo nga ako." sa wakas ay sumagot rin ito habang nakatitig lamang sa kwintas. "At hinanap mo nga ako. Naka tulong ba?" tanong nito at binalik ang tingin nito sa akin. Ibinaba ko na ang aking kamay nang medyo nakalma na ako. "Nakatulong kay Sibol sa paghanap sa iyo." sagot ko at nguso kay Sibol na mahimbing ng nakatulog sa sahig. "Ah oo. Si Sibol kasi yung gusto akong hanapin." sabi ni Marko na ang tono ay parang nang-aasar. Inikutan ko lamang ito ng mata at kinuha ang kaniyang kamay. Binuka ko ang kaniyang palad at inilagay doon ang kaniyang kwintas.
BINABASA MO ANG
Kaia ng Vatike (Kaia of Vatike)
FantasíaKaia Dimapilis, ang prinsesa at susunod na mamumuno sa kaharian ng Vatike, ay hindi tanggap ang mabigat na responsibilidad ng pagiging isang reyna. Mas pipiliin pa nitong makipaglaban sa mga "Kaiba" na hindi inaasahan ang biglaang paglakas ng pwers...