Napako na lamang ako sa aking inuupuan. Tulala at tila namanhid ang pakiramdam. Wala ako kagana-ganang gumalaw. Dalawang oras na simula nung umalis si Mona at mula nun ay hindi na ako gumalaw sa aking pwesto. Ni isang luha ay wala akong naipatak. Nakatitig na lang sa bulaklak na binigay ko sa kaniya kanina lamang na agad natuyo. Nakakapagtaka. Bakit ang bilis nitong magbago? Kanina lang ay ang sigla nitong tingnan at napakagaan sa pakiramdam. Bakit agad itong nalanta?
Napatingin na lamang ako sa aking gilid at nakita si Sibol na tila nakikiramdam. Doon na tuluyang pumatak ang aking mga luha. Nilingon ako nito at dahan-dahang nilapitan. Dinilaan nito ang aking kaliwang kamay at tumingin sa aking na para ba nitong sinasabi na dinadamayan ako nito. Lumuhod ako at niyakap si Sibol nang mahigpit. Doon ko na nailabas ang aking mga naipong sakit. Napahagulgol ako habang niyayakap ito at nilabas ang lahat ng aking mga nararamdaman. Anger, pain, betrayed, unfair. Lahat.
Nang medyo nakakalma na ako ay bumitaw na ako sa pagkayakap kay Sibol at tingnan ito ng mabuti. May isang bagay akong napagtanto, "Sibol... ikaw lang talaga. Ikaw lang talaga ang andito para sa akin. Ikaw lang ang hindi ako hinusgahan, pinipilit na magbago, dinidiktahan ang buhay ko, at sinaktan ng ganito. Ano ba ang naging kasalanan ko para gawin sa akin ito? Mali sila, Sibol. Mali silang lahat. Simula ngayon, ikaw na lang talaga ang mamahalin ko." dinilaan nito ang akin pisngi at ipinatong ang baba sa aking balikat na para ba ako nitong niyayakap.
Naalala ko ang unang beses kong nakilala si Sibol. Muling tumulo ang aking mga luha. Sa ganitong mga pangyayari sa buhay, malalaman mo talaga kung sino ang tunay na andiyan para sa iyo. Sa sitwasyon kong ito hindi nga tao ang nagpapagaan ng aking loob kundi isang hayop. Paano nila nagagawang manakit ng hayop kung mas nakakaramdam at unawa ang mga ito kaysa mga tao?
Maya-maya pa ay nagtayuan ang aking mga balahibo. Bigla akong nanlamig sa aking pagkaupo. "Walang magmamahal sa iyo, Kaia." lumingon-lingon ako upang hanapin kung sino ang nagsalita ngunit wala akong mahanap. Para ba nitong ginagaya ang aking boses. "Hindi ka karapat-dapat mahalin dahil sarili mo lang ang iniisip mo." uminit ang aking ulo sa narinig at napasigaw, "Sino ka? Magpakita ka!" nakarinig ako ng mahinang pagtawa. "Madali mo lang naman akong makita, Kaia. Ang kailangan mo lang gawin ay tumingin sa salamin." Hindi na ako natutuwa sa mga nangyayari kaya lumabas ako ng kubo at hinanap kung sino man ang nanggugulo sa akin. "Kahit anong hanap mo sa akin, wala kang makikita." muli kong rinig sa boses. "At bakit?" pagsagot ko dito. "Dahil ako ay ikaw." nakakapagtakang sabi nito.
Gusto kong magtanong ngunit parang hindi gumagana ang aking utak. Sobrang gulo ng aking isipan sa mga nangyayari. Pakiramdam ko ay gumagaan ang aking ulo at dama ang pag-ikot ng mundo. Nagsimulang kumirot ang aking sintido at nahilo. Pakiramdam ko ay para akong masusuka nang bigla akong matumba. Nagsimulang lumabo ang aking paningin at natatanaw ang isang ilaw na nanggaling sa lamparang papalapit sakin. Hawak ito ng isang pamilyar na babae at maraming kasamang mga kawal. "Kaia, anak." rinig kong sigaw nito. Unti-unting nawawala ang boses ng aking ina at ang pagtahol ni Sibol. Tuluyan na ngang dumilim ang aking paningin at ang huli kong nakita sa aking pagpikit ay isang kwintas na may hugis bituwin sa gitna ng isang bilog.
Ilang buwan na akong hindi lumalabas sa aking kwarto. Hindi pa ako handang humarap sa mundo matapos ang mga nangyari. Wala pa akong nakakausap na kahit isang tao dahil si Sibol lamang ang aking pinapansin. Lalong lalo na ay hindi ko pa kayang humarap sa aking ina dahil siya ang dahilan kung bakit ako nagdudusa ngayon. Ilang linggo ko na rin hindi nakikita ang aking ama. Sa tuwing andito siya ay pinupuntahan ako nito sa kwarto at sinusubukang kausapin sa labas ng aking pinto ngunit hindi ko ito sinasagot. Iba ang aking pakiramdam sa tuwing nakikita ko ito sa aking bintana na madalas umaalis ng ingat na ingat. Tila ayaw nitong may makaalam sa kaniyang pupuntahan. Kakaiba ang kaniyang mga kinikilos. Parang may tinatago.
BINABASA MO ANG
Kaia ng Vatike (Kaia of Vatike)
FantasyKaia Dimapilis, ang prinsesa at susunod na mamumuno sa kaharian ng Vatike, ay hindi tanggap ang mabigat na responsibilidad ng pagiging isang reyna. Mas pipiliin pa nitong makipaglaban sa mga "Kaiba" na hindi inaasahan ang biglaang paglakas ng pwers...